Pang-aagaw sa Gunita: Ilang tala hinggil sa 34th Escalante Massacre Commemoration
ni Rogene A. Gonzales
Salamat sa Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA), Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), at Defend Negros #StopTheKillings Network, nagkaroon ako ng pagkakataong makibahagi sa 34th Escalante Massacre Commemoration (EscaM) sa Negros Occidental noong Setyembre 18-21. Matinding militarisasyon ang kinakaharap ng isla matapos tinatayang labing-isang batalyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ipinakat doon ng Malacañang sa pinabangong kampanya na Executive Order 72 o “Whole of Nation Approach.” Bago ito, inilabas din ang mga direktibang Synchronized Enhanced Managing of Police Operations (SEMPO) 1 at SEMPO 2, at ang Memorandum Order (MO) 32 o Oplan Sauron na itinuturong dahilan sa pag-akyat ng bilang ng sibilyang pinaslang sa lugar sa katwirang “War on Drugs.”
Karamihan sa 87 na pinatay tokhang-style ng estado ay mga aktibista at miyembro ng mga progresibong grupo. Kabilang na sa mga naging biktima sina Benjamin Ramos, human rights lawyer na aktibong tumutulong sa mga land dispute case, at Bernardino “Toto” Patigas, city councilor ng Escalante at miyembro ng Bayan Muna at North Negros Alliance of Human Rights Advocates (NNAHRA). Sunod-sunod ang masaker ng mga magbubukid sa Negros gaya ng Sagay 9 at Negros 14, pawang mga koordinadong death squads ang itinuturong salarin ng mga nakasaksi. Pinakamasaklap na sa mga balita ang pagkakapatay sa isang taong gulang na sanggol dahil sa indiscriminate firing ng mga pulis at militar noong July 25, 2019 sa bayan ng Sta. Catalina.
***
Tatlong oras ang inabot ng biyahe patungong Escalante mula Bacolod lulan ng ordinary bus. Ang pag-aakala kong saglit na bakasyon ay napalitan agad ng takot at pangamba pagkarating doon. Ilang minuto bago makatapak sa tutuluyang opisina ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) ay iligal na inaresto at ikinulong ang walong indibidwal na aktibo sa paghahanda para sa 34th EscaM. Sa pangunguna ng 79th Infantry Batallion ng Philippine Army at Philippine National Police, tinaniman ng gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives ang tinaguriang Escalante 8—apat dito ay kabataang miyembro ng Teatro Obrero na sina Kenneth Serondo, Carlo Apurado, Rolly Hernando, at Reynaldo Saura; tatlong miyembro ng NFSW na sina Leon Charita, Joel Guillero, at Benvenido Ducay; kasama si Aiza Orbesa ng KADAMAY-Negros.
Noong Setyembre 20, 1985 naganap ang Escalante Massacre na nag-ambag sa nalikhang pampublikong disgusto sa diktadura ni Ferdinand Marcos hanggang sa kanyang ganap na ouster noong Pebrero 1986. Ang tatlong araw na welgang bayan sa Northern Negros na nilahukan ng libo-libo laban sa Batas Militar at lumalalang pyudal na pagsasamantala sa isla ay sinagot ng estado ng pagpapaulan ng mga bala gamit ang grupong para-militar na kumitil sa 21 sibilyan, karamihan ay mga magbubukid, kabilang ang mga kabataang-magbubukid at kabataan-estudyante. Mula noon, ginugunita ng mga mamamayan ng Escalante ang anibersaryo ng malagim na trahedyang sumapit sa kanilang mga kababayan: taon-taon naglulunsad ng martsa at programa sa plaza na kinaroroonan ng isang rebulto ng tatlong nakakuyom na mga kamao at nagsisilbing palatandaan ng massacre site. Taon-taon ding itinatanghal ng Teatro Obrero ang reenactment ng masaker upang ipaalala ang tunay na diwa ng pagsingil ng hustisya at ang pagkakaugat ng dugo sa nagpapatuloy na laban para sa lupa.
