Posts

ITANONG MO KAY PROF: Podcast on the US war on terror (Part 1)

Panayam ng Kodao Productions kay Prof. Jose Maria Sison hinggil sa war on terror ng US.

February 17, 2015

1. Ano po ba ang ibig sabihin ng US war on terror?

JMS: Sa tinawag ng US na war on terror, sinasabi ng US na ito ay perpetual at borderless, walang hangganan sa panahon at teritoryo at walang depinidong estado na kalaban ng US. Basta ipinapalagay ng US na kalaban niya sa gera ang alinmang maliit na pulutong na sinasabing terorista sa anumang bahagi ng daigdig at ginagawang lisensiya ito para manghimasok ang US sa anumang bansa.

Ito ay pakunwaring gera at kathang isip lamang ng US na inumpisahan ni Bush magmula 9-11. Hindi gera ito na nakabatay sa depinisyon ng gera sa ilalim ng international law. Sa tunay na gera ng mga estado may deklarasyon ng gera mula sa isa o magkabilang panig o kaya sa isang gera sibil ng nakatayong estado at kilusang rebolusyonaryo may deklarasyon ng gera mula sa isa o magkabilang panig. Kung ang isang maliit na grupo ay gumawa ng krimen, tinutugis ito bilang isang police matter at hindi bilang isang matter of war sa pagitan ng mga hukbo.

ITANONG MO KAY PROF: Podcast on the senate hearing on the Mamasapano encounter (Part 3)

Panayam ng Kodao Productions kay Prof. Jose Maria Sison hinggil sa naganap na senate hearing tungkol sa Mamasapano encounter.

February 10, 2015

3. Mararamdaman ang galit at biased na kaagad na pagtingin ni Senator Alan Peter Cayetano laban sa MILF at BIFF at gusto pa niyang pag-awayin ang dalawang grupo para patunayan ang sinseridad sa usapang pangkapayapaan ng MILF sa pamahalaan. Sinabi rin niyang kinakanlong ng mga grupong ito si Marwan. Ano po ang inyong masasabi dito?

JMS: Malamang na sumasakay si Cayetano sa Christian chauvinism o sa mga ready-made bias laban sa mga Muslim. Pero kailangang magpaliwanag ang MILF at BIFF kung si Marwan ay kinukupkop nila. Sa personal na tingin ko, mahirap na sabihin na naroon si Marwan sa Mamasapano dahil walang corpus delicti o bangkay ni Marwan ngayon. At malamang na nagsisinungaling ang FBI tungkol sa DNA analysis para lamang tulungan nito ang propaganda ni Aquino.

Tanggap naman ng FBI na wala silang sample ng DNA ni Marwan mismo kundi ng mga supposed relatives niya. Sabi ng MNLF na nasa Lanao si Marwan at wala siya sa baryo ng Mamasapano na sinalakay ng SAF. Siyanga pala, bale sina Aquino, Purisima at SAF ang sumalakay sa baryo ng Mamasapano. Sabi pa ni Napeñas na SAF ang nagmasaker ng 250 katao sa Mamasapano. Paanong may kasalanan ang MILF. Hindi pwede.

ITANONG MO KAY PROF: Podcast on the senate hearing on the Mamasapano encounter (Part 2)

Panayam ng Kodao Productions kay Prof. Jose Maria Sison hinggil sa naganap na senate hearing tungkol sa Mamasapano encounter.

February 10, 2015

2. Parang maaabswelto pa yata si Purisima bilang operator ng
Oplan Exodus at madidiin ng husto si Napeñas. May komento po ba kayo sa bagay na ito?

JMS: Si General Napeñas talaga ang piniling maging fall guy para pagtakpan ang responsabilidad nina Purisima at Aquino. Pero nasabi na niya dati na si Purisima ang nasa command at calling the shots mula sa kanyang White House sa Camp Crame. Sabi rin niya sa Senado na si Purisima ang nagdala sa kanya kay Aquino sa Pangarap (house niya). Kalokohan talaga na pinalilitaw ng mga alipures ni Aquino sa Senado at media na walang pananagutan sina Aquino at Purisima.

