Pinilit Kang Binunot Ngunit Hindi Nagtagumpay
(Alay kay Randall “ Ka Randy” Echanis)
by Prestoline Suyat
Pusikit pa ang gabi
nang pilit kang binunot
binistay ng mga bala
pinagsasaksak
hanggang malagutan nang hininga.
Pinilit kang inilayo
itinangging ikaw ang bangkay
na dinuhagi ng mga demonyo.
Ngunit paanong hindi makikilala
ang mabuting binhi
ang sibol na pinagyaman
ng mapagpalang mga kamay
ng mga mangunguma;
ang bigas na pinalusog
ng maraming taon ng paglilingkod at pakikibaka?
Pinilit kang binunot
ngunit tulad ng iba
ginintuan ka ng palay
sa matabang lupa
ng paglaban ng masa.
Nag-akala sila
ngunit nalinlang.
Paano ka mabubunot sa amin?
Hindi ang lagablab ng digmaan,
Hindi ang kadiliman ng bartolina,
Hindi ng mga dagok at hambalos ng pang-aapi,
Hindi ng mga unos ng pagmamalupit,
Hindi ng brutalidad ng pagpaslang.
Ikaw din na di na lang binhi
kundi nagpataba ng lupa
ng rebolusyong inangkin mo
at inalay sa bayan.