ITANONG MO KAY PROF: Podcast on the US war on terror (Part 1)
Panayam ng Kodao Productions kay Prof. Jose Maria Sison hinggil sa war on terror ng US.
February 17, 2015
1. Ano po ba ang ibig sabihin ng US war on terror?
JMS: Sa tinawag ng US na war on terror, sinasabi ng US na ito ay perpetual at borderless, walang hangganan sa panahon at teritoryo at walang depinidong estado na kalaban ng US. Basta ipinapalagay ng US na kalaban niya sa gera ang alinmang maliit na pulutong na sinasabing terorista sa anumang bahagi ng daigdig at ginagawang lisensiya ito para manghimasok ang US sa anumang bansa.
Ito ay pakunwaring gera at kathang isip lamang ng US na inumpisahan ni Bush magmula 9-11. Hindi gera ito na nakabatay sa depinisyon ng gera sa ilalim ng international law. Sa tunay na gera ng mga estado may deklarasyon ng gera mula sa isa o magkabilang panig o kaya sa isang gera sibil ng nakatayong estado at kilusang rebolusyonaryo may deklarasyon ng gera mula sa isa o magkabilang panig. Kung ang isang maliit na grupo ay gumawa ng krimen, tinutugis ito bilang isang police matter at hindi bilang isang matter of war sa pagitan ng mga hukbo.