Dalawang tula sa Araw ng Kababaihan

1. BABAE AKO

Ni Bibeth Orteza

Babae ako.

Nagdalaga at nagkaisip,

panahon pa ng pasador.

Babae ako.

Breast cancer survivor,

magla-labingwalong taon.

Babae ako.

Anak ng matapang na Waray

na nagturo sa aking lumaban.

Babae ako.

Manugang ng tagapagtaguyod ng awit

at kalayaan sa pamamahayag.

Babae ako.

Kasal sa lalaking tapat at nanindigan,

hindi nagmahal sa suso ko lang.

Babae ako.

Palaban, militante.

Sana, all.

– International Women’s Day

March 8, 2022

2. SA NGALAN NG IMORTALIDAD -INA

Ni Ibarra Banaag

Sadya, mahaba ang buhay ng mga babae,

Marahil dahil sisidlan ng dangal at binhi,

Tahanan ng nabubuong hininga at buhay,

Duyan ng natutulog na bunso o panganay.

Buong tikas na kalong-kalong ang bigat,

Salo ng yaring balakang ang manas-balat,

Pinagpala ng bahay-bata at talimpusod,

Nagkakanlong sa kumikislot na sandugo.

Sakaling pumulandit itong sangalang-tubig,

Bugtong ng siyam na buwan panghaharana,

Tagos sa sinapupunan ng Inang nagbataris,

Buntong hininga ng matagumpay na pagtitiis.

At tinapos ng hilab at diliryo mga buwan,

Tanging lukso ng dugo nagpakilala sa tanan,

Ang syensya ng pusong ginupit sa palahaw,

Bumangon kang taas ang noo sa karaniwan.

Sa kurlong na namamayani ang yabangan,

Babae ang namumukod-tanging huwaran,

Sa likuran ng pinagpipitagang mga lalaki,

Isang Ina ang humuhulma ng mga bayani.

Mayo 12, 2021