Posts

SERYE BABAE: Hiling

Ni Nuel M. Bacarra

Hindi katanggap-tangap kahit kaninuman ang mabilanggo dahil sa mga gawa-gawang kaso. Ang bisyo ng pagtatanim ng ebidensya ng mga tinatawag na “awtoridad” ay isang pamamaraan para diumano ay nyutralisahin ang mga itinututuring nilang “kaaway ng estado.”

Sa karanasan ko ilang taon na ang nakakaraan, may dalang search warrant ang mahigit sa 30 pulis at sundalo na armado ng mahahabang baril na animo’y susugod sa isang gera para bigyang-katwiran na may mga baril at pasabog sa bahay na inuupahan namin, na sila naman ang nagtanim para maging ebidensya.

Pagdating sa Camp Crame na halos alas dos na ng madaling araw, may ipinakita pang warrants of arrest sa akin para sa mga kasong pagpatay diumano, at dalawang iba pa. Sino ang aking pinatay sa mga lugar na hindi ko pa nararating? Bagabag ito sa isip dahil alam kong nilambang lamang.

Sa pitong taon at limampung araw—mula Camp Crame, Caloocan City Jail (CCJ) hanggang Camp Bagong Diwa sa Bicutan—sinanay na lamang na palipasin ang bawat sandali sa kung ano ang pwedeng pagtuunan ng pansin para labanan ang pagkainip, ang bigat sa pag-iisip kung kailan makakalabas at kung gugulong nga ba ang hustisya sa tamang direksyon.

Sa Caloocan ko higit na naramdaman ang hirap at ang pag-aalala sa kung ano ang mangyayari sa mga kasong isinampa sa akin. Pero higit pa rito ay ang pag-aalala sa asawang dumadalaw nang dalawang beses isang linggo nang walang palya na bitbit ang kinakayang dalhin para lamang may makain ako  hanggang sa susunod na dalaw. Hindi ko tinangkang tanungin siya hinggil sa dinadanas niyang pisikal at mental na hirap sa takot ko sa drama na baka ako ang unang manlupaypay at makadagdag pa sa kanyang alalahanin. Sinikap kong kumuha ng lakas sa kanya mula sa sakripisyong ginagawa niya para sa akin.

Mangungumusta siya pagdating kahit bakas na bakas ang pagod sa mukha niya. Ayaw ko na rin siyang mag-alala pa kaya kahit ang hirap ngumiti sa ganoong sitwasyon. “Okey lang at wala namang problema,” ang laging tugon ko. Minsan may mga kasama siya na kaopisina niya, minsan naman yung mga kaibigan namin galing sa probinsya.

Kapag tapos ng oras ng dalaw, hatid na lang ng bulong ng payo ng pag-iingat at kaway ng pamamaalam. Babalik ako sa selda kasabay ng iba pang bilanggo. Makikita kong muli ang bakas sa mga mukha nila na hindi mawari kung ano ang sasabihin. Maaaring pag-aalala, o inggit dahil may dumadalaw sa akin o manghihingi ng konting pagkain. May mga naging kasama ako sa CCJ, na ilang taon nang nakakulong ay hindi man nakaranas na mayroong dumalaw.

May signipikanteng bilang ng mga bilanggo ang mga may-asawa o kinakasama na iniwan. Pero hindi ko ito naging suliranin kahit nang malipat ako sa Bicutan noong ikalawang linggo ng Oktubre 2019. Tuloy ang padron ng pagdalaw.

Subalit ang regular na pagkikita ay sinansala ng pandemya. Marso 11, 2020 nang huli siyang nakadalaw sa akin sa Bicutan. Kinabukasan ay lockdown na ang buong pasilidad hanggang sa makalaya ako noong Abril 23, 2022. Ang pagpapaabot ng mga pagkain at iba pang pangangailangan ay inihahatid na lamang sa bukana ng tarangkahan ng Camp Bagong Diwa. Dalawang taon na ganito ang pamamaraan para lang makapaghatid ng pangangailangan at sulat.

Sa Bicutan at at CCJ ako naging inspiradong magsulat ng tula. Ang kalagayan ng mga bilanggo sa Caloocan City Jail ang ibayong naging inspirasyon ko sa pagsusulat ng mga tula na nagpatuloy hanggang sa Bicutan.

Ang tulang ito ay isa lamang sa mga nasulat ko noong anim na buwan pa lamang ako sa Caloocan na handog ko sa aking mahal na asawa, na hindi matatawaran ang sakripisyo bilang isang kasama, asawa,  babae.

HILING

(Para kay “S”)

Bakit ba mahal mo pa rin ako?

Sa kabila nang di miminsa’y

            mag-isa kitang iniiwan

            nang halos isang taon…

                        ilang buwan…

                        ilang linggo…

Halik at yakap pa rin

            ang salubong mo.

Bakit naging mabait ka pa rin sa akin?

Kahit nang isilang ang

            panganay natin

            ay wala ako sa tabi mo

At pagkatapos lamang

            ng walong buwan

            saka ko nasilayan ang

            supling na luwal mo.

Ngiti at pangungumusta pa rin ang

            naging tugon mo.

Bakit nagtitiyaga ka pa rin sa akin?

Hanggang ngayong nakakulong ako

            dahil sa gawa-gawang mga kaso

            ng estado

Mahigpit pa rin ang yakap mo

            Sa tuwing dadalaw ka sa

            Pinagkukulungan ko.

Mahal…

Hindi ito mga tanong ng pagdududa

            Hindi mo nga kailangang sagutin ang mga ito.

Paghanga ko ito sa ‘yo!

Na sa panahong NARITO ka at NAROON ako

Walang hinanakit, ni tampo akong

            narinig o nadama sa ‘yo

Tila hindi ka napapagod…

            nagsasawa…

            o nagrereklamo

Kahit sa mahigit tatlumpung taong singkad

            ay nandito pa rin tayo.

Mayroon lamang akong tanging hiling:

Dumating man ang mas

            matitinding bagyo

            o delubyo

            na hahamon sa tatag ng prinsipyo

Magkaagapay nating haharapin ito!

Sakali mang may

            magtanong kung alin o sino

            ang mas mahal mo

            kung ang BAYAN o AKO

Unahin mo ang BAYAN at MASA bago AKO

Dahil dito rin nakatuntong

            Ang PAGMAMAHAL ko sa ‘yo!

06 Hulyo 2016

Caloocan City Jail