‘Lipunan, hindi lang sarili’

By Alfonso Tomas P. Araullo

(This is former Kodao contributor Atom Araullo’s Keynote Speech to Philippine Science High School’s (PSHS) 2024 Graduation Ceremony on June 8, 2024 in Quezon City. The multi-awarded journalist is a PSHS alumnus.)

Bakit nga ba espesyal ang Philippine Science High School? Special ba talaga kayo? Tayo? Ano sa tingin niyo?

Tayo ay mga Iskolar ng Bayan. At bilang mga Iskolar ng Bayan, kailangang isapuso ang mga responsibilidad na kalakip ng inyong nahasang talino at mga natutuhang kakayanan sa buong panahon ng inyong pag-aaral sa Pisay.

While here, you received the best possible science education that our country and our gifted teachers can provide you. Samantala, sinuportahan at itinaguyod ng buwis ng mamamayang Pilipino ang inyong edukasyon at mga kagyat na pangangailangan upang matuto at umunlad.

Itinuturing na premiere science high school ng bansa ang Pisay (palayaw ng PSHS–ed) . Bagamat nakararanas din tayo ng mga pagsubok sa ating pag-aaral, hindi maipagkakaila na mas mapalad pa rin tayo kumpara sa milyun-milyong kabataang Pilipino na walang computers, laboratoryo, o kahit mga libro, at pumapasok sa mga eskwelahang binabaha, parang pugon sa init, o ubod ng sikip.

So special ba tayo? Masasabi kong oo. Special dahil sa inyong angking galing at talino na angat sa karamihan, pero special din dahil nalinang ang ating talento dahil sa suporta ng mamamayang Pilipino.

Now here is a hard truth. After feeling special in Pisay, many of us will feel completely normal and ordinary before long. Maraming dahilan dito. Nagbabago ang ating pananaw sa mundo, nag-iiba ang ating mga prayoridad, nadadagdagan ang mga iniisip, nagkaka personal na problema. Ang ipinagmamalaki nating academic achievements, maaring kumupas, at ang pinanghahawakang nating mga talento, maaring magbago. Pero ang hindi mawawala, ang responsibilidad natin sa bayan. What makes us special is not our achievements, but our contribution to society and the common good.

Mga minamahal kong graduates, wag natin kalimutan na ang ating katalinuhan at galing, hindi lang dapat inilalaan sa pag-abot ng sarili nating mga pangarap. Sa isang lipunang kaliwa’t-kanan ang mga suliranin at problema, napakalaki ng papel na kayang gampanan ng mga siyentista at inhinyero para magkaroon ng makabuluhang pagbabago.

Members of the Philippine Science High School Class of 2024. (FYT photo)

Ano nga ba ang papel at tungkulin ng mga siyentista sa lipunan?

Una —ang gamitin ang kaalaman para sa kabutihan ng nakararami.

Napakayaman at napakalawak ng kaalaman ng mga siyentista. Sanay at bihasa sila —kayo —sa pagsasaliksik. Marunong kayong maghimay at magsuri ng impormasyon sa maraming larangan na may direktang epekto sa buhay ng mamamayan, gaya ng industriya, agrikultura, medisina, transportasyon, at iba pa.

Ano ngayon ang gagawin sa lahat ng kaalamang ito? Marami. Maraming-marami at higit pa dapat sa pangarap na magkaroon ng magandang sweldo o magkamal ng yaman para sa iilang makapangyarihan at malalaking korporasyon.

Magagamit natin ang kaalaman upang baguhin ang buhay ng maraming nagugutom, naghihirap, at salat sa mga oportunidad upang umunlad. Pag sinabi nating “for the common good,” tinutukoy nito ang karamihan sa mga Pilipino na kapit sa patalim at napagkakaitan ng mga batayang karapatang pantao at serbisyong panlipunan. Sila ang dapat pinaglilingkuran ng ating kaalaman at pagsasaliksik.

