SERYE BABAE: Hinagpis ng isang ina’t hamon sa kababaihang biktima ng dahas ng Estado
Ni Nuel M. Bacarra
Naalala ko ngayong buwan ng kababaihan ang isang kanta ng aking ina noong siya’y nabubuhay pa. Ani ng kanyang awit: “Mahirap nga pala itong mahirap / Api-apihan sa pagliyag / Mayaman sa dusang masasaklap / at aliwan ng dusa’t bagabag.”
Bagamat tila sagot ito sa isang harana, larawan ito ng pagtitiis ng mga ina, na siyang sariling danas at katangian ng aking ina. Hindi dumadaing kahit nahihirapan at sagad sa buto ang pagtatrabaho para sa pamilyang itinataguyod ng nag-iisa. Single parent ang siyang tawag ngayon sa mga katulad niya.
Ngunit nais kong bigyang halaga ngayon ang mga ina at kababaihan. Hindi maitatatwa ninuman ang kanilang papel sa buhay ninuman. Karaniwang katawagan na kabiyak sila ng buhay, ilaw ng tahanan ng isang pamilya. Sila ang punlaan ng buhay na nagluluwal ng mga anak na siyang magtutuloy ng lahi.
May mga babaeng tipong Maria Clara. Meron din namang tulad ni Gabriela Silang. Meron ding naghuhubad na para lang kumita at meron ding nagpapayaman lamang gamit ang bulok na pulitikang namamayani sa bansa.
Sa kasalukuyan, hindi na solong gawain ng kababaihan ang magluto, maglaba, mag-alaga ng mga anak, mamalengke, maglinis ng bahay o magtrabaho sa mga upisina at paggawaan. Malayo na ang inabot ng pakikibaka ng kababaihan sa buong mundo pagdating sa paglaya nila sa tradisyunal na konsepto sa papel ng kababaihan sa buhay. Mayroon nang mga drayber ng bus, dyip, traysikel at habal-habal, mga welder, construction worker, piloto, sundalong sumasabak sa gera at samutsari pang gawain sa ibang bansa.
Isa na rito si Rodaliza Baltazar. Babae. Ina.
Isa siyang babaeng katuwang ng asawa na nagtataguyod sa pamilya sa pamamagitan ng pagiging overseas Filipino worker (OFW) sa Middle East. Ina siya na nagsasakripisyong mawalay sa mga anak para lamang matiyak ang magandang kinabukasan. Nais niyang maging marino o seaman ang pinaslang niyang anak na bunso. Magpapadala pa sana siya ng pera sa kanya bilang regalo kahit nakalipas na ang kaarawan niya noong paslangin ito.
Umuwi sa bansa si Rodaliza noong Agosto 11, 2023 dahil napatay at “napagkamalan lamang” si Jerhode, 17 taong gulang at mas kilala bilang si Jemboy. Inakala ng mga pulis na ang menor de edad ay suspek sa isang kaso ng pagpatay. Gumuho ang pangarap ni Rodaliza para kay Jemboy at nagpasya itong huwag nang bumalik sa Qatar para tutukan ang paghahanap ng hustisya.
Nitong Pebrero 28, dalawang araw bago ang buwan ng kababaihan, tila pinatakan ng asin at kalamansi sa sugat sa puso ng pamilya. Nag-baba ng desisyon ang Regional Trial Court 286 ng Navotas ang kaso na hindi katanggap-tanggap sa pamilya.
“Lima silang makakalaya, isa lang ‘yung na-convict, tapos apat na taon lang. Pero ‘yung anak ko habambuhay siyang wala na,” hinagpis ni Rodaliza. Isa na namang kaso ito ng tila hindi pantay pagtimbang ng batas. Mula sa kasong murder, ginawa lamang itong homicide. Sentensyado si Staff Sgt. Gerry Maliban, PNP, at pinagbabayad ng tig-₱50,000.00 na bayad-pinsala kaugnay ng pananagutang sibil at moral. Ayon pa sa Huwes, “Walang dudang ginampanan lamang ni PSSgt. Maliban ang kanyang tungkulin sa pangyayari.”
“Hindi ba nila alam yung itsura nung hinuhuli nila? Tapos yung anak ko yung pinagbabaril nila, tapos pinabayaan nila sa ilog,” hinagpis ni Rodaliza.
