Ni Mary Grace Cortez

Sa isang bayan sa gilid ng dalampasigan,

May isang taong tahimik kung lumaban.

Ang hawak niya’y hindi baril, ni kutsilyo,

Kundi pluma’t papel—ang kanyang sandata sa gulo.

Hindi siya sikat, hindi rin tanyag,

Ngunit bawat titik niya’y may layuning tapat.

Naglalakad sa gitna ng dilim,

Upang ilantad ang totoo, kahit kapalit ay alanganin.

Bata pa siya’y naturuan ng guro,

Na ang katotohanan ay hindi dapat ikubli o itago.

Kaya’t sa paglaki, pinili niyang sumulat,

Sa mga kwentong ayaw pansinin ng lahat.

Isinulat niya ang buhay sa kalsada,

Ang pawis ng manggagawa, ang gutom ng masa.

Ngunit habang lumalalim ang kanyang mga lathala,

Mayroong mga matang biglang nanlilisik at biglang nagpakita.

Minsan sa gabi, may aninong sumusunod,

Tahimik pero mabigat—tila isang panunudyo ng takot.

May mga liham na walang lagda,

Nagbabanta sa buhay niya, na parang mga multo sa bintana.

Ngunit hindi siya umatras,

Bagkus ay lalong naging matalas.

“Kung hindi ko ito isusulat, sino ang maglalantad?

Kung hindi ngayon, kailan natin ipaglalaban ang dapat?”

Hanggang isang araw, tila biglang naglaho,

Wala sa dyaryo, wala rin sa radyo.

Tahimik ang bayan, parang walang nangyari,

Isang pluma ang nahulog, basa ng ulan at dumi.

Dahil, sa papel ng makapangyarihan, walang tinta ang kanyang pangalan.

Ang iniwang ulat, pinunit bago pa mabasa ng karamihan.

Sa pagitan ng mga pahina, may puwang na hindi na muling naisulat.

At sa anino ng katotohanan, may isa na namang binura.