Posts

Ang araw, ang gabi ni JV

Ni Nadja de Vera

Alas-sais ng umaga nag-umpisa ang araw ni Jerry Boy “JV” Boller noong Hunyo 30. Kumuha siya ng saging sa kapitbahay para ilako sa mga dumadaang sasakyan sa Rd-10. Ito ang “hustlin” ng maraming kabataan sa Rd-10, maglako ng saging o ng kung ano mang maaring matinda para makatulong sa kanilang pamilya.

Si JV ay 17 anyos lamang. Miyembro siya ng Kabataang Anakpawis sa R-10 Tondo. Masipag na anak at mabait na kapatid at kaibigan. Isa siya sa ang mga nanguna sa pagset-up ng mga community pantry at production work namin. Nasagasaan siya ng isa sa mga naglipanang truck sa malapit sa pier ng Maynila alas otso ng umaga noong Miyerkules at binawian ng buhay ng gabi ring iyon.

Si JV. (Larawan ni Nadja de Vera)

“May pinulot siyang barya, tapos, ayon, nahagip na siya ng truck,” ang sabi ng nagbalita sa akin. Dahil sa barya, dahil sa hirap ng buhay.

Napakarami kong gustong ikwento tungkol kay JV at sa nangyari sa kanya, pero ito pa lamang ang nakayanan ko.

Maralita ang pamilya ni JV. Si Nanay Vingie ay buntis at si Tatay naman ay tricycle driver. Kahit ang pang araw-araw ay kinakapos sila. Silang pamilya ang pangunahing volunteer ng ating community pantry sa Tondo.

Noong nag-orientation kami sa Kabataang Anakpawis, tinanong ko sila kung sila ba ang papipiliin, magtatrabaho ba sila o mag-aaral. Ang sagot ni JV, gusto niyang mag-aral pero gusto din niyang magtrabaho. Sabi niya, sobrang sipag ng Nanay at Tatay nila, pero kahit anong sipag nila hindi pa rin kasya ang kinikita para sa pamilya.

Tuwing darating kami sa Rd-10, isa si JV sa mga unang sumasalubong sa amin. Sa liit ng katawan ay kaya niyang magbuhat ng mga kaban ng bigas o mga gulay para sa community pantry. Laging nakasilip tuwing mag-uumpisa na ang pila. Nakangiti sa mga kapitbahay na tila proud din siya na nakatulong sa kapwa. Masipag din siya sa mga aktibidad ng Kabataang Anakpawis. Kahit hindi raw siya ang tagaluto ay siya naman ang tagabili.

May isang beses na kinausap ko siya ng masinsinan. Muntik kasi siyang madamay sa gulo. Nangako siya na hindi na uulit para sa Mama niya. Kinagabihan, naabutan ko siyang nasa labas pa ng bahay. Agad na lumapit at malambing na nag-sorry. Sabi ko, hindi naman ako galit, basta iakyat niya na ang itlog na ulam namin kinabukasan para sa pagkilos.

Alas otso ng umaga noong Hunyo 30, habang naghahanda ang mga Nanay sa Rd-10 para sumama sa pagkilos, ibinalita na nasagasaan daw si JV ng truck. Habang nagbebenta ng saging sa Rd-10 may nalalaglag daw siyang limang piso, kasabay sa pagpulot ng barya ay ang pag-andar ng truck.

Ang burol ni JV na may tumpok ng saging na kanyang paninda. (Larawan ni Nadja de Vera)

Buhay pa si JV noong dinala sa ospital. Ipinaalala niya pa kay Nanay Vingie na may Php300 siyang naipon at ipang-gastos muna. Tuwing umiiyak daw si Nanay ay nasasaktan daw siya. Hindi siya umiyak kahit sobrang sakit ng maliit na katawang nagulungan ng gulong. Pabirong sabi niya kay Nanay na kung magbabayad daw ng danyos ang nakabangga sa kanya ay ipangpagawa na lang ng tricycle ni Tatay. Okay lang daw na di siya makalakad basta may panghanap-buhay sila.

Alas-siete ng gabi, natapos ang araw ni JV. Hindi naubos ang saging na paninda, hindi rin maubos ang luha ng mga nagmamahal sa kanya. #

*Nadamitan na namin ang bangkay ni JV. Sinalubong siya ng ulan at iyakan mga kapwa Kabataang Anakpawis. Nakaburol siya ngayon sa maliit na chapel dito sa Tondo. Sa mga nais magpaabot ng tulong sa pamilya maaring ipadala ang in-kind donation sa Brgy Hall ng Brgy 123, Tondo. Sa abuloy ay maari sa Gcash 09162436843 o sa (0999) 667 0648.