Posts

Protesta sa Araw ng Kalayaan upang ipaglaban ang West Philippine Sea laban sa agresyon ng China

Ipinagdiwang ng mga progresibong grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan ang ika-123 anibersaryo ng deklarasyon ng kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya sa pamamagitan ng isang kilos protesta sa harapan ng konsulada ng Tsina sa Makati city noong Sabado, Hunyo12. Tinutulan nila ang anila’y kapabayaan ng gubyernong Rodrigo Duterte sa West Philippine Sea at pang-uupat ng Tsina sa mga mangingisdang Pilipino sa loob ng Exclusive Economic Zone ng bansa. (Bidyo nina Jek Alcaraz at Joseph Cuevas. Editing ni Jek Alcaraz)

Ang Hunyo 12 at Tunay na Kalayaan

Ginugunita tuwing ika-labindalawa ng Hunyo ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. Sa araw na ito, taong 1898, sa Kawit, Cavite, ay idineklara ni Heneral Emilio Aguinaldo ang kasarinlan ng Pilipinas mula sa higit tatlong daang taong pananakop ng mga Kastila.

Sa araw ding iyon, unang pinatugtog ang Marcha Nacional Filipina, na kalauna’y naging Pambansang Awit ng Pilipinas. Naganap din ang makasaysayang unang pagwagayway ng bandila ng Pilipinas.

Ngunit sa umpisa, at sa loob ng labing-anim na taon, ginunita ang Araw ng Kalayaan tuwing ika-apat ng Hulyo, araw ng opisyal na pagkilala ng Estados Unidos ng atin umanong kalayaan noong 1946. Nabago lamang ang Araw ng Kalayaan mula Hulyo a-kwatro patungong Hunyo a-dose noong Mayo 12, 1962 sa pamamagitan ng Proklamasyon Bilang dalawampu’t walo ni dating Pangulong Diosdado Macapagal na naisabatas noong 1964 sa ilalim ng Batas Republika Bilang 4166.

Ang kalayaan ng Pilipinas ay bagay na ipinaglaban ng mga Pilipino. Hindi ito regalo mula sa mga mananakop.

May pagkakapareho’t pagkakaiba ang paraan ng mga pagdiriwang ng iba’t ibang bansa ng Araw ng Kalayaan. Ang mga opisyal na pagdiriwang ng iba’t ibang pamahalaan ay magarbong parada. Ganoon din sa Pilipinas taon-taon.

Ngunit may mga di-opisyal na paggunita, at hindi parada ang madalas na anyo ng kanilang aktibidad. Dito sa Pilipinas, taun-taong nagsasagawa ang mga progresibong grupo ng mga protesta hinggil sa mga isyung sumusubok kung tunay nga bang malaya na ang bansang Pilipinas.

Dahil bagamat hindi na direktang sakop ng Estados Unidos ang Pilipinas, naririyan pa rin ang mga kasunduang nagtatanikala sa mga Pilipino. Ilan sa mga kasunduang ito ay ang Mutual Defense Treaty, Enhanced Defense Cooperation Agreement at Visiting Forces Agreement.

Tampok noong 2018 ang protestang isinagawa, sa pangunguna ng Movement Against Tyranny, na may temang “HINDIpendence Day.” Ito ay isang malikhaing termino na nagpapakita ng kawalan ng kalayaan ng bansa.

Ilan sa mga isyung tinalakay noon ay ang epekto ng Train Law sa mahihirap, mababang pasahod at patuloy na kontraktwalisasyon sa mga manggagawa, kontrobersyal na paghalik ni Pangulong Duterte sa isang overseas Filipino worker sa South Korea, pangingialam ng Tsina sa West Philippine Sea at ang patuloy na presensya ng mga tropa ng Estados Unidos sa Pillipinas.

Makikita na hindi na lang ang kalayaan ng Pilipinas mula sa mga dayuhan ang ating ipinaglalaban, kundi pati na rin ang kalayaan ng mamamayan sa mga mapang-api at hindi makataong polisiya ng isang tiranikong pamahalaan.

Ngayong taon, sa pagsalubong ng ika-122 taong anibersaryo ng proklamasyon ng atin umanong kalayaan, isang protestang may temang “Grand Mañanita” ang isasagawa ng mga progresibong grupo. Ang pangunahing panawagan ay ang pagbasura sa Anti-Terror Bill na ikinatatakot na tatapak sa mga karapatan at kalayaan ng bawat Pilipino.

Mahalaga ang pagkakaroroon ng tunay na kalayaan. Sapat na ang mahigit 300 taong pang-aalipin at pananakop ng mga dayuhan at dekada-dekada ng pang-aapi’t pagpapapabaya ng pamahalaan sa taumbayan. Ngayon, higit kailanman, ang panahon upang ipaglaban—at kamtin—ang tunay na kalayaan.