Ni Jek Alcaraz, Radyo Natin-Guimba
Nagko-cover ako ng kilos protesta ng mga magsasaka sa Baloc, Sto Domingo, Nueva Ecija noong Miyerkules, Abril 25.
Umaga pa lang, mga 9 am, nasa munisipyo na ako para i-cover ang pakikipagharap ng mga magsasaka kay Sto. Domingo mayor Imee de Guzman at chief of police PSupt Abraham Atencio. Inireklamo nila ang gabi-gabing pagpapaputok ng baril ng mga tauhan ng pamilya Jimenez mula sa loob ng kanilang compound. Dagdag pa, layunin din ng mga magsasaka na mag-protesta sa pagbabakod ng mga Jimenez sa 17 ektarya na lupa kung saan tatlong ektarya doon ay may tanim pang palay na kailangan nang anihin.
Dahil may sarili akong motorsiklo, nauna na ako sa area, sa tapat lang ng compound ng mga Jimenez. Ipinarada ko sa tabi ng kalsada ang aking motorsiklo. Kalaunan, doon din huminto ang bulto ng mga nagpo-protestang magsasaka.
Nag-video ako at saka ko nakita ang mga tao sa compound. Marami sila at kasama ang landlord na si Romulo Sangalang Jimenez at kanyang anak na si Jonjon.
Naisip ko agad, “Gulo ito.” Kaya inilihis ko muna ang aking motorsiklo. Saka ko nakita ang dalawang lalaki na papalapit sa bakod sa tabi ng kalsada. Hindi pa ako nakakababa at hindi ko pa napapatay ang makina nang narinig ko na ang putukan. Nakita kong nag-dapaan na ang mga magsasaka. Tiyak akong may nasugatan dahil nasa kabila lamang ng kalsada nanggagaling ang maraming putok.
Screengrab mula sa video.
Tumakbo ako agad sa harap ng bulto para ma-video-han ko ang namamaril. Nakuhanan ko pang nagpaputok ang dalawang lalaki. Nakita ko ring naroon lang sa malapit ang mag-amang Romulo at Jonjon, pinapanood ang pamamaril. Nakita ko na tumakbo na iyong mga namaril papasok ng compound.
Nasugatan sa pamamaril ay si Virginia Galapon Guiang, 65 taong gulang. Tinamaan siya sa hita ng bala ng M16. Kasalukuyan siyang ginagamot sa PJG Hospital sa Cabanatuan City. Dinaplisan din ng bala ng kalibre .45 si Mariafe Orbido Magbanua, 46 years old. Namaga raw ang kanyang sugat kaya kailangan na ring iconfine sa hospital.
Unang naisip ko matapos ang pamamaril ay tumawag na ng pulis, kaya tinawagan ko ang hepe na si PSupt Atencio. Pagdating nila matapos ang limang minuto, hinabol nila iyong isang tricycle na tumatakas.
Lumapit si Jonjon Jimenez. Gusto niyang makausap ang mga pulis. Lumapit ako sa kanya upang tanungin kung puwede ba siyang magbigay ng pahayag tungkol sa pamamaril at kung mga tauhan ba nila ang mga iyon. Tinanong niya ako: “Sino ka ba?” Sinagot ko sya na media ako mula Radyo Natin Guimba. Sinabi niyang huwag ko siyang interbyuhin sa mismong lugar na iyon. Dinagdag niyang sa loob daw kami ng compound para “neutral at walang biases. Ilang beses niya akong kinunan ng litrato at video.
Makikitang nasa likod lamang ng namaril si Romulo Sangalang Jimenez na nakasuot ng kulay-rosas na tshirt. (Screengrab mula sa video)
Pagkatapos, ang mga pulis naman ang nagtanong kung kung nakuhanan ko ba yung pamamaril. Ang sabi ko, meron akong footage. Pagkatapos, ini-screen shot namin ang aking kuha ng mga suspect. Saka pumasok ang mga pulis sa loob ng compound para sa hot pursuit. Humarang si Sangalang Jimenez, dahil wala raw ebidensiyang sa loob ng compound tumuloy ang mga namaril. Sinabi pang itinanim lang ng mga magsasaka ang mga basyo ng bala.