Isang insulto kung gayon ang fabricated charges na isinampa ng AFP sa Escalante 8 na higit isang buwan nang nakakulong sa Escalante Police Station. Bago nangyari ang iligal na pag-aresto, napabalitang nagbahay-bahay ang mga sundalo at lantarang nire-red tag ang Teatro Obrero na supporter umano ng New People’s Army (NPA) at upang mag-imbita sa isasagawa nilang “Northern Negros Peace Summit” katuwang ang lokal na sangay ng Department of Education sa kaparehong petsa ng 34th EscaM: Setyembre 17–20. Sa loob ng kanilang programa ay inimbitahan ang mga batikang artista at musikero, ang ilan ay progresibo pa nga ang postura. Namataan din ang kilalang aktres na asawa ng kongresista sa Negros Occidental, nakikilahok sa aktibidad. Kinopya ng summit ang mga bahagi ng EscaM na naglalayong ipaalala ang karahasan at pananagutan ng estado gaya ng reenactment ng nangyari sa trahedya subalit nilalayon ng aktibidad ay pawang historical revisionism. Sa dulo ng summit ay nakatakda pang maglabas ng mga “Statement of Apology” mula sa Local Government Unit (LGU), AFP, PNP at “rebel returnee.” Ayon sa mga grupong nag-oorganisa ng tunay na EscaM, natatangi ang commemoration ngayong taon dahil sa kawalan ng suporta ng LGU, kasabay ang pagtindi ng klima ng pampulitikang panunupil dulot ng MO 32.
***
Matapos ang ibinigay naming workshop para sa pagsusulat at pagpipinta para sa mga kabataan, nakatanggap ang halos lahat ng nasa opisina ng text blast mula sa isang ‘di kilalang numero ngunit nakapangalan bilang “MalacaNang.” Mahaba ang mensahe na nagpapaliwanag hinggil sa kawalang-saysay umano ng pakikibaka ng mga magbubukid. Sinasabi nito na sa halip na manindigan para sa libreng pamamahagi ng lupa ay magbayad na lamang upang makuha nila ang Certificate of Land Ownership o CLOA. Ang pinaka-mapanganib sa mga detalyeng ipinapakalat: binabansagan ang Teatro Obrero bilang tumutulong sa mga NPA. “May pag-asa pa, kung gusto ninyo na magbago sa inyong buhay, mabibigyan kayo ng pagkakataon sa mga programa ng gobyerno. Itext lang ang number na ito…” pagtatapos ng mensahe. Pinayuhan kaming huwag nang lumabas ng opisina noong hapong iyon dahil namataan ang maraming sundalo na nakapuwesto sa mga kanto.
Sa press release ng 3rd Infantry Division at 303rd Infantry Brigade, 2,510 na mga dating rebelde ang sumuko umano sa peace summit. Pinabulaanan ito ng mga taong-simbahan sa pangunguna nina Carmelite priest Fr. Gilbert Billena at Religious Brothers Tagoy Jakosalem at Simon Peter Jardinico sa pagsasabing “distortion of historical truths” ang ginagawa ng mga pulis at militar sa Escalante. Anila, peke ang iprinesenta sa media na mga surrenderee, at ang katotohanan, sila ay mga “law-abiding citizens or hacienda workers; pressured to claim as NPA members or supporters. And for publicity purposes in favor of the government.” Ipinapanawagan din ng mga pari ang kagyat na pagre-resume ng peace talks upang mabunot ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa, at matigil ang militarisasyong nagpapalikas sa mga rural na residente at pumapatay sa mga lider at miyembro ng people’s organizations.
