Video is one of Kodao’s core programs. Watch our newsreels, documentaries and livestreams here.

Protesta inilunsad sa pagsisimula ng oral arguments kontra terror law

Nagsama-sama ang iba’t-ibang grupo na tutol sa RA 11479 o ang Anti-Terrorism Act sa Padre Faura sa Maynila ilang oras bago simulan ang oral arguments nito sa Korte Suprema, Pebrero 2.

Kaugnay ito sa 37 petisyon kontra sa nasabing batas na ayon sa mga aktibista ang pinakamaraming petisyon sa kasaysaysan ng mga batas sa Pilipinas.

Mariin nilang tinututulan ang terror law at sinabi na malaking banta ito sa pagpapahayag ng mamamayan laluna sa paglaban ngayon sa tiraniya.

Muling pagsusulong ng Charter Change, mariing tinutulan

Nagtungo sa tarangkahan ng Batasang Pambansa ang iba’t-ibang grupo kahapon, Enero 13, upang tutulan ang muling tangka ng mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte na baguhin ang Saligang Batas.

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan, bukod sa economic provisions na nagreresulta sa 100% pagmamay-ari ng mga dayuhang korporasyon sa mga lupa at mahahalagang industriya sa bansa, nais din ng Charter Change o Cha-Cha na magkaroon ng term extension sa mga pulitiko mula kongresista hanggang kay Pangulong Duterte.

Mga progresibong grupo, naghain ng reklamo laban sa NTF-ELCAC

Nagtungo sa Office of the Ombudsman para maghain ng kasong administratibo at kriminal ang Altermidya Peoples’ Network, Bulatlat, Kodao Productions at Pinoy Weekly laban sa mga opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.

Ito ay hinggil sa red-tagging kamakailan ng NTF-ELCAC sa mga alternative media organizations. Naging resulta ito nang pag-aresto at pagkakulong nila Frenchie Mae Cumpio ng Eastern Vista noong Pebrero 2020 at Lady Ann Salem, editor ng Manila Today, na inaresto noong Disyembre 10 sa Mandaluyong City.

Ayon sa kanila, ang red-tagging ay nagdudulot ng panganib sa mamamahayag at sa malayang pamamahayag. # (Bidyo ni Joseph Cuevas/Kodao)

Paglaban sa terorismo ng estado, sigaw sa protesta sa Mendiola

Nagmartsa papuntang Mendiola sa Maynila ang libu-libong kasapi ng mga progresibong grupo bilang pagdiriwang sa ika-72 taong pandaigidigang araw para sa karapatang pantao.

Pangunahin nilang sigaw ang paglaban sa terorismo ng estado. Ayon sa Karapatan, sa ika-limang taong panunugkulan ni Pangulong Duterte ay lalong tumindi ang paglabag sa karapatang pantao at pinalala pa ito kamakailan ng red-tagging sa mga aktibista at human rights defenders.

(Bidyo nila Maricon Montajes, Jek Alcaraz at Joseph Cuevas/ Kodao)

Papanagutin si Duterte, sigaw ng mga manggagawa sa araw ni Bonifacio

Nagtipon sa University of the Philippines-Diliman ang mga manggagawa at iba pang sektor para gunitain ang ika-157 na kaarawan ni Gat Andres Bonifacio at ipapanawagan ang makatarungang sahod, trabaho, karapatan at kalayaan.

Nais din nilang papanagutin si Pangulong Rodrigo Duterte sa anila’y kriminal na kapabayaan sa taumbayan, laluna na sa panahon ng pandemya. Tinuligsa nila ang pang-aatake ng gobyernong Duterte sa mga manggagawa tulad ng ilegal na pag-aresto, pagpatay at red-tagging. (Bidyo ni Joseph Cuevas/Kodao)

Academic Break, hiling ng mga mag-aaral sa buong bansa

Nagsagawa ng student strike ang mga grupo ng mag-aaral mula sa iba’t-ibang unibersidad at kolehiyo sa Gate 2 ng Ateneo De Manila University sa Katipunan, Quezon City bilang bahagi ng International Students Day, Nobyembre 17, 2020.

Pangunahin nilang hiling na magkaroon ng national academic break dahil sa sunud-sunod na sakuna na dumaan sa bansa gayundin ang mga pahirap na sistema sa online classes. Ang academic break, ayon sa kanila, ay maagang deklarasyon ng pagtatapos ng semestre at mass promotion ng mga estudyante.

