Ni George Tumaob Calaor
Dinadagundong na
ng kalunsuran
ang muling pagsibol
ng ipinunlang
mga butil—yumayabong na mga bulaklak
na ngayo’y libo-libong
namumukadkad.
Umaalingawngaw
ang lansangan
sa galit ng mamamayang
inuhaw sa katotohanan;
siniil sa karapatan,
ngayo’y sumisiklab,
umaalong lagablab—
sigwa ng katarungan
at kalayaan!
Hinihinga ng kagubatan
ang walang humpay
na nagsasalinlahing
lindero at prente
ng rebolusyong
panata ay tapusin
ang kasakiman.
Tanikala ng pagkaalipin
ay lubusang lagutin;
walang panginoong
nagdidiyos-diyosang
sasambahin!
Pader ng uri
ay lubusang
wawasakin—
KALAYAAN!








