Ni Nuel M. Bacarra
Dahas ng estado sa mamamayan ang pangunahin nitong tugon sa pagkakaroon ng anumang kilusang naglalayong baguhin ang anumang hindi makatwiran sa lipunan. Napatunayan ito sa kasaysayan at batas nang maituturing sa anumang lipunan.
Sa paghahari ng mga imperyo at kalauna’y imperyalismo sa mundo, ang pagsupil sa mga ganitong kilusan sa mga bayang nagbabalikwas ang isa sa sentrong gawain ng mga estadong binibigyang katwiran ang kaniyang patuloy na pag-iral. Kadalasan, ito ay alinsunod sa pandaigdigang patakaran ng mga namamayaning imperyalistang bansa at ipinapatupad naman ng mga tau-tauhang pamahalaan sa maraming sulok ng daigdig. Ito ang buod ng mga planong kontra-insurhensiya na humahalihaw, hindi sa mga dayuhang mananakopn kundi sa mismong mamamayan.
Walang pinag-iba rito ang planong kontra-insurhensiya ng kasalukuyang estado. Ito ang National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) ng rehimeng Ferdinand Marcos Jr.
Mula ama hanggang anak
Hindi kinailangang bansagan ang ganitong plano noong rehimen ng matandang Marcos. Ang kanyang buong diktadurya’s batas militar ay isang komprehensibong panunupil sa mamamayan samantalang nandarambong at nangayupapa sa imperyalismong Estados Unidos. Mula Setyembre 1972 – Enero 1981, sa “pormal” na pagpapatupad sa kanyang batas militar, malubha ang kalagayan ng karapatang-tao sa bansa. Naitala ang 3,257 na extrajudicial na pagpaslang, 35,000 insidente ng tortyur, 737 sapilitang pagkawala, samantalang 70,000 ang ikinulong.
Maging sa mga sumunod na nanungkulan sa panguluhan, mayroong mga Oplan (Operation Plan) na hindi kaiba ang katangian: gapiin ang paglaban ng mamamayan, maging ang mga rebolusyonaryong kilusan na sumulpot mula sa kanilang pagtutol at pagbalikwas.
Nang mapatalsik si Marcos noong Pebrero 1986, ang humaliling si Corazon Aquino ay nag-apruba sa Oplan Lambat-Bitag I at II. May Oplan Lambat-Bitag III at IV sa panahon ni Pangulong Fidel Ramos; Oplan Makabayan kay Joseph Estrada; Oplan Bantay Laya ni Gloria Macapagal-Arroyo; Oplan Bayanihan ni Noynoy Aquino; Oplan Kapayapaan at Oplan Kapanatagan sa panahon ni Rodrigo Duterte. NAP-UPD ang bersyon ni Marcos Jr.
Ang lahat ng ito ay nagtangkang gapiin ang paglaban ng taumbayan at isa sa pangunahing ekspresyon nito: ang armadong pakikihimok ng mamamayan, katulad ng Bagong Hukbong Bayan (New People’s Army, NPA).

Ano ang NAP-UPD?
Target ng NAP UPD na kamtin umano ang kapayapaan sa pagtatapos ng termino ni Presidente Marcos Jr. sa 2028. Sangkap pa rin nito ang “whole of nation approach” at ang pagpapanatili ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC na minana sa rehimeng Duterte. Ang ahensyang ito ang may pangkalahatang kumand at impluwensya sa kabuuang planong kontra-insurhensya. Ang burukrasyang sibilyan ay nasa ilalim ng burukrasyang militar para maipatupad ang whole of nation approach.
Sa konsepto ng gubyerno at anumang oplan tulad ng NAP UPD, ang mga progresibo at aktibista sa mga eryang urban ay lilipulin o ikukulong. Habang tuluy-tuloy ang pagpapasuko sa mga komunidad na umano’y kontrolado ng mga rebelde, walang tigil rin ang mga lektura sa mga paaralan at red-tagging sa mga progresibong indibidwal at mga di-gubyernong upisinang nagbibigay ng serbisyong panlipunan sa mga pamayanan.
Subalit paulit-ulit nang isiniwalat ng iba’t ibang organisasyong na maging ang mga estado ay kailangang sumunod sa mga unibersal na prinsipiyo na karapatang pantao at internasyunal na makataong batas sa pagpapatupad ng kanyang mga plano. Sentral dito ang pagkilala sa pagitan ng armado at di-armadong indibidwal. Sa pagpapatupad ng pamahalaan ng Pilipinas sa kanyang marami nang oplan, walang pagtatangi sa pagitan ng armado at di armado. At maraming karapatan ng maging mga armado ay hindi rin iginagalang.
