Ang Simbahan, ang Diyos at si Digong
Nag-rali at nagdasal ang daan-daang taong simbahan sa Liwasang Rajah Sulayman noong hapon ng Enero 25 sa Maynila sa aktibidad na tinawag nilang “One Faith, One Nation, One Voice Prayer Rally” na may panawagang “katotohan, hustisya, kalayaan at kapayapaan.” Dumalo ang mga Obispo, pari, madre’t layko, gayundin ang mga mag-aaral ng mga eskwelahang pinapatakbo ng mga Simbahan, mapa-Katoliko o Protestante.
Matapos ang walang patid na atake ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga relihiyon at maging kanilang batayang paniniwala sa tatlong katauhan ng Diyos, hudyat na ba ang pagtitipong iyon sa harapang komprontasyon sa pagitan ni Duterte at mga Simbaha’t kanilang mananampalataya?
Siyempre, naririyan na naman ang makitid na interpretasyon na “separation of Church and the State” na naggigiit na sana’y huwag nang makialam ang Simbahan sa politika. Makitid at mali dahil ang prinsipiyong ito patungkol lamang sa tuwirang pagbabawal sa mga Simbahan na lumahok sa aktuwal na pagpapatakbo ng pamahalaan. Hindi nito pinagbabawalan ang mga Simbahan na mag-komento sa politika at kalagayan ng lipunan. Ayon mismo sa turo ng mga mayor na relihiyon dito sa Pilipinas, tungkulin nilang magsalita sa mga isyung panlipunan bilang bahagi ng kanilang misyon na ituwid sa aspetong moralidad ang mga temporal na usapin ng mamamayan. Kasali rito ang mga usaping politikal.
Ang Simbahang Katolika, ang dominanteng relihiyon sa bansa, ay nakapag-labas na ng higit-kumulang na dalawandaang pahimakas sa mga usaping panlipunan, mula sa usapin ng kahirapan, korupsyon sa pamahalaan, serbisyong panlipunan, at marami pang iba. Gawain na nila ito bago pa naging pangulo si Duterte noong 2016.
Ngunit kakaibang nilalang ang kanilang katunggali ngayon: isang taong walang tigil at walang habas na inaatake ang institusyon ng Simbahan sa bawat pagkakataon. Talaga namang sa maraming pagkakataon ay “ipokrito” ang maraming taong-simbahan tulad ng madalas na sabihin ni Duterte. Ngunit kailanma’y hindi itinanggi ng mga taong-Simbahan na sila ma’y makasalanan.
May pinaghuhugutan si Duterte. Aniya’y minolestiya siya ng kanilang dating prinsipal sa Ateneo de Davao High School na si Fr Mark Falvey, SJ. “So when I graduated, I was no longer a Catholic. I was no longer a Catholic at that age. I was not even in politics then.”
Sa kabilang banda, tama ba ang pang-uupat ni Duterte sa Simbahan sa kaniyang kakaibang paraan? Sa panahong siya ang pangulo ng bayang mayorya ay Katoliko, katanggap-tanggap ba na may lider na tandisang lapastangan sa Diyos na pinaniniwalaan?
Kandidato pa lamang sa pagka-pangulo’y nagpatikim na si Duterte ng kawalang-tulad na kagaspangan sa pagmumura kay Papa Francisco. Disyembre 9, 2015 nang sinabi niyang, “From the hotel to the airport, alam mo inabot kami…limang oras. Sabi ko bakit? Sabi pinasarado daw? “Gusto kong tawagan, ‘Pope p********!”
Sinabi niya ito sa panahong nagkukunwari pa siyang kasapi ng Simbahang Katolika (dahil nga panahon ng kampanya). Matapos siyang maihalal, tulad ng ibang sektor, binantayan ng mga Simbahan kung anong klase presidente si Duterte. Naging “killing fields” na ang bansa pagkalipas ng ilang buwan dahil sa giyera sa droga ni Duterte. At doon nagsalita ang Simbahan, kasama ng marami pang grupo. Imbes na makinig, nagsimula na si Duterte sa kanyang mga atake sa mga alagad ng Simbahan.