(Photo/Gen.Purisima?Interaksyon.com)

ITANONG MO KAY PROF: Podcast on the senate hearing on the Mamasapano encounter

Panayam ng Kodao Productions kay Prof. Jose Maria Sison hinggil sa naganap na senate hearing tungkol sa Mamasapano encounter.

February 10, 2015

1. Sa senate hearing kanina, malaking pansin na wala sinuman sa
mga heneral ng PNP, SAF at AFP na nagtukoy na kasama nila sa operasyon sina President Noynoy Aquino at ang US, o kung ang mga ito ay may papel sa Mamasapano encounter. Ano po ang inyong pagtingin sa ganitong kaisipan ng mga kasundaluhan at kapulisan ng pamahalaan?

JMS: Ang US ang nagmamando kay Aquino mismo sa pinakamataas na antas. At si Aquino naman ay sadyang umakto sa labas ng chain of command ng PNP at AFP. Sapat na sa kanya na si Purisima at Napeñas ang inuutusan niya. Siya lang ang makakapagpakilos sa suspendidong PNP chief na Purisima at halos 400 kawal ng SAF nang walang pakialamanan ang PNP officer in charge na si General Espina.

Si Aquino at Ochoa ang madalas na may contact sa mga Amerikano na nasa Joint Staff. Nasa US drone command base sila sa Zamboanga City. Lantaran ang pakialam ng US sa Oplan Wolverine o Exodus. Binalak at ginawa ang oplan sa balangkas ng tinaguriang war on terror ng US. Ang US ang naghahabol kay Marwan at may alok pang malaking reward money. Merong US drone na nagsubaybay sa assault team. May Amerikanong namatay sa operation. At Evergreen helicopter ng CIA at mga American officers ay kitang kita sa retrato ng retrieval operation sa mga patay at sugatan ng SAF.

(Photo/Gen.Napenas/Interaksyon.com)

ITANONG MO KAY PROF: Podcast on people’s sentiments against Mamasapano operators

Panayam ng Kodao Productions kay Prof. Jose Maria Sison hinggil sa damdamin ng mamamayan sa Mamasapano encounter

February 6, 2015

1. Kagaya ng dapat asahan sa sinapit ng SAF 44, nahahati ngayon ang saloobin ng mga pamilya at kaibigan ng mga nasawi. Hindi pa rin malaman ng mga tao ano ang tunay na saloobin ng mga natira pang SAF commandos dahil nang humarap si Pnoy sa kanila ay wala man lang kumibo kahit isa. Ano ang inyong obserbasyon hinggil ditto?

JMS: Natural na galit ang mga kawal at opisyal ng SAF kay Aquino. Alam na alam nila na si Aquino at si Purisima ang nagbigay ng go-signal sa pagpasok ng SAF sa teritoryo ng MILF. Alam din nila na si Aquino ang nagbigay ng stand down order para hindi matulungan ng 315 SAF ang mga napalaban na 77 SAF.

2. Ano po ang inyong masasabi sa mga nananawagan na magbitiw na sa pwesto ang pangulo? Sa inyong pagtingin, gagawin po ba ito ni Noynoy?

JMS: May malakas na katwiran ang mga nagdedemanda ng resignation ni Aquino. Dapat managot siya sa mga krimen niya. Habang nagtatagal na presidente si Aquino, marami pang krimen ang magagawa niya, sa korupsyon at abusadong paggamit ng pwersang militar. Syempre, ayaw magresign si Aquino. Pero sapilitang magresign na siya kung napakalakas na ang mga kilos masa laban sa kanya. Posibleng mas gustuhin niya na magresign kaysa mapatalsik na basag ang ulo niya.

