Para kay Karen at Sherlyn
Ni Ma. Cristina Guevarra
(Ang may akda ay noon pang 2019 nagtapos sa kursong Library and Information Science sa Unibersidad ng Pilipinas. Si Giba Guevarra ay isang tagapatanggol ng karapatang tao. Itong sanaysay na ito ay ipinangako niya noon hinggil sa kanyang pagtatapos at ang papel ng mga desaperasido at kapwa ni Iskolar ng Bayan na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño. Ang dalawa ay dinukot ng mga sundalo ng Philippine Army sa ilalim ng kriminal na retiradong si Jovito Palparan noong Hunyo 26, 2006.)
Pababa na ang eroplano sa runway nang tanungin ko sa kasama ko, “Ano ang dadalhin ko sa makalawa? PPs (political prisoners) na lang?” Pagkatapos naisip ko, paano ko dadalhin iyong napakaraming placard?
Pero kailangang may dalhin ako, na partikular na panawagang HR (human rights). Kasi iyong mga mas bata, sigurado mayroon nang tungkol sa edukasyon, sa imperyalismo, sa pasistang rehimen, sa “Serve the People.”
“Dalhin mo sina Karen at Sherlyn, mga desap(arecido),” sagot ng kasama. Inasahan ko pa na sumang-ayon siya sa akin dahil asawa siya ng PP. Pero sabi niya, may ibang pagkakataon pa para itampok ang mga PPs. At natatangi ang araw na iyon – sa akin, sa kanilang dalawa, sa UP.
Kasabay ng pag-igtad ng eroplano, tumalon ang puso ko. “Hala, nakakaiyak naman iyon. Pero oo nga, ‘no!” Ilang araw lang bago iyon, June 26, inalala ang ika-13 taong pagkawala nila (ngayon ay ika-15 taon na). Tahimik ko silang inalala nang araw na iyon, samantalang nakikibalita sa tinakbo ng aktibidad sa UP. Tulad ng dati, nandoon ang dalawang nanay. Wala akong matandaang taon na pumalya sila sa mga aktibidad para umalala, at manawagan ng “Ilitaw!” at “Hustisya!”
Kinabukasan, nag-text ako sa dalawang nanay. “’Nay Coni (Empeño) at ‘Nay Linda (Cadapan), graduation po bukas sa UP. Magma-martsa po ako. Hihilingin ko po sana na kayo ang sumama sa akin. Para sa inyo ito at kina Karen at Sherlyn. Kaya lang umaga po ang graduation, 6am assembly. Kaya niyo po kaya makapunta, kung manggaling pa kayong malayo?”
Hindi sila nag-reply sa text. Nagsitawag sila. Anong oras daw, aalis sila ng hatinggabi, ng madaling araw. Doon na ika ko kami magkita sa Quezon Hall.
Alam ng maraming malapit na kaibigan kung gaano ako katagal “nagsikap” makatapos. “Nagsikap” dahil hindi naman miminsang binitiwan, binalikan, sinukuan, sinubukan ulit. Maraming dahilan at iba’t ibang sirkunstansya. Siguro, maraming aktibista na rin ang dumaan sa ganoon ding tunggalian sa sarili. Uunahin ko pa ba ang diploma, samantalang ang daming gawaing dapat gawin? Hahanapan ka ba ng masa ng transcript mo kapag nakipamuhay ka sa kanila?
Sa kabilang banda, hindi ko rin itatapon ang maraming natutunan sa maraming maraming klaseng pinasukan, ipinasa man o hindi. Mula sa unang kolehiyo sa Mass Communication, sa gusaling katanawan lang ng Oblation, hanggang sa munting kolehiyo sa ikatlong palapag ng Main Library (pero ikalimang palapag ang katumbas ng taas ng hagdan) kung saan naroon naman ang orihinal na rebulto ng Oblation. Dito sa huli, walang alinlangan akong kinanlong, ginabayan, tinuruan at itinawid (may diin sa huling salita) ng mga guro at mga kawani. Laluna, bukod sa marami ay halos kaedad ko na, ay katalakayan ko hindi lang kung LC ba o DDC, mga catalog at abstract, sa respect des fonds at provenance, records at archives, kundi pati na sa mga pinagka-kaabalahan sa mas malaking oras kapag hindi nila ako nakikita sa kolehiyo.
At dahil nga sa tagal, sa hindi pang-”honor and excellence” na academic record, naisip ko ring huwag nang dumalo sa graduation. Alanganin at mahihirapan din kasing dumalo ang mga kapamilya ko. Kahit na ang mga mahalagang tao sa akin na gusto ko sanang naroon ay hindi rin pwede. Sabi ko, iuuwi ko na lang ang mga katibayan at kwento – may graduation picture naman na ako, may hardbound thesis, at may mga katibayang papel.