Isa pang tungkulin ng mg siyentista: lumubog sa mamamayan at makiisa sa kanila. Ano ang ibig sabihin nito? Mahalagang masaksihan at maintindihan ang mga pagsubok na dinaranas ng ating mga kababayan. Sa ganitong paraan, malalaman natin kung ano ang mga kailangang baguhin. Pakinggan natin sila, alamin ang kanilang mga pananaw at opinyon, lalo’t sila rin ang bihasa sa sitwasyon sa kani-kanilang mga pamayanan.

Palawakin ang inyong mundo lagpas sa apat na sulok ng silid aralan —o apat na sulok ng computer screen for that matter. Sa college, sumali ako sa iba’t-ibang student organizations —naging punong patnugot ako ng aming college publication, sumali ako sa UP Mountaineers, at bumuo ng isang football club kasama ng iba kong mga kabatch sa Pisay. I wanted the full student experience, at alam kong hindi lang ito nagtatapos sa pagsusumikap na makakuha ng magagandang grado sa eskwelahan.

Di nagtagal, at kahit walang kaplano-plano, naging bahagi ako ng University Student Council at naging aktibista sa UP. Wow, what a cliche, di ba? Feeling ng mga tao pugad ng mga tibak ang UP, pero ang totoo, maliit na bahagi lang sila ng komunidad, dahil malaking responsibilidad rin ang pagiging student leader.

Hindi ako mangingiming sabihin na dahil sa pagiging aktibista, lumawak ang aking pananaw sa mundo, at lumalim ang pag-unawa sa papel ng mga kabataan at mas malawak na mamamayan sa adhikaing magkaroon ng pagbabago. Nag organize kami ng mga educational discussion, mga concert, nag room to room, minsan napapakanta at napapasayaw pa nga para makatawag ng atensyon sa mga mahalagang issue. Nakipamuhay kami sa mga informal settler communities sa Metro Manila, at maging sa mga mahihirap na magsasaka sa kanayunan. Oo, sumali rin ako sa mga rally noon. Minsan na ring na-tear gas at binugahan ng water canon. Nakulong pa nga ako sandali matapos kaming damputin ng mga pulis sa isang kilos protesta sa Pasay. Pinagsisihan ko ba ang mga ito? Hindi. Kung tutuusin, proud pa nga ako.

Ang mga natutunan ko sa yugtong ito ng aking buhay, ginagamit ko pa rin ngayon, hindi lang bilang isang mamamahayag, kundi isang scientifically-trained na mamamahayag 😉

Alam niyo na marahil na mula nang grumadweyt sa kursong Applied Physics, medyo nagbago ang aking landas at napunta ako sa larangan ng journalism. Sabi nga nila, life really takes you in unexpected directions. Hindi man ako naging ganap na scientist o engineer, nagagamit ko parin ang mga itinuro sa akin ng siyensiya araw-araw: ang maging mapanuri sa pag-iisip, masinop sa pagkuha ng impormasyon, wag agad maniniwala sa mga sabi-sabi, at higit sa lahat, wag matakot kwestiyunin ang mga bagay-bagay, kahit taliwas ito sa pinaniniwalaan ng marami, kung sinusuportahan ito ng ebidensya.

Sa kabilang banda, wag din naman tayo magdunung-dunungan. Aminin natin kapag hindi natin alam ang sagot sa isang bagay, at tanggapin din natin pag tayo ay nagkakamali. Ganyan magpakumbaba ang mga tunay na scientist. Alam natin na hindi tumitigil ang pagkatuto.

Sa aking trabaho lalo ko pang nakita kung gaano kalalim ang mga problemang kinakaharap ng ating bansa, kung gaano karami ang naghihikahos, at kung gaano kahalaga ang mga siyentista, o kahit man lang yung kultura ng siyensya sa ating lipunan. Partikular na naka-aalarma ang learning poverty na aking nasasaksihan saan man ako magpunta.