Ang ganitong di-makataong katangian ng lahat ng oplan ay hindi pormula sa kanilang pananagumpay (na siyang pinapatunayan sa isang bansa ng halos anim na dekada nang pagpapatuloy ng NPA). Ito ay pormula sa kabiguan ng estado na mag-hari nang walang pagtutol o paglaban sa kaniyang mga kasalanan sa mamamayan.
Pambansa at pandaigdigang iskema
Sa Saligang Batas ng republika, isang anim na taong termino lamang ang ipinahihintulot para sa
isang presidente, at bawal ang reeleksyon. Simula 1987, siniguro ng mga humaliling rehimen kay Marcos Sr. na sapat na ito upang mandambong at ipagpatuloy ang pagpapalalim ng mga suliranin na nais baguhin ng mga pag-aaklas.
Lagpas pa rito, kumbakit laging nasa adyenda nila ang kontra-insurhensya, ang pagsupil sa lumalabang mamamayan, ay marapat na unawain.
Hindi ito boluntaryong plano na bunga ng kanilang pag-iisip. Ang mga oplan ay imposisyon mula sa US upang panatilihing tagasunod ang mga lokal na pambansang lider para sa geopulitikal na interes ng una na gapiin ang mga pagtutol ng mga pwersang naghahangad ng pagbabago, armado man o hindi, para pagsilbihin ito sa pangkabuuang latag ng imperyalistang plano sa buong daigdig.

Ang plano sa kapayapaan ng pamahalaan ay paluhurin ang madla sa pamamagitan ng panggigipit hanggang sa tahasang terorismo. “Oplan Kurakot” din ito at paniniguro ng mga burukrata kapitalista sa gubyerno ng katapatan sa imperyalistang amo. Mangangako lamang ng kapayapaan pero lilisanin ang pusisyon sa pamahalaan na bundat na sa yamang nakulimbat at iiwang nakatiwangwang ang mga usaping isinusulong ng sambayanan.
Sa tinakbo ng panahon at sa itinuro ng mga karanasan, batid mismo ni Marcos Jr. na kahit anong iskema, meron at merong paglaban ang mamamayan hanggang may mali sa lipunan. Hangga’t di natutugunan ang mga batayang suliranin ng bansa gaya ng kawalan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, at mababang sahod ng mga manggagawa at kawani, hindi mawawala ang paglaban. Ang tanging pagkakaisang magaganap ay ang pagkakaisa lamang ng mga mandarambong, pasista at tuta ng dayuhan sa isang panig at ang pagkakaisa ng lumalabang mamamayan sa kabila. At lubos na lilinaw ang sitwasyon na hindi ginagawa ng mga burukrata kapitalista ang pagpapakatuta at pamamasista para sa lutasin ang suliranin ng bansa kundi para sa pakinabang na pribelihiyo at basbas sa among imperyalista.
Hindi solusyon
Walang pag-unlad ang bansa sa ilalim ng NAP UPD; ang paglala ng sitwasyon lamang ang sigurado. Sa kasalukuyan, sa pagkabunyag ng mga malawakang korupsyon sa gubyerno, sa pagka-inutil sa kasalukuyang krisis sa langis at sa kawalang solusyon sa pagkaligalig ng mamamayan sa imperyalistang gera ng Estados Unidos sa Iran na ang kabuuang epekto ay ang kawalan ng kakayahan ng mamamayan na salungahin ang krisis dahil sa mga maling patakaran ng pamahalaan.
Imbalido ang gubyerno dahil abala ang among imperyalistang US kung paano tatapusin ang gerang pinasimulan nito na walang pakinabang kundi ang paghigpit ng kooperasyon ng mga dating inaasahang alyadong estado.
Batay sa kanyang ikinikilos sa kasalukuyan, hindi babawiin ni Marcos Jr. ang kawalang-saysay ng NAP-UPD. Pipintahan pa ito ng sangkatutak na palamuting pananalita ar tabing na tulad din ng among imperyalistang US ay nangangapa ng solusyon para makaalis sa pinasok na sitwasyon. Sa kabila ng malinaw na paghulagpos ng imperyalismong US mula sa katinuan dahil sa atake nito sa Iran (maging sa Venezuela at pagtindin ng pang-uupat sa Cuba), hindi magawa ni Marcos na kontrahin ang amo, tulad ng mga ibang lider na may gulugod na tuligsain ang mga buhong na sina Donald Trump at Benjamin Netanyahu.
Kung ganitong uri ang kabuktutan ang batayan na mga oplan na kontra-insurhensiya ng pamahalaan, hindi ito katanggap-tanggap sa mamamayan at magpapatuloy ang kanilang paglaban. #








