Posts

REBYU: Beastmode, A Social Experiment

Ni Judy Taguiwalo

Kagabi pinanood namin ni Nana (Prof. Jina Umali) ang documentary na may pamagat na “Beastmode, A Social Experiment”.

Si Baron Geisler ang bida. ‘Yan lang muna ang alam ko tungkol sa pelikula. Pero alam ko rin na may usapan sa nakaraan na magdo-donate si Baron para sa piyansa ni Maricon Montajes at ang dalawang kasama niya na tinaguriang Taysan 3, si Ronelo Baes at Romiel Canete.

Nakapagpyansa na si Maricon pero nakakulong pa rin si Ronel at Romiel sa Batangas Provincial Jail dahil kulang pa ang pampiyansa.

Mahigit walong taon nang nakakulong ang dalawa (June 3, 2010 sila nahuli). Nakailang beses din akong nakadalaw sa kanila at alam ko ang sikip at init na nararanasan ng mga bilanggong lalaki sa dami ng mga nakakulong doon. Kaya malaking hatak sa akin na panoorin ang pelikula ang posibleng ambag ng mga prodyuser sa pampyansa ng dalawang kasamahan ni Maricon.

Niyaya ko ang anak ko para manood, pero ayaw niya. Hindi niya nakakalimutan ang ginawang pambabastos ni Baron Geisler kay Ping Medina.

Kung ang official poster lang ang batayan, pelikula ito ni Baron Geisler at tungkol sa pakikipag-away sa isa pang aktor na di kasing-kilala niya, si Kiko Matos. Malaki ang papel ni Baron sa pelikulang ito at mahusay ang kanyang pagganap bilang in character, ang barumbadong Baron at bilang si Baron na paminsan-minsan ay nagpapaalaala sa atin na bahagi ng script ang labanan at murahan.

Pero hindi pangunahing tungkol kay Baron ang Beastmode. Tinungtungan ng pelikula ang reputasyon ni Baron bilang “bad boy” para maitago ang katotohanang set-up at pinag-kasunduan ang away ng dalawa . ‘Yun kasi ang pakay ng pelikula, “social experiment”. Sa pamamagitan ng kunyaring awayan na pinalaganap at lumaganap sa social media, ido-dokumento ang karahasan at ang epekto nito sa mga tao.

Ipinakikita ng salitan ang karahasan sa unang dalawang taon ni Duterte at ang karahasan sa pakunyaring away ni Baron at Kiko. Matitindi ang clips ng actual na karahasan –ang mga bangkay ng mga sinasabing nanlaban na mga adik at ang pighati ng kanilang mga kamag-anak.

Tinunton din ng dokumentaryo ang pangakong kapayapaan sa talumpati sa unang SONA ni Digong at ang galit at banta niya nung bigla siyang pumunta sa SONA ng Mamamayan noong 2017 kung saan sinalubong siya ng malalakas na sigaw na “No to Martial Law” at “Resume Peace Talks”. Kinunan ang mga mukha ng mga Lumad, mga magsasaka, mga maralitang tagalungsod, mga manggagawa at iba pang raliyista sa SONA 2017 at ang kanilang kahingian para sa tunay na reporma sa lupa, regularisasyon ng mga kontraktwal, pabahay, pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal at kapayapaan!

Ang orihinal na plano ay magkaroon ng ikalawang laban si Baron at Kiko (na ang unang staged na away ay sa Tomato Kick [isang restoran sa Quezon City] habang may benefit para kay Maricon, Ronel at Rommiel). At gagawin ito sa harapan ng mural para tigilan ang pagpatay sa mga Lumad na nasa isang pader sa UP College of Fine Arts .

Sa sobrang tagumpay ng kunyaring away ng dalawang aktor, hinayjack ang proyekto ng Universal Reality Combat Championship (URCC) na nag-organisa ng commercial na laban ng dalawa. Ang pag-capture ng dokumentaryo ng mga reaksyon ng audience ng laban na ito ang isa sa pinaka-markadong bahagi ng pelikula. Mga may-kaya ang nanood sa laban dahil may bayad at malamang ay mahal. Hiyawan, halakhakan at palakpakan ang salubong sa suntukan at bugbugan nina Baron at Kiko. Dalawang rounds lang ang laban at nang natapos ito humiyaw pa ng ikatlong round. Parang kulang pa ang duguang mukha at mga pasa ng magkalaban para matugunan ang uhaw nila sa karahasan! Mabuti’t hindi pumayag ang dalawa.

Ano ang kongklusyon ng social experiment na ito? Ayon sa direktor, malinaw na kayang manipulahin ang persepsyon ng mga tao tungkol sa karahasan. Nagawa ito ng produksyon na limitado ang rekurso pero nagamit ang social media at ang bias kaugnay sa isang karakter para gawing kunyaring totoo ang nangyaring karahasan. Diin ng direktor, lalong nasa posisyon ang estado para manipulahin ang persepsyon ng mamamayan kung sino ang pinagmumulan ng karahasan dahil sa laki ng rekurso nito.

May punto ang obserbasyon ng pagmamanipula ng mamamayan. Higit pa rito, aktwal na naghahasik ng karahasan ang estado at binibigyang lehitimasyon ito dahil siya ang may hawak ng opisyal na mga makinarya ng karahasan at panunupil. Gayundin, ang malaganap na kontrol ng estado sa impormasyon at ang bata-batalyong army ng trolls na kanilang hawak ay dagdag na mga paraan sa pagtatakip sa papel nito bilang marahas na instrumento ng mga naghaharing uri.

Ano ang aking husga sa pelikula? Mahusay. Matapang. May paninindigan. Mabuti kung mas marami pang makakapanood nito. #