Maraming katanungan ang namutawi sa labi ng mamamayan sa nangyari kay Jemboy. Bakit hindi muna nag-imbestiga ang mga pulis sa tinarget nila na nasa ilog? Bakit ninais na palabasin pa nila na may dalang baril at droga ang biktima, tulad ng testimonya ng kaibigan ni Jemboy na pinaglalabas siya ng salaysay para sabihing may dalang baril at droga noon ang pinaslang? Mga tanong ng pagdududa, ng paghahanap ng mga karagdagang impormasyon, ng patas na imbestigasyon, ng katiyakan bago kumitil ng buhay at, higit sa lahat, katarungan.
Maging ang estado ay hindi rin mapakali sa naging desisyon ng korte. May pabalat-bungang utos naman si Justice Sec. Jesus Crispin Remulla kay Justice Asst. Sec. Jose Dominic Clavano na repasuhin ang kasong ito dahil mukhang may mali sa desisyon at kung gayon ay maaaring mag-apela.
Ayon naman kay Clavano, batay sa inisyal nilang pag-aaral, may mga kailangang argumento para kwestyunin ang desisyon tulad ng elemento ng pagsasabwatan, kapasyahang pumatay, at ng pagiging makatwiran ng aksyong ginawa ng mga pulis.
Ang lahat ng ito ay panibagong hiwa sa puso ng nagdadalamhating ina, maging ng buong pamilya. Hindi na kayang sukatin ng dami ng luha at tindi ng hinagpis, ni ng mga pampalubag-loob para lamang pagtakpan ang kawalang-katarungan.
Hindi nag-iisa si Rodaliza Baltazar sa ganitong sinapit—isang inang naulila ng anak na biktima ng dahas ng estado. Hindi biro ang mga binitiwan niyang salita na larawan ng dalamhati at pagpupuyos sa desisyon ng korte kaugnay sa kaso ng pagpatay kay Jemboy. Ani Rodaliza, “Nararamdaman ko ngayon at ng pamilya ko ang sakit dahil inaasahan namin na anim silang mahahatulang may sala subalit kabaligtaran ang nangyari.”
Isang araw matapos ang pagbababa ng hatol ng korte, dagdag ni Rodaliza sa isang press briefing sa Senado: “Tila pinatay nila nang paulit-ulit ang anak ko dahil sa desisyon ng korte sa anim na pulis. Napakasakit nito para sa aming pamilya. Napakahirap talagang makakuha ng katarungan kung ikaw ay mahirap.”
Ramdam ko sa aking kaibuturan ang sakit na nararamdaman ni Rodaliza. Nakikita ko sa kanya ang wangis ng sarili kong ina.
Marami pang pamilya, hindi lamang ang kababaihan, ang dumaranas ng iba’t ibang uri ng pisikal, emosyunal at mental na karamdaman dahil sa matitinding dagok sa buhay. Maaaring ito ay aksidente, bunga ng pagkakasakit, mga maling desisyon sa buhay, mga suliraning hindi hinaharap nang mabuti o anupaman.
Subalit kung ang trahedya ay bunga ng patakarang ipinapataw ng estado sa mamamayan, tulad halimbawa ng pambobomba sa mga komunidad sa kanayunan, ekstrahudisyal na pamamasalang, sapilitang pagkawala, at iba pang paglabag sa mga karapatang pantao, para lamang malubos ang sabwatan, lansakang pagyurak sa mga saligang karapatan at para lamang may masabing may ginagawa ang pulisya at militar, hindi ito kailanman magiging katanggap-tanggap. Marapat itong tutulan at labanan.
Ang pagpaslang sa kanilang bunso at ang tila kawalan ng hustisya para kay Jemboy ang nagbubukas sa pintuan para kay Rodaliza at kanyang pamilya para humanay sa mamamayang naggigiit ng katarungan, kapayapaan at pagbabago ng sistema ng ating lipunan. Hindi dapat pahintulutang mamayagpag ang pwersa ng estado sa paggawa ng krimen laban sa mamamayan, ang inhustisya at kawalang-pananagutan sa mga kaso ng paglabag sa mga saligang karapatan ng mamamayan. Laging may paraan at angkop na entabaldo para lumaban na kasama ang nakikibakang taumbayan.
Ang mga inang naghahangad ng magandang bukas sa mga anak ay hindi dapat manahimik. Bagkus ay kailangang maging dagdag na tinig para sa hustisya, kaunlaran at pagbabago ng lipunan. #
= = = = =
Ang pitak na ito ay una sa serye ng awtor para ngayong Marso, buwan ng kababaihan.