Nagmamalinis at nagmamang-maangan ang Commission on Elections sa chorva nitong ang mga palyadong marker, SD card, vote counting machine at maging ang transparency server ang pangunahing dapat sisihin sa pinaka-palpak na automated elections nitong dekada.

Akala malamang nina Commissioner Rowena Guanzon na sa pamamagitan ng pagbabantang huwag nang bayaran ang mga supplier ng marker at SD card ay sa mga ito mababaling ang sisi sa mga kapalpakan noong Lunes.

Sa totoo lang, matagal nang palpak ang Comelec at kung sinuman ang nagdesisyong maaring kumandidato sa party list elections ang mga pekeng marhinalisado. (Sino-sino sila? Ito pa. At ito pa.) Walang kakibo-kibo ang mga opisyal ng Komisyon sa kawalanghiyaan ng mga nominado ng mga pekeng partylist. Kasabwat na silang malinaw nito sa panloloko sa taumbayan.

Wala ring halos narinig mula sa Comelec sa lantarang paglabag sa lahat ng panuntunan hinggil sa tamang paggasta sa eleksiyon, patalastas, paglalagay ng poster at maging sa mga sukat nito, pangunahin ng mga kandidato ng administrasyon. Bulag, bingi’t pipi sila o kasabwat na rin sila sa kawalanghiyaang naganap sa buong panahon ng kampanyahan at halalan.

Sa araw mismo ng halalan, hindi mabilang ang ulat ng vote-buying, pangangampanya sa mga presinto at iba pang porma ng dayaan. Sa Lanao del Sur, bugbugan at barilan pa rin ang uso. Maging ang pulisya at militar ay aktibo rin sa pangangampanya sa mga ayaw nilang manalo. Hindi rin kumikibo ang Comelec sa mga ito.

Paanong hindi iisiping kasabwat ang Comelec sa kawalanghiyaan sa halalan, samantalang hindi ito pumayag sa anumang panukala na ipakita nila ang source code ng automated election system. Hindi rin ito tumutugon sa rekwes ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na silipin ang programang ito kung nagtutugma ba ang mga numero sa main server at sa transparency server. Ano ba talaga ang nangyari sa pitong oras na patay ang transparency server? Kung walang itinatago, bakit hindi ipakita sa PPCRV, Namfrel, Kontra-Daya at iba pang poll watchdog?

Tatanggapin na lamang ba ng taumbayan na walang kasalanan ang mga opisyal ng Comelec sa lahat ng ito? Kapag sinabi ba ng mga komisyoner na tayo’y bulag na magtiwala at sila na ang bahala ay ayos na ang lahat? Ano ang gagawin ng Comelec sa malinaw na paglabag sa paggasta ng karamihan ng mga nangungunang kandidato sa pagka-senador at party list?

Tama naman si Komisyuner Guanzon na kaduda-duda na ang resulta ng halalan noong Lunes. Pero hindi ba dapat ang unang hinala ay sa
sa mga walanghiyang politiko at sa Comelec mismo? #