Ni Shannia Cabuello
Limang araw na lang, bisperas na ng Pasko noon. Kanya-kanya nang plano ng uwian sa kani-kanilang lugar ang mga empleyado ng isang coffee shop sa Quezon, City.
May uuwi sa malapit lang, sa Pasay. May magpa-Pasko sa Antipolo. May maiiwan sa Quezon, City. May ilan namang hindi alam kung kailan at saan uuwi.
“Boss, hindi na po ako makakapasok bukas. Uuwi na po kaming Laguna.”
“Habol na lang ako next week. Gabi pa kami makakauwi galing Baguio.”
“Kila Jetjet ako sa umaga ng 24, pero sa bahay pa rin ako magpa-Pasko.”
Mabilis lang dumaraan ang mga araw. Kinabukasan, mauubos ang handa, itatapon ang mga balat ng regalo, mauubos ang christmas bonus, at dagling malilimutan din ang Pasko.
Sa mga araw na ganito, ang mananatili ay uuwi sa musika, sa karinderya, sa pampublikong sasakyan, at sa kalsada.
Sa musika
Pinipili ang tugtog na nakasalpak sa tenga tuwing nasa kalsada. At sa isang lugar sa Maginhawa, maririnig mo itong harap-harapan.
Dalawang araw bago ang Pasko, may trabaho pa ang mga empleyado ng isang coffee shop. Darating ang isang singer-songwriter na lagi nilang pinakikinggan, si Ian Quiruz. Dumayo sa Quezon City galing Tarlac. Dinayo rin siya ng mga taong matagal siyang hinintay tumugtog.

Ito ang unang beses niyang mag-perform sa Metro Manila. Nagulat siyang makita ang maraming sumusuporta. Nagulat din kaming hindi niya alam kung gaano kalawak at kalalim ang inaabot ng kanyang sining at musika.
Naging parte ang kanta niyang “tindahan ng mga alaala” ng mga taong nangungulila sa nakalipas. Malakas na kinanta ng mga manunuod na may kanya-kanyang hiling ang “What if lang naman.”
Kapag maririnig mong sabay-sabay itong kinakanta, parang ayos na lang sa’yong manatili kahit nariyan na ang Pasko.
“Kailan ka uuwi?”
Baka hindi na.
Sa karinderya
Kinabukasan ng huling araw ng trabaho, nagtipon sa isang hapag sa Masinag ang iba’t-ibang tao. Hindi nila nanay ang nagluto’t naghain. Hindi sa ama galing ang pamalengke. Hindi mga kapatid ang kasabay kumain.

Mamaya na ang bisperas pero mga naka-uniporme pa rin ang mga kaharap ko. Galing sila sa katabing mall ng karinderyang ito. Halos lahat sa kanila ay sinusulit lang ang dalawampung minuto. Pumayag siguro silang pumasok dahil doble ang sahod tuwing holiday. At narito rin siguro sila dahil malayo pa ang sarili nilang hapag.
“Ano ang gusto mong ulam?”
Wow, ipinagluto pa ako.
Sa pampublikong sasakyan
May pila pa rin sa mga terminal. Iilan ang makakauwi pero marami pa ring mananatili. May pahinga kahit limang oras pero babalik din sila mamaya sa trabaho. Ituturing nilang regalo ang mas mahabang skedyul ng tren. Susubukan nilang humabol kahit araw-araw na nila itong ginagawa. Lilipas lang ang mga araw ng Disyembre at hindi na mamamalayang wala namang nagbago.

Normal na araw pa rin.
“Bakit wala ka pa?”
Hindi na ako tumakbo. Nakakahingal na.
Sa kalsada

Luma na ang Carsadang Bago sa Imus. Malubak at puno rin ng mga e-bike. Malamig ang simoy ng hangin at mapapanood pa rin ang mga batang nangangaroling. Pero sa gabi na lang masayang maglakad lalo’t puno ito ng kotse tuwing umaga.
Tahanan sana ang kalsada pero walang pupuntahan ang mga paang hindi pinaglalaanan ng linya at tawiran. Parang mas mahalaga pa rin ang mga pribadong sasakyan. Nakakapagod ang maglakad pero pahinga sana ito mula sa mas nakakapagod na buhay sa Maynila.
“Saan ang lakad mo?”
Wala namang malalakaran dito.
Ganito manahan ang mga empleyado. Tahanan kahit ang mga pabagu-bago. #








