Sa likod ng mga buwaya — Tula ni Raymund B. Villanueva

IMGA0500

Mabuhay, mabuhay, mabuhay! Maligayang pagdating, Papa
Nakahilera na sa Villamor ang mga buwaya. Ayun, kuntodo postura
Ang mga katolikong pang-kapitirya, nangagsiligo na
Sila na, sila lamang, ang may karapatan
Maging abala sa iyong pagdalaw.

Huwag kang magugulat, Kiko, kung walang trapik sa kalsada
Pistang opisyal ang iyong pagbisita, ayon sa Presidente
Hindi na baleng walang kita ang arawang manggagawa
Ganyan kaming tumanggap ng kapita-pitaganang bisita.

(Samantala sa radyo, nagpayo si Noli de Castro
Maghunos-dili naman daw ang mga pasaway.
“Eto na,” sambit ni Dr Love, OP, habang ipinapasok ng may uyam
Ang ulat tungkol sa mahihirap na naghatid ng liham
At petisyon sa iyo sa iyong tutuluyan.)

Sino nga ba kaming nagpupumilit na mabahaginan
Ng iyong sulyap at basbas:

Kaming biktima ng mga sakunang nakatira pa rin sa tolda
Kaming magsasakang binoldoser ang mga bukirin
Kaming aliping trabahanteng walang trabahong permanente
Kaming bakla’t tomboy na ayaw mong husgahan
Kaming batang kalye ikinulong, mala-hayop
Kaming katutubong hahayo mula sa kinalbong bundok
Kaming maralitang lungsod na itinago sa likod ng kinulayang pader
Kaming mag-aaral ng eskwelahang may nagkampong militar
Kaming rebeldeng tigil-putukan ang aming handog
Kaming dukhang parokyanong hindi makapag-abuloy sa misa
Kaming pulubing ipinahakot at itinatago ng alkalde
Kaming detenidong politikal na nag-aayuno habang ika’y narito
Kaming di-kasal at aming mga anak na ayaw binyagan
Kaming GRO na paborito ng mga politiko
Kaming may-sakit ngunit sa PCSO nakapila
At iba pa.

Kami’y may pakiusap na bahagyang kakaiba–
Pakilakasan ang pagpukol ng iyong bendita
Baka sakaling sa likod ng mga pulis at buwaya
Matilamsikan kaming mga aba.

–5:55 n.h.
15 Enero 2015
Barangay Central, Lungsod Quezon