Enero 2017 nang puntiryahin ng bunganga ni Duterte ang retiradong obpispong si Teodoro Bacani Jr na inakusahan niyang may dalawang asawa. “P***** i**** Bacani, dalawa pala asawa, pareho ko. Tapos, ‘pag magsalita ang unggoy na ‘to!” ani Duterte. Hinamon naman ni Bacani si Duterte na patunayan ang sinabi at babayaran niya raw ito ng milyon-milyong piso kung mayroon siyang pruweba. Walang ebidensiyang nailabas ang Presidente, kahit pa kalauna’y inulit ang kanyang paratang na may mga obispong pinapatira sa mga pabahay ng gubyerno ang kanilang mga kinakasama.
Pebrero 2017, sa isang talumpati tungkol sa programang pabahay ng kanyang pamahalaan, sinimulan na niyang gawing biro ang Simbahan at ang mga Sakramento. “‘Sus, ang baho ng bunganga nitong P******** na paring ito. Sintensiyahan ka na ng 20 Our Fathers, bugahan ka pa ng mabahong bunganga!” aniya. “Huwag sa pari, ‘yung tubig diyan, kinuha lang sa poso. Maniwala ka. Totoo. Saan ba nila kinuha iyan, ‘yung holy water?” dagdag niya.
Patikim pa lang pala ni Duterte ang kanyang mga atake noong 2015 at 2017. Ibang lebel ang kanyang pagkamuhi sa Simbahan nitong nakaraang taon kasabay ng kanilang walang tigil na pagkondena sa pagpatay sa libo-libong sibilyan.
Isang malumanay na madre ang kanyang buwena-mano sa 2018—si Sr Patricia Anne Fox, NDS, isang beteranang misyonaryang Australyana. Ani Duterte, walang karapatan ang madre na kastiguhin ang kanyang pamahalaan. Matabil daw ang dila ng madre, katangiang kailanma’y hindi masasabi ng sinumang nakadaupang-palad na ng misyonarya. “You come here and insult us, you trample with our sovereignty. That will never happen,” dagdag pa ni Duterte. Kalaunan, na-deport ang madre.
Noon namang napatay si Fr Mark Ventura ng Cagayan noong Mayo 2018, imbes na kondenahin ang pamamaslang ay binigyang-katuwiran pa ni Duterte ang krimen. “Paanong hindi ka mapapatay? May asawang bise-mayor, may asawang pulis, may asawang sundalo, may asawang malaking negosyante. Eh, ‘di patay ka tuloy,” ani Duterte.
Noon namang Agosto 2018, pinagbantaan niyang tatadyakan ang sinumang Obispo. “Is there any bishop here? I want to kick your ass,” ani Duterte sa isang talumpati sa Malakanyang.
Nobyembre ng parehong taon, inakusahan naman niya si Caloocan Bishop Pablo Virgilio David ng pagnanakaw. “Ikaw, David, tumahimik ka ha. Sige ka lang hingi ng kontribusyon diyan sa mga… Saan ang pera ng mga tao? Sige lang hingi, may second collection pa,” ani Duterte. “Alam mo, totoo lang, sabihin ko sa inyo, iyong mga offering, iyong mga pinya, mga abokado, saging, saan napupunta iyan? Gusto ninyong malaman? Gusto ninyo ng video? Ibigay ko sa inyo. Doon sa pamilya niya,” dagdag ng pangulo. Walang bidyong nailabas ang pangulo.
Hindi lamang paratang ng korupsyon ang ibinato ni Duterte sa Obispo. “David! Nagdududa nga ako bakit ka sige ikot diyan ng gabi. Duda tuloy ako, p********, nasa droga ka,” ani Duterte.
Tumawid na sa kasalukuyang taon ay hindi pa rin tapos si Duterte sa atake sa Simbahan. Ngayong buwan, inutusan niya ang mga tambay na patayin ang mga obispo. “Hoy, kayong mga tambay diyan, ‘pag dumaan ‘yang obispo ninyo, holdapin ‘yan. Maraming pera ‘yan, p***** i** niya. Patayin mo,” ani Duterte sa Masbate.
