Ni Rowena Reyes
Sa halagang ₱645 kada araw, pilit pinasasapat ni Mang Rodolfo ang pang-araw-araw na gastusin ng kaniyang limang-kataong pamilya. Manggagawa siya sa isang pabrika sa Rizal. Araw-araw, bitbit niya ang pag-asang kahit paano’y gumaan ang buhay. Ngunit sa tuwing uuwi siya, dala rin niya ang bigat sa katawan at dibdid na tila suntok sa buwan ang pag-asang may magbabago pa sa kaniyang kalagayan.
Ayon sa IBON Foundation, dapat ay nasa ₱1,200 kada araw ang family living wage para sa isang pamilyang may limang miyembro. Malayo ito sa kasalukuyang minimum wage sa Metro Manila na ₱645. Sa ibang rehiyon tulad ng BARMM, umaabot lang sa ₱361 ang sahod, wala pa sa kalahating kailangan para mabuhay nang disente.
Ang kwento ni Mang Rodolfo ang buod ng Trade Union Talk (TUTOK) na idinaos ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER) at Church People–Workers Solidarity (CWS) kamakailan sa Bustillos, Maynila noong Hulyo 19, 2025. Lantad sa pulong ang sentimyento ng sektor: pagod na ang manggagawang Pilipino sa paghihintay, at lalong hindi sila dapat maghintay pa.
“Hindi malulugi ang mga negosyo sa ₱200 dagdag-sahod,” paliwanag ni Tik Bartolome, tagapagturo ng labor rights. “Ang epekto sa tubo ng maliliit hanggang malalaking kumpanya ay nasa pagitan lang ng 11% hanggang 17%.”
Ngunit nananatiling tikom si Pres. Marcos Jr. sa panawagang ipasa ang makabuluhang legislated wage hike. Sa halip, ipinasapasa ng kanyang administrasyon sa mga Regional Wage Board ang desisyong ito — na laging kinukwestiyon ng mga labor group dahil sa mababang dagdag-sahod na hindi sapat para sumabay sa taas ng presyo ng bilihin.
Masaklap pa, sa ilalim ng CREATE MORE Act, ibinaba ang corporate tax — isang pabor para sa malalaking negosyante, habang ang mga manggagawa ay patuloy na namamalimos ng kakarampot na dagdag-sahod.
Panganib sa pagawaan
Hindi lang isyu ng sahod ang bumabagabag sa sektor. Sa tala ng International Trade Union Confederation, kabilang pa rin ang Pilipinas sa pinakadelikadong bansa para sa mga unyonista. Ilang taon na mula nang patayin si Jude Fernandez — isang lider-manggagawa — noong 2023, ngunit wala pa ring hustisya.
Bagamat pinirmahan ng Pilipinas ang ILO Convention 190 laban sa karahasan sa lugar ng trabaho, hindi pa rin ito sinusundan ng kaukulang batas.
Maging ang Executive Order No. 23 ni Marcos Jr. — na diumano’y tugon sa ILO recommendations — ay walang konsultasyon sa hanay ng manggagawa. Sa halip, ginagamit pa ito bilang kasangkapan ng estado para patahimikin ang kritikal na boses sa mga unyon at organisasyon.
Hindi tahimik
Sa kabila ng patuloy na pambabalewala sa kanilang panawagan, hindi tahimik ang hanay ng manggagawa. Patuloy ang mga kilos-protesta, mula sa mga welga ng mga tsuper kontra sa jeepney phaseout, hanggang sa tagumpay ng mga manggagawa ng Nexperia sa loob ng 74-oras na strike.
Ngunit hindi lahat ng laban ay sumisigaw. At sa dulo ng araw, uuwi na naman si Mang Rodolfo ng tahimik, dala ang pagod sa katawan at alalahanin sa dibdib. Ngunit kahit pa paulit-ulit ang siklo ng pagbangon at paghiga, hindi siya sumusuko. Hindi para sa sarili, kundi para sa pamilyang umaaasa sa kanya.

Sa darating na Hulyo 28, muling magbibigay ng ulat si Pangulong Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address. Ngunit para sa mga tulad ni Mang Rodolfo, wala nang inaasahang pagbabago mula sa mga pangakong pinadaan sa teleprompter. Sapagkat ang tunay na kalagayan ng bansa ay hindi matatagpuan sa pulidong pahayag mula sa entablado, kundi sa hapag ng mga tahanang walang laman at sa tahimik na pagtitiis ng milyun-milyong mangagawa na araw-araw isinusugal ang katawan para lang manatiling buhay.
Hinimok ng mga organisador ng forum ang lahat—manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, katutubo, at iba pang sektor—na makiisa sa malawakang mobilisasyon sa People’s State of the Nation Address sa mga lansangan sa buong kapuluan.
Dahil ang tunay na estado ng bansa ay hindi galing sa Malacañang, kundi mula sa sambayanang bumubuo ng tunay na mukha ng bayan. #







