Talaingod 13 at ang nagpapatuloy na pakikibaka para sa katarungang panlipunan
Ni Nuel M. Bacarra
Sa pagitan ng mga kwento at salaysay, ng mga progresibong awit, ng pakikipag-daupang palad, ng mga bulungan at higikhikan, sa aktwal na daloy ng programa ay nabuo ang isang mas mataas na pagkakaisa para higit pang igiit ang kapasyahang ipagpatuloy ang pakikibaka at iangat ito sa isang mas mataas na antas ng kolektibong paglaban.
Sinalamin ng pagtitipon para sa kampanyang Defend Talaingod 13 nitong Agosto 3 ang pagkikipagkaisa at ang diwa ng paglilingkod sa sambayanan. Ang mga lagda sa manipesto ng pakikiisa ay pasya at matibay na patunay sa paglarga hanggang makamit ang katarungan.
Ito ay naging isang okasyon para itudla sa hinaharap ang mga aral na armado ang estado ng makinarya para lubusin ang lahat ng paraan sa pagpapatahimik sa mamamayang lumalaban. Hindi na epektibo para sa estado na patayin lamang ang mga rebolusyonaryo, ikulong at pahirapan ang mga aktibista at supilin ang pag-ehersisyo ng mamamayan ng kanilang mga karapatan, kabilang na rito ang pagwasak sa mga istrukturang ibinunga ng sama-samang pagkilos.
Ganito ang konteksto kung bakit ang makataong misyon para isalba ang mga bata at mga guro sa Talaingod na naipit sa pagharang ng mga militar at paramilitar na pwersa ng estado ay naging isang kasong kriminal at sistematikong pinilipit ang katotohanan sa kabila ng aktwal na danas ng panggigipit.
Katutubong Paaralan
Sa panahon ng rehimeng Rodrigo Duterte, ipinasara ang 216 na paaralan ng mga katutubong Lumad sa buong Mindanao. Apektado rito ang mahigit 10,000 estudyanteng katutubo. Ang pagkakaroon ng mga eskwelahan sa kanilang lugar ay ipinaglaban ng henerasyon ng mga Lumad na naniniwala sa kahalagahan ng edukasyon para sa kanila.
Sa pagsisikap mismo ng mga katutubo at mga organisasyong di-gubyerno, naitayo ang mga paaralang ito na angkop at umaayon sa sosyo-kultural ng pangangailangan ng mga komunidad. Kaya may mga asignatura sila na maliban sa regular na aralin ay meron silang nakalaan para sa araling pang-agrikultura at teknolohiya at aktwal na naisasapraktika ang kaalaman para sa kapakinabangan ng buong komunidad. Ang ganitong uri ng kurikulum ay hindi gusto ng pamahalaan kung kaya inakusahan ito ni Duterte mismo na mga eskwelahan ito ng mga New People’s Army (NPA).
Mga paaralan itong nakatayo sa gitna ng mga bulubunduking bahagi ng kanayunan kung saan nagaganap ang mga armadong labanan sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng NPA. Subalit kalabisan na tatakan ang mga paaralang ito bilang eskwelahan para sa pagsasanay ng mga NPA. At dahil sa ganitong balangkas ng pangangatwiran, pwersahan itong ipinasara mismo ni Duterte at AFP sa pamamagitan ng pasistang dahas at pananakot.
Ang utos na ito ay ipinatupad ni national security adviser Hermogenes Esperon Jr. simula noong 2019. Ipinasara ang 55 eskwelahan na pinangangasiwaan ng Salupongan Ta’Tanu Igkanogon Community Learning Center sa Southern Mindanao, mga paaralang awtorisado mismo ng Department of Education (DepEd). Gayundin ang sinapit ng mga iskul sa ilalim ng ALCADEV (Alternative Learning Center for Agricultural ang Livelihood Development) at TRIFPPS (Tribal Filipino Program of Surigao del Sur) at iba pang paaralan ng mga Lumad sa buong Mindanao.
Isang kabalintunaan na sa kabila ng kakulangan ng mga paaralan sa iba’t ibang lugar sa bansa, ipinasara at winasak ang mga paaralan ng mga Lumad dahil sa “kontra-insurhensyang” programa ng gubyerno at ang armadong pwersa ng estado ang pangunahing instrumentong ginagamit sa pagwasak ng mga istruktura maging ng pangarap ng buu-buong komunidad na magkaroon ng edukasyon.
Makataong misyong naging krimen
Hindi na bago kay Rep. France Castro ng ACT Teachers’ Party ang mga humanitarian mission. Noong gurong unyonista pa lamang siya, madalas na siyang naglilingkod sa mga katutubong komunidad. Nakapag-serbisyo na siya sa mga katutubo ng Cordillera, sa pagbibigay ng school supplies sa mga Mangyan sa Mindoro, naging bahagi rin siya ng relief operations sa mga Aeta nang pumutok ang Mt. Pinatubo. Hindi bago para sa kanya ang mga makataong misyon sa kanayunan.
