Usapang siopao

Halagang P150 ang isang jumbo siopao ng Kowloon House, partikular ang sikat nitong jumbo pao, bola-bola, at pork asado. Kahit pa napabalitang magtataas ang kompansa ng P20 bawat piraso ng siopao dahil sa krisis dulot ng gerang imperyalista-zionista ng Estados Unidos at Israel kontra Iran, nananatiling anim na libong siopao at siomai ang naibebenta ng kompanya sa restoran nito sa West Avenue at sa 103 iba pang sangay sa buong bansa.

Sa kabila nito, P13 lamang ang alok ng Katipunan Food Services Incorporated (KFSI), kompanyang may-ari ng Kowloon House West, na arawang dagdag sahod sa mga manggagawa nito sa naudlot na collective bargaining agreement.

Hiling ng mga manggagawa ang P25 na pisong dagdag sa kanilang arawang sahod – patatak na P1,500 lamang kada buwan. Ayon sa unyon ng mga manggagawa ng Kowloon West, halagang bente singko sentimos lamang sa bawat isang siopao ang kanilang hiling na umento.

“Hindi yayaman ang mga may-ari ng Kowloon House kundi dahil sa produksiyon at lakas-paggawa ng mga manggagawa,” ani Bernard Dimaunahan, presidente ng Genuine Labor Organization of Workers in Hotel, Restaurant, and Allied Industries – KMU – Kowloon House West Chapter (GLOWHRAIN-KMU-KHWC).

Dahil sa pambabarat ng KFSI, nagsumite ang unyon ng notice of strike noong Marso 6. Hindi sumipot ang kompanya sa paghaharap na patawag ng Department of Labor and Employment noong Marso 12.

Ibayo ring nag-aalala ang mga empleyado noong sabihan sila ng KFSI na bawal na umano silang magdaos ng anumang aktibidad sa main branch sa West Avenue at naglagay na ng tarpaulin ng “Tri-Angle Bar & Billiards” sa lugar. Maaring ipagpalagay na ibebenta, ipapa-renta o ihahalo sa ibang negosyo ang restoran, imbes na harapin ang makipag-CBA sa unyon.

Hindi umano ibinibigay ng Kowloon West ang service charge na binabayaran ng mga kostumer sa mga manggagawa. (KMU infographic)

Sa gabi ng pagputok ng welga ng mga manggagawa ng Kowloon House, bandang alas dos ng madaling araw ng Hwebes, Abril 16, inilabas ng unyon ang isang bidyo ng isa sa may-ari ng KFSI na si Stephen Ng na sinisigawan ang mga nagwewelgang mga manggagawa. Itinumba pa nito ang isang bahagi ng kubol ng mga welgista, patunay kung paano itinuturing ng kompanya ang kanyang mga manggagawa.

Sa ganitong asal, at maging sa alok na P13 na dagdag na sahod, may pagka-“Hudas” nga ang kompanya, ayon sa tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno na si Jerome Adonis. Kaya makatwiran ang welga ng mga manggagawa ng Kowloon West, aniya.

Gaano man kasarap ang siopao, siomai at wanton noodles ng naturang restoran, mahirap lunukin na ang katas at sabaw na inihahain nito sa mga kostumer ay pawis at luha ng kanyang mga trabahante.

Hindi na muna ako bibili ng anuman sa aming kalapit na Kowloon House hanggang hindi nabibigyang katarungan ang mga manggagawa. #