ITANONG MO KAY PROF: Podcast on Pnoy and Purisima’s role in the Mamasapano tragedy

Panayam ng Kodao Productions kay Prof. Jose Maria Sison hinggil sa papel nina Presidente Noynoy Aquino at General Alan Purisima sa Mamasapano tragedy.

1. Ano po sa inyong pagtingin ang krimen nina Aquino at Purisima
kung meron man, sa naganap na Mamasapano encounter? May pagtingin po kasi ang mga tao na sila ay magkaibigang matalik at mahihirapan na idiin ng isa ang isa sa kasalanan nito sa SAF 44.

JMS: Dahil lamang sa utos at tulak ng mga Amerikanong imperyalista, hindi na nakapag-isip nang matino si Aquino. Krimen ni Aquino na ginamit niyang planner at implementer ng Oplan Wolverine ang suspendidiong PNP chief na si Purisima. Krimen nilang dalawa na ipinahamak nila ang SAF dahil sa walang koordinasyon sa MILF, sa PNP central command, sa Army at sa Air Force. Isinubo nila ang mga biktima sa tiyak na kamatayan. Gugulatin mo ba ang mga waring tulog na may baril sa sarili nilang baryo? Tiyak na makikipagbarilan ang mga iyon.

2. Nagresign daw si Purisima sa serbisyo o sa pagiging PNP chief. Pero sinasabi naman niya na hindi siya nagkocommand at wala siyang kasalanan. Bakit po kaya siya nagresign kung wala siyang kasalaman?

JMS: Nagresign na si Purisima dahil naramdaman na niya ang galit ng bayan at isip din niya na sa pagresign titigil ang mga protesta ng masa at siya naman ay mababalik sa pwesto kung magtestigo ang mga kabig niya sa SAF na hindi siya nagcommand sa Oplan Wolverine kundi si Napeñas lamang. Si Aquino naman ay pakunwaring tumatanggap ng responsabilid dahil akala niyang paraan lamang ito para tumigil ang mga kilos protesta.

ITANONG MO KAY PROF: Podcast on Pnoy’s second national address (Last Part)

Panayan ng Kodao Productions kay Prof. Jose Maria Sison hinggil sa pangalawang pahayag sa publiko ni Presidente Noynoy Aquino tungkol sa Mamasapano tragedy.

Pebrero 6, 2015

4.Bahagi pa rin ng kanyang talumpati ang paniningil sa BIFF at
MILF na tila bagang ang mga ito ang dapat singilin sa sinapit ng SAF 44.
Ano po ang masasabi ninyo dito?

JMS: Ang unang singilin sa pagpapahamak sa mga namatay na SAF 44 at iba pang tao ay sina Aquino, Purisima at si Ochoa. Ang tatlong ito ang pinakaunang dahilan sa pagkamatay ng mga SAF. Sila ang managot kung bakit hindi sila gumawa muna ng konsultasyon at koordinasyon sa MILF. Hindi nangyari ang sagupaan sa Mamasapano kung iginalang nila ang ceasefire agreement sa MILF.

ITANONG MO KAY PROF: Podcast on Pnoy’s second national address (Part 2&3)

Panayan ng Kodao Productions kay Prof. Jose Maria Sison hinggil sa pangalawang pahayag sa publiko ni Presidente Noynoy Aquino tungkol sa Mamasapano tragedy.

Pebrero 6, 2015

2.Ibinahagi ni Noynoy ang mga kabutihan diumanong ginawa ni
Purisima sa kanilang pagsasama simulan pa noong siya ay congressman pa
lamang at parang sinasabi niya na masakit din na tanggapin ang resignation
nito sa tungkulin. Ano po ang opinyon ninyo sa bagay na ito?

JMS: Impertinente ang mga ganitong salita ni Aquino. Kahit magkasintahan pa sila ni Purisima hindi pertinente ito sa ginawa nilang krimen na pagpapahamak sa mga kawal ng SAF.