Pero tumama nga rin sa akin, dadalo ako hindi lang bilang ako, bagay na laging itinuturo at pinapaalala sa mga aktibista – na hindi lang tayo ito, sa anumang bagay na sinasabi o ginagawa natin. Hindi ko pwedeng sayangin ang pagkakataong ito.
Bago ito, may college graduation nang idinaos ang kolehiyo namin. Biruan pa doon, huwag pa raw kaming pakasisiguro dahil baka ilang araw pagkatapos nito, may mga kulang pa kaming requirement. Ano pa nga ba, isa ako sa mga pinagpawisan ang dean namin na matagal na ngang kasama sa candidates for graduation, pero may hinahanap pa ring nawawalang grade sheet, class card (tapos walang online records!), kasama na ang tumbasan ng mga subject sa luma at bagong curriculum.
Pero noong bisperas ng university graduation, iba na ang pinag-uusapan namin. Sabi ko, kasama ko ang dalawang nanay ng dalawang nawawalang estudyante ng UP. Pakisabi naman kay Chancellor, para ma-recognize naman sila. Dala ko rin ang placard nila.
Nag-motor lang ako papunta ng UP kinaumagahan, kahit naka-bestida at may dala pang parang shopping bag kung saan nakalagay ang mga placard. Kasama ng mga placard ang nakatuping sablay na hiniram lang din. Nandoon na ang dalawang nanay, nagpapapasok na daw sa Amphitheater grounds. Naghahanap pa ng pass ang mga ushers, sabi ko wala, basta sila ang kasama ko. Mahigpit ang hawak ko sa mga placard, inaalala ko baka sitahin. Huling hirit ko na ito, papayag pa ba ako na makumpiska o ipagbawal ito?
Humahangos na ako papunta sa upuan sa linya ng kolehiyo namin: School of Library and Information Studies. Kumakaway ang college secretary namin, at may sinasabi pero di ko naiintindihan. Kumaway at ngumiti na lang din ako. Iyon pala, binanggit na ako ni Chancellor sa programa. At binanggit din ang dalawang nanay, at ang mga pangalan nila Karen at Sherlyn. May konting hiyawan akong narinig mula sa audience. Napangiti ako, kilala pa sila ng henerasyon ngayon ng mga estudyante.
Abala ako sa pagpupunas ng pawis (nakapulbos na nga lang, humulas pa), nang lapitan ako ng isang graduate din, “Ate, anong oras ang lightning rally?” Hindi ko alam, sabi ko. Basta may hudyat na lang iyan. Sa loob-loob ko, lokong bata ito, porke matanda ako dito mukha akong command? Natawa ako sa sarili, nakita nga kasi ang mga placard. Patuloy akong nakinig sa programa.
Ang sabi ko sa dalawang nanay, maupo na lang sa gilid kung nasaan ang mga magulang, kaanak. Hindi ko na rin alam saan sila pumwesto. Maya-maya, may sumigaw na ng “Iskolar ng bayan, ngayon ay lumalaban!” Tumayo na ako at mabilis na lumakad papunta sa harapan, bitbit ang mga placard – dalawang larawang nakangiti nila Karen at Sherlyn na may salitang “Ilitaw!” Napuno na ang harapan ng mga graduate na may mga bandila, placard, streamer. Natatangi ang litrato nilang dalawa.
Biglang sumulpot ang dalawang nanay, nakisigaw at nagtaas ng kamao kasama namin. May dala rin silang litrato nina Karen at She. Iyong kay Karen, iyong graduation picture niya na naka-tibak (aktibista) outfit. Sinimulan nang awitin ang UP Naming Mahal. Nagbara na ang lalamunan ko.
Pinalibutan ng mga batang graduate ang dalawang nanay pagkatapos umawit, maraming yumayakap, nagpapakuha ng litrato. Tuwang-tuwa ang mga magulang. Di nga raw sila nakatiis at tumakbo nang makita na may aksyon pala sa pagtatapos ng graduation. Bumati rin ng “congratulations” sa iba pang estudyanteng nagsipagtapos.
“Para na rin silang nag-graduate,” sabi ng dalawang masayang nanay sa akin. Walang kasing-tingkad ang sunflowers nang araw na iyon sa University Avenue, gayundin ang mga larawan nilang nakangiti.
Ika nga nila, may simula sa bawat pagtatapos. Dahil hindi natatapos ang mga paglabag sa karapatang pantao, at nananatiling makatwiran ang pakikibaka. Para sa mga hamon sa bawat araw na darating pa, dito tayo magsimula. #
Ang mga larawang ginamit ay kuha nina Ramon Ramirez at Efren Ricalde.