‘Ayudang sapat para sa Lahat,’ panawagan sa Mayo uno 2021
Hindi nangyari ang orihinal na planong paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa Liwasang Bonifacio dahil sa panggigipit ng mga pulis, subalit naidaos naman ito sa Welcome Rotonda, Quezon City. Pangunahing panawagan ng mga manggagawa sa taong ito ang pagbibigay ng sapat at nakabubuhay na ayuda para sa lahat sa gitna ng pinaka-mahabang lockdown sa buong mundo dahil sa pandemya.
Ayon kay Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno, bagaman ayuda ang kanilang pangunahing panawagan, patuloy pa ring ipinaglalaban ng uring manggagawa ang tunay na kalayaan at demokrasya ng bansa. Nanawagan sila ng pagbibitiw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pwesto dahil sa kapabayaan nitong tugunan ang pangangailangan ng lahat ng mga Pilipino sa panahon ng pandemya.
Palagian namang pinapaalalahanan ng mga organisador ng aktibidad ang social distancing sa naturang protesta dahil sa COVID-19. (Bidyo ni Jo Maline mula sa kuha nina Jek Alcaraz, Joseph Cuevas, at Jo Maline)