3.Binanggit din ni Aquino na estado na ang makakalaban ng sinumang
hahadlang sa ipagpapatuloy na operasyon ng paghahanap at pag-aresto kay
Usman kahit ito pa ay nasa lugar ng mga BIFF a MILF. Ano po kaya ang
implikasyon ng ganitong pahayag sa buong mamamayan?

JMS: Hindi ba sa ngalan ng estado ang paggamit at pagpapahamak ni Aquino sa mga pwersa ng SAF sa Mamasapano? Dati bang akala niya na naglaro lamang siya ng video game nang pinapasok niya ang SAF sa Mamasapano nang walang pahintulot at koordinasyon sa MILF. Sinagasaan niya ang BIFF at MILF at ipinahamak niya ang mga namatay na SAF.

ITANONG MO KAY PROF: Podcast on Pnoy’s second national address (Part 1)

Panayan ng Kodao Productions kay Prof. Jose Maria Sison hinggil sa pangalawang pahayag sa publiko ni Presidente Noynoy Aquino tungkol sa Mamasapano tragedy.

Pebrero 6, 2015

1. Ano po ang inyong masasabi sa pangkabuuan ng ipinahayag ngayong
gabi ni President Noynoy Aquino hinggil sa usapin pa rin ng Mamasapano
tragedy?

JMS: Hindi totoong tumatanggap ng responsabilidad si Noynoy sa unnecessary at unavoidable na pagkamatay ng 44 na kawal ng SAF at iba pang tao. Hindi niya tinatanggap nang maliwanag na sila ni Purisima sa mula’t sapul ang nagbigay ng go-signal sa Oplan Wolverine at nagsubo sa mga biktima sa kanilang kamatayan. Hindi rin niya tinatanggap na siya mismo ang nagbigay ng stand-down order na pumigil sa pagsaklolo ng 315 na SAF sa 77 SAF na napalaban. Pinigil din niya ang Army sa pagsaklolo sa mga naipit sa maisan.

Aroganteng idinidiin ni Aquino na siya ang Ama ng Bayan at responsabilidad niya na tulungan ang mga pamilya ng mga kawal ng SAF na pinatay habang siya ang presidente. Hindi niya tinatanggap na siya ang nagpahamak sa mga kawal niya. Inabswelto pa niya ang sarili at sinabing mananatili pa siyang presidente nang 17 buwan.

ITANONG MO KAY PROF: Podcast on Mamasapano encounter

Panayam ng Kodao Productions kay Prof. Jose Maria Sison hinggil sa madugong sagupaan sa pagitan ng SAF at MILF sa Mamasapano, Maguindanao noong January 25, 2015.

February 1, 2015

Ano ang inyong masasabi sa pahayag ng FBI na walang kinalaman ang US sa naganap na Mamasapano encounter?

JMS: Nasa katangian at papel ng FBI na magsinungaling tungkol sa covert operations o lihim na operasyon nito. Mahaba at malalim ang pakialam ng FBI sa proyekto na hulihin o patayin si Marwan at Usman. Nahahalata naman ito sa lantarang pagtanggap ng FBI na sila ang bahala sa reward money at sa DNA analysis. Pero may kinalaman din ang FBI sa pagsasanay sa Special Action Force, sa intelligence at pagsasagawa ng Oplan Wolverine.

May papel ang FBI sa porma ng bilateral police cooperation. Pero kasangkot din ang iba pang ahensya ng Amerikano,tulad ng US Army Special Forces. US Army facility ang GPS surveillance at real-time monitoring sa communications gadget na ipinain kay Marwan at mga aide niya. At malamang na si US Ambassador Goldberg o ang CIA station chief ang nag-utos kay Aquino.

Ayon sa mga tao sa baryong pinangyarihan ng sagupaan, may blue-eyed na Amerikanong sundalo na nakita nilang patay. At nakunan naman ng retrato ang Amerikanong sundalo mula sa Joint Staff Special Operations Task Force. Kasama sila sa pagtingin, pag-usisa at pagkuha sa mga bangkay ng mga sundalong SAF. Lumabas ang mga retrato sa mga peryodiko.