Ramdam ang tensiyon sa opisina ng NFSW, lalo na sa mga nanay na sumusuporta sa pagtatanghal ng kanilang anak sa EscaM. Si Nanay Ester, ina ni Carlo Apurado na isa sa Escalante 8, ilang beses na ring nagpapabalik-balik para maki-update. Malungkot at tulala siya palagi dahil sa nangyari. “Hindi nila alam ang pakiramdam ng isang ina,” sabi niya minsan, habang nangingilid ang luha sa kanyang pisngi. Matinding bagabag ang nararanasan ng mga komunidad mula noong nagkaroon ng malawakang militarisasyon sa Negros. Tila lalong dumidilim ang gabi dahil sa mga nakaumang na baril.
Dahil sa panganib na nilikha ng insidente ng pagtanim-armas, napagpasyahang iatras ang torch parade na ilulunsad dapat sa massacre site sa bisperas ng EscaM. Sa kabila nito, itinuloy ang cultural night sa harap ng opisina. Naging abala ang lahat sa paghahanda. Ang garahe ng tricycle ay nilatagan ng tarpaulin at mural na nagsilbing pansamantalang entablado. Ang mga kabataan ng Teatro Obrero at Teatro Bungkal ay nagsuot na ng kanilang costume at nag-praktis ng kanilang itatanghal. Ang iba naman ay nakatutok sa pagtatapos ng ipinipintang mural. May nakatoka na rin sa soundsystem at sa pagsabit ng mga streamers at flags. Sa kabila ng panganib at intimidasyon ng militar ay di nagpagapi sa takot ang lahat.
Naging marubdob ang pagtatanghal ng mga miyembro ng Teatro Obrero at Teatro Bungkal. Sa kanilang mga dulang-iglap sa saliw ng mga makabayang tugtugin, isinalaysay nila ang naranasang pang-aapi ng mga magbubukid ng Negros kabilang na ang iba pang masaker na naganap. Sayang lamang at di ito nasaksihan ng kalakhang mamamayan ng Escalante dahil sa panggigipit ng estado. Lumabas kami ng gate ng opisina at humanay, nagsindi ng mga kandila at naglunsad ng maikling martsa, inalayan ng awit at dasal ang mga naging biktima ng Escalante massacre at ang marami pang pinatay dahil sa pasistang paghahari ng rehimeng Duterte.
Nakadalawang sigarilyo na ngunit di pa rin naaapula ang kaba ko sa maaaring kahinatnan ng araw. Di ako nakatulog nang maayos dahil sa pag-aalala sa sitwasyon. Bandang hatinggabi, naririnig ko ang tawag sa telepono para sa patuloy na paghahanap ng abogado para sa Escalante 8. Hatinggabi sila dinala sa Bacolod para sa preliminary inquest, nagtataka ako kung bakit tila walang office hours at agaran ang pagdinig kapag gawa-gawa ang kaso. Kinaumagahan, kailangang interbiyuhin ang Escalante 8 upang makatulong sa paggawa ng counter affidavit. May posibilidad na hindi na kami makabalik ng opisina kung sakaling mapag-tripan ng mga puwersa nga estado at sampahan din ng mga gawa-gawang kaso. Nagkaroon ng briefing sa dapat gawin pero di ako mapakali sa takot.
Pagdating sa police station ay sinalubong kami ng isang sundalong may bitbit na M-16. Pinasulat kami sa logbook ng isang pulis na nakaupo sa lobby. Nang banggitin namin ang pakay namin na mag-interview ay pinapunta kami sa isang kuwarto sa tabi ng detention cell. Dito, muling isinulat ang aming mga pangalan sa isang bond paper at hiningan ng ID. Pagkabigay namin nito, matapos kilatisin ay piniktyuran ng isang officer ang aming mga ID. Napansin ko sa isang sulok ang isang kabinet na may label na “INTEL.”
