Ang Debate ng mga Pilosopo at si Pedro
Ni Ed M. Villegas
Sabi ni pilosopong Plato ang mundo ay di totoo
Balik naman ng kanyang estudyante na si Aristoteles ito ay mali
Dahil ang halaman ay tunay na halaman at ang bato ay bato
Oo nga, wika ni Epicurus, na kay Aristoteles kumampi
At diin pa nito walang ibang realidad kundi materyal na bagay
Pasok naman ni Descartes, ang batayan ng totoo ay kamalayan ko
At ang Diyos at materyal na bagay ay mapapatunayan nito
Hoy, hoy, teka, teka, singit ni Spinoza,ako at Diyos ay iisa
At dagdag pa ni Leibniz ang lahat na nangyayari ay perpekto
Biglang nagsalita si Bertrand Russell, kayong lahat ay sira ang ulo
Walang diyos, walang perpekto, at ang lahat ay nararanasan lamang ng sensa ng tao
Mali, sabi ni Wittgenstein, dating estudyante at alagad ni Bertrand,
Dahil ang diyos at pagiging perpekto ay may sariling kahulugahan sa mga karaniwang mamamayan
At huwag basta na lang babaliwalain ang kanilang mga katuwiran
Kaya, pasok ni Derida, walang makakaalam kung mayroon bang katotohanan.
Ano ba ito, sabi ni Pedro, na nakikinig sa mga pilosopo
Lalo pa ako sa kanilang sinasabi ay nalilito
Makauwi na nga sa aking pamilya at makapagpahinga
Dahil bukas dadalo pa ako sa isang malaking welga.