Alam kong nabasa ninyo ang mga news report tungkol sa napakababang reading and comprehension levels ng mga Pilipinong estudyante. Oo pumapasok sa eskwelahan ang mga Pilipino, pero natututo ba sila? At ano nga ba ang itinuturo sa atin? Magagamit ba natin ang mga leksyon sa silid aralan para paunlarin ang ating sarili at upang magkaroon ng mas magandang kinabukasan?

Sa totoo lang, napakaraming maling pananaw at pag-unawa tungkol sa mahalagang mga usapin ang patuloy na lumalaganap sa ating bayan. Atrasado o mababaw ang pag-unawa natin sa mga isyu ng civil, democratic, at human rights. Dahil na rin dito, tinitignan pa rin ng marami na maling tuligsain ang katiwalian sa pamahalaan, o ang magsalita laban sa pang-aapi at pang-abusado.

Ang isang mamamayang mulat sa kanyang mga karapatan ay hindi papayag na ang mga ito ay yurakan. Ang isang Pilipinong may pagpapahalaga sa karapatang pantao ay hindi papayag na abusuhin siya o ang kanyang kapwa Pilipino ng kahit na sinong nasa poder ng kapangyarihan.

Naniniwala ako sa galing ng bawa’t isa sa inyo dito. Ang hamon sa atin ngayon —maging mga guro rin ng lipunan.

Palaganapin natin ang tama at siyentipikong impormasyon tungkol sa climate change at kung bakit nag-uugat ito sa pang-aabuso sa kalikasan, ganid ng malalaking korporasyon, at kawalan ng pakialam sa kalagayan ng ating mga gubat, karagatan, at baybaying dagat.

Palaganapin natin ang mga paliwanag tungkol sa ugnayan ng makabayang pagtindig para sa ating karapatan sa West Philippine Sea at sa pagtatanggol ng ating mga coral reef, marine biodiversity, food security, at kabuhayan ng mga mangingisda.

Maisingit ko na rin, sana palagi rin tayong updated sa mga nangyayari sa daigdig at sa kalagayan ng mamamayan sa ibang bansa. Sana alam natin ang ugat ng mga gera, bakit patuloy ang pananakop sa mga bansa kagaya ng Palestine, at bakit kahit ilang beses na nagtipon ang mga gobyerno ng daigdig, gumagapang pa rin ang sangkatauhan patungo sa kawalan o extinction dahil sa climate change.

Kayong mga kabataan, kayong mga future scientists, engineers, mathematicians, at environmentalists can advocate for policies that promote social equity and environmental justice. You can influence decision-makers to implement policies that protect marginalized groups and ensure equitable access to scientific advancements which, in turn, will help society as a whole.

Tao bago pera. Lipunan at hindi lang sarili. Pursuing your dreams and ambitions is important. Still, this should not come at the expense of societal responsibility.

Based on my personal experience, integrating personal goals with a commitment to social good can lead to a fulfilling career. My hope, is that in some way, however small, my work is making a positive impact and a difference. That is the sum of my ambitions.

In closing, my appeal and request to the Graduating Class of 2024, and perhaps even to all our teachers and officials present, may we all use our learning and expertise for the betterment of our society. This underscores a fundamental aspect of being a responsible and ethical scientist, a responsible Filipino.

May we make it part of our plans and goals to frequently engage with communities, seeking to address inequalities, advocating for just policies, and balancing personal ambitions with a commitment to the common good. As scientists, engineers, architects, artists, writers, we all can make significant contributions to our country, and by extension the world and humanity.

Panalangin ko na lang na abutin natin lahat ang panahon na kaya nating sabihin na lagi’t lagi, pipiliin natin ang Pilipinas, at sa pagsabi natin nito, hindi na tayo matatawa, maiiyak, o masasaktan, kung hindi ay masayang maninindigan. To the class of 2024, gawin natin ang lahat upang maglingkod sa bayan, gamitin ang lakas, galing, tapang, at talino para sa kapwa natin Pilipino.

Search for the untarnished truth. Mabuhay kayo. #