Nitong buwan lamang, tatlong pari at isa pang Obispo ang nagsabing nakakatanggap ng banta sa buhay dahil sa kanilang kritisismo sa walang tigil na pagpatay sa mga pinaghihinalaang lulong sa droga. Inamin nina Fr. Albert Alejo, SJ; Fr. Flavie Villanueva, SVD; at Fr. Robert Reyes, OFM, gayundin si Lingayan Archbishop Socrates Villegas na natatakot sila sa kanilang buhay dahil sa mga banta sa kanila. Ang sagot ni Duterte: Wala siyang pakialam kung mamatay man daw ang mga pari. Maluwag pa ang mga sementeryo.
Ngunit ang lahat ng ito ay hindi maihahambing sa pang-aalipusta ni Duterte sa buod ng Kristiyanismo at sa Diyos mismo. Hunyo 2018 nang simulan niyang atakihin mismo ang Diyos ng mga Kristiyano.”Kinain ni Adam (ang mansanas), then malice was born.Who is this stupid God? Istupido talaga itong p******** kung ganoon,” ani Duterte sa isang talumpati sa Davao City.
Marami ang natigagal sa kalapastangan ni Duterte. Maging ang mga hindi relihiyoso ay nabastusan sa kanyang sinabi. Dagdag pa rito, sinabi niyang hindi siya hihingi ng paumanhin. “No, I will not do that definitely. Not in the million years,” ni Duterte sa mga mamahayag sa Panglao, Bohol.
Tahasan na ring sinabi ni Duterte na walang Diyos. Sinabi niyang kung mayroon mang makakapagpakita ng kanyang selfie kasama ang Diyos at kagyat siyang bibitiw sa pagka-pangulo. Maging ang paniniwala ng mga Kristiyano sa tatlong katauhan ng Diyos ay kanya na ring nilapastangan “Magdasal ka na sa isang Diyos, magdasal ka pa dito sa santong yawa. Isa lang ang Diyos. There’s only one God, period. You cannot divide God into three. That’s silly,” ani niya.
Bago pa niya ito sinabi, idineklara niya ring walang kahanga-hanga sa pagpapa-pako ni Kristo sa krus. “‘Yong Diyos mo, pinako sa krus. T******. Nakakawala ng bilib. Ako ang Diyos, tapos ipako mo ako? P********!” ani Duterte.
Matatandaang nangako si Duterte kay Davao Archbishop Romulo Valles na magmumulta ng isang libong piso sa bawat niyang pagmumura. May nagbibilang kaya? Magkano na kaya ang buong multa? Pareho lang kaya ang halaga ng multa kung ang minura ay ang Diyos na?
= = = = = = =
May nagbanggit sa akin kamakailan na kapaki-pakinabang sa kanila ang mga bidyo ng Kodao dahil mula sa mga ito nila nasusubaybayan ang mga kaganapang hindi nila karaniwang napapanood saanpaman. “Ngunit medyo nahihirapan kaming ibahagi sa mga magsasaka at katutubo ang laman ng inyong mga balita, kasi Ingles,” ani aking kausap. “Sana mayroon kayong sulatin sa Filipino para madaling ibahagi sa mga diskusyon dito sa baryo,” dagdag niya.
Madali akong kausap, lalo na kung medyo may kasamang puri at halong boladas ang mungkahi.
Ito ang simula at sana’y maipagpatuloy. Sa ngayo’y gamitin ko muna ang titulo ng aking sinaunang blog. (Ito naman ang orihinal na nauna sa pitak ng isang singer at isang palabas sa telebisyon na may parehong pamagat.)
Pag-uusapan rito ang mga isyu sa ating buhay at lipunan sa paraang maigsi at madaling maintindihan. Hindi naman ako “scholarly” para kayaning mag-tunog matalino’t matalinghaga sa lahat ng pagkakataon. Bukod pa, nakakapagod din minsan ang ingles ng ingles.
Walang regular na labas ang Ka-Blog. Kung kailan may isyung nakikita kong dapat komentaryuhan ay saka ako magsusulat.
Mag-huntahan tayo.