Posts

Mga manunulat na Novo Ecijano at ang Wikang Pambansa

Ni Carlos Marquez

HANGGANG sa kasalukuyan, lingid sa kaalaman ng marami, kasama ang mga manunulat na taga-Nueva Ecija sa mga nagsipagmalasakit sa Filipino bilang Wikang Pambansa. Nasa listahan ng mga manunulat ngayon na taga-Nueva Ecija na kinikilala sa buong daigdig sina: (sa pagkakasunod ayon sa alpabeto) Rony V. Diaz, Rogelio Mangahas, Maria Odulio De Guzman, Wilfredo Pascual, at Rogelio Sicat.

Si Diaz, ipinanganak sa Cabanatuan nuong Disyembre 2, 1932, ay isa pang premyadong manunulat, naging executive director ng Manila Times School of Journalism, at awtor ng “The Centipede “.

Nakilala si Rogelio Mangahas, taga-Palasinan, Cabiao, Nueva Ecija, sa kanyang akdang “Mga Duguang Plakard”, na nagkamit ng unang gantimpala sa Gawad Palanca. Kinilala rin at hinangaan ang kanyang kritika sa nobelang “Sa Mga Kuko ng Liwanag” ni Edgardo M. Reyes.

Awtor ng 16 na diksyunaryong English-Filipino at Filipino-English si Maria Odulio de Guzman, na kauna-unahang babaeng guro sa hayskul sa buong Pilipinas. Naging prinsipal siya sa Nueva Ecija High School. Nagsalin din siya ng Noli Mi Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal mula sa orihinal na Kastila sa Filipino.

Tubong San Jose City, Nueva Ecija, naman si Wilfredo Pascual Jr., kinilala sa buong daigdig bilang manunulat ng sanaysay, dalawang beses na nagkaroon ng Gawad Palanca, at kabilang sa Samahang Makasining, isang organisasyon ng mga alagad ng sining.

Ipinanganak sa San Isidro, Nueva Ecija si Rogelio Sicat na lubhang nakilala sa kanyang premyadong maikling kuwentong “Impeng Negro”. Ang kuwentong ito na nagwagi ng Gawad Carlos Paalanca nuong 1962 ay tumatalakay sa panduduro (bullying) at hindi patas na tingin sa lahi (racism) na pangunahing isyung panlipunan sa bansa.

Sinulat din ni Ka Roger Sikat ang dulang pantanghalang “Moses, Moses” na tumatalakay sa tagibang na paggagawad ng hustisya ang paniniil ng mga politiko – na kabing-kabi sa kasalukuyang panahon.

Kilala ring guro si Sikat. Siya’s naging propesor at dekano sa Kolehiyo ng Sining at Letra sa University of the Philippines. #

Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.