Gayundin si Ka Satur Ocampo, dating kinatawan ng Bayan Muna na 85 taong gulang na ngayon at mahigit 60 taon nang aktibista. Marami siyang sinamahang mga fact-finding at rescue missions.
Silang dalawa ay kabilang sa 13 na sentensyado sa kasong child abuse sa ilalim ng batas na R.A. 7610 o Anti-Child Abuse Law.
Noong panahon ng rescue mission nila sa Talaingod, Davao del Norte noong Nobyembre 2018 kahit may pakikipag-usap nang ginawa si Ka Satur sa hepe ng pulisya para salubungin ang mga bata at mga guro, hindi napigilan ang pagharang sa kanila ng mga militar. “Under military order” umano at ayon mismo may Ka Satur, may interbensyong ginawa si Duterte at may mandong kasuhan sila.
Tunay na Usapin
Ang husga sa kanilang nagkasala sa batas ay isang uri ng miscarriage of justice, ayon na rin kay Ka Satur. Ito ay malinaw na hudisyal na pang-uusig. Isa itong sabwatan ng mga armadong pwersa ng estado, ng lokal na gubyerno at iba pang ahensya nito. Ipinataw mismo ni Duterte ang batas militar sa Talaingod para bigyang-katwiran ang pagwasak sa mga paaralan. At sa pangyayaring hinusgahang maysala sina Ka Satur at Teacher France, nagdiwang ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na matagal nang minimithi ng reaksyunaryong gubyerno kay Ka Satur.
Para kay Ka Satur na ilang beses nang kinasuhan ng murder, multiple murder, kidnapping with serious illegal detention at iba pa ay nalampasan niya ito lahat dahil walang katotohanan ang mga ito. Pero sa pagkakataong ito na sinentensyahan siya, lahat ng sirkunstansya ay nakaturo sa garapal na pagsasabwatan at sistematikong maniobra.
Hindi rin pwedeng tanggalin sa hinala ang galaw ng mga Duterte sa kasong ito at hindi kataka-taka ito para kay Rep. France Castro. Siya ang malakas ang loob na nagkwestyon sa ₱125 milyong confidential fund ni Vice President Sara Duterte na ginasta sa loob ng 11 araw at sa kawalang-silbi nito bilang hepe ng DepEd. Sa pamamagitan din Rep. Castro, naisabatas ang Republic Act 11997 o ang Kabalikat sa Pagtuturo Act na nagtatakda ng pagtaas ng alawans sa pagtuturo mula ₱5,000 tungong ₱10,000.
Nang mag-anunsyo si Rep. France ng maagang kandidatura para tumakbong senador sa eleksyon sa 2025, Buena-manong bala ang kaso ng Talaingod 13 ng rehimeng Marcos Jr. para siraan ang mga patriyotikong mga indibidwal at organisasyon na balak na kumpletuhin ang buong listahan ng mga kandidato para sa Senado sa darating eleksyon sa isang taon na ikinagulat ng reaksyunaryong estado.
Mitsa ng Pakikibaka
Ang kaso ng Talaingod 13 ay tagos sa iba’t ibang sektor—mga pambansang minorya, guro, mambabatas, manunulat, kabataang-estudyante. Sumalubong ito sa papalalang krisis sa edukasyon. Lantad ang hindi pantay na timbangan ng hustisya. Sangkot sa sabwatan ang armadong pwersa ng estado, lokal na gubyerno, at iba pang ahensya nito maging ang hudikatura.
Hindi biro ang 216 na paaralang ipinasara at winasak. Kulang ang mga paaralan para sa lumalaking bilang ng mga estudyante sa buong bansa at hindi biro ang paghinto sa pag-aaral ng sampung libong kabataan habang ang mga gurong matyagang nagtuturo ay sinentensyahan sa mga kasong gawa-gawa lamang kasama nina Ka Satur at Rep. France Castro.
Hamon ito sa sambayanan na kitlin ang pananahimik dahil ang mga tunay na naglilingkod sa bayan ay inuusig. Ang edukasyong pinangarap ng Kalumaran ay binura sa listahan ng serbisyong panlipunan sa panahon ni Pangulong Duterte pero nakumpleto sa panahon ng rehimeng Marcos Jr. ang kawalang katarungan.
Kahit anong away sa pulitika ng dalawang nag-uumpugang pulitikong angkang ito, pareho ang pamamaraan nila sa pagsupil sa paglaban ng mamamayan. Nangyari ang kaso ng Talaingod 13 sa Mindanao pero sumambulat ang kawalang-katarungan nito sa Kamaynilaan. Mula rito, magiging mitsa ito pakikibakang masa para sa katarungan sa buong bansa. #