Umiiyak na inilahad ni Aiza Orbesa na inosente silang lahat. Ikinuwento niya ang pagharang ng dalawang nakamotor at naka-bonnet na kalalakihan na namuwersa sa kanila na bumaba ng sasakyan. Kausap pa umano ng mga di-kilalang kalalakihan ang mga pulis at militar na naroon. Noong una ay permit lamang ang kanilang hinahanap hinggil sa kanilang aktibidad kaya bumalik sa opisina si Aiza para kunin ito. Ngunit nang makuha niya ito at ipinakita sa mga nangharang sa kanila ay iba na ang naging takbo ng kuwento: tinaniman sila ng isang sako ng mga armas (isang 9mm at kalibre .38), at mga bote ng Tanduay na umano ay molotov cocktails. Nang makarating ang pahayag at litrato ng AFP sa ilang mainstream websites ay nadagdagan pa ang mga armas (kahit na wala man lang kaming nakitang reporter na tumungo sa lugar para i-verify ang impormasyon.) Ngunit ang tanging dala lamang ng Escalante 8 noon ay soundsystem, tubig, pagkain, at flag. At sa pagkakaalam nila, walang iligal sa pag-iimbita sa isang pagtitipon na 34 taon nang ginagawa sa Escalante.
Matapos marinig ang kanilang mga salaysay at bago lisanin ang police station ay sabay-sabay kaming sumigaw, isang tinig na umugong palabas ng karsel: “BILANGGONG PULITIKAL! PALAYAIN!”
Matapos ang interbyu sa Escalante 8, nalibot namin ang plaza na punumpuno ng mga tao. Karamihan ay mga estudyante, guro, at mga residente. Maraming mga sundalo ang may bitbit na baril. Marami ring mga pulis na nakapaligid at ang iba ay nakasandal sa kanilang riot shield. Parang magkakaroon ng giyera sa lugar ngunit di ko alam kung sino ang kanilang kaaway. Sumunod na dumating ang isang marching band ng mga unipormadong sundalo, at kasunod nito ay mga truck na may tarpaulin na nagsasaaad na maglulunsad sila ng medical at dental mission.
Tinitigan ko ang mga mukha ng mga nanonood sa plaza, di ko maipinta kung natutuwa ba sila sa nasasaksihan nila o alam nilang isa itong pekeng komemorasyon? Isang pagtitipon na deka-dekada nilang inilulunsad upang buhayin ang alaala ng mga kababayang martir pero ngayong taon ay inagaw sa kanila maging ang paggunita?
Sa misang bayan na inilunsad sa Our Lady of Mt. Carmel, naging symbolic offering sa patuloy na paghahangad ng hustisya ang sulo, tubo, sagwan, at mga uhay ng palay. Bandang komunyon ay tinugtog ang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa.
Matapos mananghalian ay humanay na ang lahat upang ilunsad ang martsa-protesta patungong palengke at nagsisilbing sentro ng lungsod. Sunod-sunod ang mga panawagang isinisigaw:
“Hustisya para sa Escalante Massacre!”
“Gutom na, pinapatay pa!”
“Bigas, hindi armas!”
“Ang tao, ang bayan, ngayon ang lumalaban! Natutong lumaban dahil sa kahirapan!”
“Tunay na reporma sa lupa, ipaglaban!”
Dapithapon na nang magpaalam kami para bumiyahe sa Bacolod para sa aming flight kinabukasan, umalis na mabigat ang loob dahil di tiyak kung ano ang maaaring mangyari dahil sa patuloy na militarisasyon ng isla. Sumakay kami ng ordinary bus at nang makalayo sa sentro ay natanaw ko ang lawak ng mga hacienda sa Escalante, maging sa mga kasunod na siyudad at bayan.
Habang palubog ang araw at ang mga sinag nito’y nakalatag sa buong lupain, dumaan ang isang truck na puno ng tubo, nakalimutan ko na kung pang-ilang truck ng tubo iyon na nakita ko sa buong araw. Matamis man ang iniluluwas nilang produkto, mapait ang kalagayan ng mga mamamayan dito. Naalala ko ang Escalante 8 at ang maliit na bilangguan na naglilimita sa kanilang pagkilos. Ilang paglubog at pagsikat ng araw ba ang titiisin bago sila makalaya sa isang krimeng itinanim lamang dahil ang ipinaglalaban nila ay lupa at hustisya? #