Para sa iyong ika-29 na kaarawan, Hadji

Ni Dittz Centeno De Jesus

Muli kong nadama

Sakit ng isang gunita

Ang hirap ng isang ina

Sa pagsilang ng anak na sinta.

Makalibong sakit pa pala

Ang siyang aking madarama

Nang ikaw, anak, ay iwinala

Dulot ng kalupitan ng iba.

Inalagaan kitang mabuti

Mula pagkabata at paglaki

Sa kamay ng masamang budhi

Iwinala nang walang saksi.

Bawat pintig ng puso

Dulot ay pagdurugo

Dapat lamang na kumibo

Ang pag-asa ‘wag isuko.

Anak, kung saan ka man

Sa hukay o sa kulungan

Pilit kitang hahanapin

Sa abot ng kaya ay gagawin.

At kung itulot ni Bathala

Tayo ay muling magkita

Hahaplusin ang ‘yong mukha

Yayakapin lahat ng dusa.

Di ka na hahayaan pa

Mawaglit sa ‘king mga mata

Iduduyan sa aking kandungan

Buburahin pait ng nakaraan.

Anak, nasaan ka na?

-24 Abril 2025

= = = = = = =

Ang makata ay ang ina ng nawawalang si Bazoo (Hadji) de Jesus. Ngayong araw ang ika-29 na kaarawaan ng anak na dinukot ng mga hinihinalang ahente ng gubyerno, kasama si Dexrer Capuyan, noong ika-28 ng Abril 2023