Sinabi ng pulis na may actual video kaya huwag na sana siyang magkaila. Tinawag ako palapit doon sa kanila para sabihin sa may ari ng compound na may ebidensya. Sa pangalawang beses,. tinanong ako ni Jonjon kung sino ako at anong ginagawa ko sa lugar. Sinabi ko ulit na media ako at nagko-cover ako ng protesta. Tinanong ako ng pulis kung kaya kong mai-dentify ang suspect. Sabi ko, batay sa video na kuha ko, kaya kong i-identify iyon.
Muling nagtanong si Jonjon na paano ko raw ma-identify ang mga lalaking namaril kung wala naman ako sa actual event. Sinagot ko siya na kitang kita ng dalawang mata ko ang nangyari. Sinabi niyang media lang ako at walang karapatang mag-identify kung sino ang namaril. Dagdag niya: “Patunayan mo sa court ang mga sinasabi mo. Huwag dito dahil hindi ito iyung lugar. Kung gusto niyong mahuli ang mga tauhan ko, kailangan ay may hearing muna. Mag-file kayo ng warrant of arrest at ng search warrant para mahalughog nyo itong compound ko.” Sumagot ako na naroon ako mismo sa pangyayari upang mag-cover ng protesta. Maaring isa ako sa pwedeng naging biktima kung hindi ako nakatabi dahil inilalayo ko ang aking motorsiklo.
Sinabihan na ako ni Jonjon matapos ang aming palitan ng salita na hindi ako pwede sa compound nila at wala akong karapatang mag-cover. Ipinagtulakan niya ako palabas ng gate. Nakita ng mga pulis. Sinabi ng PSupt Atencio: “Huwag mo namang itulak-tulak. Hindi naman na maganda iyan.”
Saka ako inakbayan ni Jonjon at sinabihang, “Umalis ka na rito.” Sinagot ko sya: “Bakit ako aalis, media ako at kailangan kong i-cover ang mga nangyayari?” Subalit iginiit niyang palabasin ako. Lumabas ako subalit matapos ang ilang minuto, ipinatawag ulit ako ni PSupt Atencio upang ituro sa mga inipon nilang mga tao kung sino ang namumukhaan ko. Itinuro ko ang salarin. Nagwala na ang mag-amang Jimenez. Hindi raw makukuha ang mga tauhan nila. Naghihilahan sila at ang mga pulis sa suspect.
Dahil hindi makuha ang suspect, pinosasan na lang siya sa tricycle. Hinintay namin ang pagdating ng Provincial Director ng Nueva Ecija PNP na si PSSupt Eliseo Tanding. Pagdating niya, ipina-halughog niya ang buong paligid. Unang nakita ang isang 9mm na pistol na nakabalot ng tela sa may sukal. Sumunod ang isang shotgun na nakalagay sa sako na naka-suksok lang din. Iginiit ni Jonjon na planted ang mga ito at hindi sa kanila ang mga baril.
Ang mag-amang JImenez (Romulo, na naka-suot ng kulay rosas, at Jonjon, na naka-asul).
Habang kinukunan ko ang aktwal na pagkita sa shotgun, tinanong ulit ako ni Jonjon: “Ano ka ba dito? Official media ka ba ng mga pulis?” Sinabi ko sa kanya: “Obligado ba akong sagutin iyan. Media ako, hindi pa ba sapat iyon? Sabi niya ulit: “Aba! Pamamahay ko ito. Nandito ka sa bakuran ko. Dapat alam ko kung sino ang pinapa-pasok ko.” Sumagot ang hepe: “Siya ang nandito. Hindi na kailangan ng official media from PNP at siya na iyong nakasaksi ng mga kaganapan.”
Inimbitahan ako sa Provincial Office ng Nueva Ecija PNP upang magbigay ng salaysay. Nagtalaga ng tatlong pulis para sa aking seguridad. # (Jek Alcaraz, Radyo Natin-Guimba)