Mga manunulat sa Filipino na tubong-Bulacan
(Alay para sa Araw ng Bulacan)
Ni Carlos Marquez
SI Cenon V. Regalado marahil ay isa sa maraming limot – o kaya’y hindi kilalang – manunulat na tubong-Bulacan. Taga-San Marcos, Calumpit, Bulacan at madalas ko siyang makita kung naglalakad kaming magkaka-eskwela buhat sa aming baryo ng Balite patungo sa San Marcos Elementary School. (Ang paaralang elementaryang iyon ang pinakapangunahin nuong mga panahong iyon kaya dito nagsisipag-aral ang mga bata buhat sa mga nakapaligid na karatig-pook). Marahil ay isa si Regalado sa pumukaw sa pagkamanunulat ko sapagkat nuon pa man ay sumibol sa mura kong isip ang sigliwa ng sining ng mga salita.
Maraming maikling kuwento akong nabasa sa Liwayway na sinulat ni Regalado. Ang tanging akda niyang naitala sa Pambansang Aklatan ay “Ang Taktika ni Ido”, na pinipilit kong gunitain ang paksa, na lumabas sa Liwayway nuong 1957. Ang mas higit kong naaalala – at nagmarka sa isip ko, bagama’t hindi ko matandaan ang mga kumpletong saknong – ay ang kanyang tulang “Ang Manghahasik”. Sa masinop niyang paggamit ng aliterasyon ay malinaw niyang naisalarawan ang kadakilaan ng mga magsasaka bilang mahalagang salik ng pag-unlad ng bansa.
Tikman natin ang unang saknong.
“Sa bawat pag-urong ng paang putikan
ang nalilikha ko’y pasulong na hakbang
sa tangan kong punla, bawat kabawasan
sa aking layuni’y isang kapupunan.”
Pansinin ang indayog at musika sa mabisang paggamit niya ng salitang magkataliwas: “pag-urong” ng paa at “pasulong na hakbang”. Isang uri ito ng tayutay na hindi ko alam ang pangalan. Subalit, ang impak ay napakalakas – dumagundong sa pag-iisip, bumubulabog sa imahinasyon. SA BAWAT HAKBANG PAURONG, PAGSULONG.
Si Regalado, para sa akin (hindi dahil siya’y kababayan ko), ay isa sa mga dakilang manunulat na Bulakenyo na nakalimutan na ng mga salinlahing sumunod sa amin. Nguni’t hindi ba dapat ay suubin siya ng insenso, katulad ng iba pang kilalang manunulat na nagawang magsabog na bituin sa langit ng panitikang Pilipino?
Mapapalad ang iba pang manunulat na tubong-Bulacan na nakilala hindi lamang sa kanilang mga obra kundi maging sa kanilang pagsisikap na payabungin ang Wikang Pambansa. Ang ilan sa kanila na lumitaw sa aking madaliang pananaliksik ay sina: Virgilio Almario, taga-San Miguel; Tomas Agulto, ng Hagonoy; Bienvenido Ramos, ng Malolos; Blas Ople, ng Hagonoy; at Jun Cruz Reyes, ng Hagonoy.
At siyempre pa, si Marcelo H. Del Pilar, na taga Bulakan, Bulacan, na bagama’t ang karamihan sa nakatalang obra niya ay mga propaganda sa wikang Espanyol ay Pilipinung-pilipino naman ang diwa.
Sana ay madagdagan pa ang listahang ito. Isang panawagan sa mga Bulakenyo na makababasa nito. #
Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.