Ni George T. Calaor

 

Langis ay siklab

ng digmaang

dinala ng

imperyalista

sa hapag

ng maralita.

 

Hindi bala

o bomba

ang sinalo

kundi bayarin

at gutom –

at bawat pisong idinaragdag

sa presyo

ng petrolyo

ay pawis

at dugo

na sinisingil

sa likod ng manggagawa.

 

Mula sa palad

na bitak-bitak

ng bukid

at pabrika –

sinisipsip

ng dambuhalang

kapitalistang

uhaw sa ganansya

ang huling patak

ng lakas

ng magsasaka

at obrero.

 

At habang ang estado

ay nakikipagkamay

sa mga korporasyon –

ang bayan naman

ay pinipisil

na parang tubo –

hanggang ang

huling patak

ay maging tubo

ng iilan.

 

Sabi ng pangulo

ay magtipid…

 

ngunit paano

titipirin ang gutom?

paano babawasan

ang pasa

ng magsasaka

kung ang araro

ay pinupurol

ng digmaan?

 

ano pa ang titipirin

ng manggagawa

kung halaga

ng lakas nila

ay tinubog

sa kabaratan?

 

“Emergency”

ang batas

na ikinasa

ngunit sa dulo ay

 

“maghintay ka.”

 

Ngunit dinggin mo

ang ungol ng tiyan

na ginutom sa karapatan…

 

dinggin mo

ang kalansing

ng pinggan

ng winawasak

na kabuhayan…

 

sapagkat kung

ang langis

ay apoy

ng pagsasamantala…

 

ang galit ng mamamayan

ay sigwang lagablab

ng katarungan!