Binatikos din nila ang Pangulong Duterte dahil sa kriminal na kapabayaan nito na tugunan ang pandemya, edukasyon at sakuna. # (Bidyo ni Joseph Cuevas/Kodao)

‘Day of Defiance’ ng magsasaka sa Mendiola, naningil kay Duterte

Pinangunahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang unang kilos protesta sa Mendiola simula ng pandemyang coronavirus bilang ‘Day of defiance’ sa Buwan ng Magsasaka noong Oktubre 21, 2020.

Isang ‘Hukumang Magbubukid’ ang kanilang isinagawa kung saan hinatulan nilang “guilty” si Duterte dahil sa anila’y kriminal na kapabayaan at pasismo. Kinondena nila ang Rice Tarrification Law at pagpaslang sa halos 300 mga magsasaka sa ilalim ng administrasyong Duterte. (Bidyo ni Joseph Cuevas/Kodao)

Kalagayan ng mga magsasaka dahil sa Rice Tariffication Law at panahon ng pandemya

Inilahad ni Ariel ‘Ayik’ Casilao, Anakpawis vice chairman, ang kalagayan ng mga magsasaka sa panahon ng pandemya at perwisyo dulot ng Rice Tariffication Law.

Hiling ng mga magsasaka na ibasura ang Rice Tariffication Law dahil ito ang itinuturo nilang pasakit sa kanilang magsasaka at ang dahilan ng mababang presyo ng palay sa bansa.

Hustisya, ipinanawagan para sa yumaong sanggol ng isang detenidong pulitikal

Hustisya ang panawagan ng iba’t ibang progresibong grupo para sa tatlong-buwang sanggol na si Baby River Emmanuelle na namatay dahil sa sakit na pnuemonia noong October 9. Ang sanggol ay inihiwalay sa kanyang ina na si Reina Mae Nasino , isang detenidong pulitikal, isang buwan pa lamang ng ito ay ipanganak.

Matatandaan na Abril pa lamang ay hinihiling na ng grupong Kapatid na palayain na si Nasino dahil ito ay nagdadalan-tao. Subalit hindi ito pinaboran ng korte. At nang ipanganak ang sanggol ay humiling naman sila ng isang taong pagsasama ng mag ina upang maalagaan ng husto at mapa-suso ito dahil sa mahinang pangangatawan ng bata.

Nagtipon at nagsagawa ng indignation rally ang iba’t ibang progresibong grupo sa Commission of Human Rights ngayong araw, Oktubre 14, upang ipanawagan ang hustisya para kay Baby River at upang kundenahin ang naging hakbang ng BJMP-Manila sa pagpapaikli ng oras ng dalaw ni Reina Mae Nasino sa lamay ng kanyang anak.

Indignation rally, isinagawa matapos ang pagpanaw ni Baby River

Pumanaw noong gabi ng Biyernes, Oktubre 9, ang tatlong buwang gulang na anak ng bilanggong pulitikal na si Reina Mae Nasino dahil sa matinding kumplikasyon sa baga. Wala pang dalawang buwan nang inilayo ang sanggol na si River sa kanyang ina dahil sa gawa-gawang kaso.

Tinanggihan ng Korte Suprema ang petisyon ni Nasino na hayaang siyang alagaan ang anak sa piitan kahit isang taon lamang. Makailang-ulit na nag-apila ang mga abogado ni Nasino upang pansamantalang makalaya hanggang pumanaw na ang sanggol. Ang pagkakasakit ng sanggol ay dahil sa hindi ito napasuso ng ina na nagdulot ng mahinang pangangatawan nito.

Nagsagawa ang mga progresibong grupo, sa pangunguna ng BAYAN-Metro Manila ng indignation rally noong Sabado, Oktubre 10, sa Maynila. Ipinanawagan ng mga grupo ang hustisya para kay Baby River at pansamantalang pagpapalaya kay Reina bago ilibing ang anak. Kasama rin sa kanilang panawagan ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal at pagpapanagot sa gubyernong Rodrigo Duterte sa kaliwa’t kanang mga gawa-gawang kaso at paghuli sa mga aktibista nito.