‘Kung hindi para sa binubusalan, bakit pa?’

KODAO: Bidyong ‘River of Tears and Rage’, walang pagtatanging pagkampi sa inaapi.

Muling inilunsad at kasalukuyang isinasagawa ang Gawad Alternatibo ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (o Cultural Center of the Philippines) dalawang taon simula nang mag-umpisa ang pandemya ng COVID 19. Ngayon ang ika-34 na taon ng kompetisyon.

Isinagawa ito sa paglalabas ng sampung finalist ng Documentary Section ng patimpalak sa Tanghalang Manuel Conde ng CCP noong Sabado, ika-anim ng Agosto.

Ang mga kinatawan ng siyam sa sampung finalist ng Documentary Section ng Gawad Alternatibo ng CCP, kasama si Marites Nasino, ang ina ng paksa ng bidyong River of Tears and Rage ng Kodao. (Larawan ng CCP)

Huling ipinalabas ang mga bidyong “Bayi: Stories of Women Human Rights Defenders” ng Tanggol Bayi at Karapatan at “River of Tears and Rage” ng Kodao Productions bago ang talkback ng alas sais ng gabi.

Dumalo rin sa palabas si Aling Marites Nasino, nanay ng detenidong politikal na si Reina Mae, ang paksa ng bidyong “River of Tears and Rage.”

Apat sa sampung finalist ang gawa ng mga kagawad ng Altermidya Network, kabilang ang dalawa mula sa MayDay Productions na “Palengke Day” at “See Us Come Together.”

Sa talkback, sinabi ni Raymund Villanueva, writer-producer ng “River”, responsibilidad ng filmmaker na maging tinig ng mga binubusalan, “dahil kundi para sa mahihirap at api, para saan ang ating sining?”

“May mga kasamaan sa ating lipunan. Umaabot tayo sa punto na kailangang mamili ng artista kung hahayaan na lang ba niya ang mga ito o yakapin kung ano ang tama at nararapat,” ani Villanueva.

Dagdag niya, ang bidyong “River” ay buong-buong pagkampi kina Reina Mae at ang kanyang namatay na sanggol laban sa kawalanghiyaang ginawa ng Estado sa mag-ina. “Walang kailangang pang ipaliwanag ang aming bidyo sa anyo at tema nito,” ayon kay Villanueva.

Ang “River of Tears and Rage”ay nauna nang nanalo ng “Best Short Documentary” sa ika-2 Dokyu Awards ng Society of Filipino Film Reviewers sa Marso nitong taon.

Ang bidyo ay naka-sentro sa coverage ng buong team ng Kodao sa araw libing ng sanggol na si River Emmanuel Nasino at ang kahindik-hindik na ginawa ng pulisya at mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology. Ang kalakhan ng mga footage ay kuha nina Sanaf Marcelo, Jek Alcaraz, Jola Mamangun, Joseph Cuevas at iba pa sa Altermidya Network. Katuwang naman sa produksiyon nito sina Jo Maline Mamangun, Karlo Francisco, Reggie Mamangun, at Luis Clarin.

Si Jhoc Jacob ang nag-alay ng musical scoring.

Ang pelikula ay idinirihe ni Maricon Montajes.

Si Villanueva ng Kodao, ang writer-producer ng River of Tears and Rage. (Jek Alcaraz)

Ang Gawad Alternatibo ang pinaka-matandang independent film competition sa buong Timog-Silangang Asya. Isinabay ito sa Cinemalaya ngayong taon, ang kapatid nitong filmfest.

Muling mapapanood ang lahat ng sampung finalist sa ika-13 ng Agosto ng hapon sa Tanghalang Manuel Conde ng CCP bago ang awarding ceremony ng nanalo ng alas sais ng gabi. #