Koyang

Ni Ibarra Banaag

Binhi na ano’t minimithi ng marami,

bukal marahil ng dunong sa nagdidildil,

tulad ng marahang agos ng tubig,

tumatawid at gumagabay sa mithi.

Ilang tsinelas na kaya ang napudpod,

Sa ‘yong pagtahak sa bawat gulod,

ilang bagpak na ba ang pinalitan,

na galak at lugod mong pinasan.

Alinmang pangalan ang alam ng masa,

may taglay na kulay, natatanging husay,

ang namuong luha na pilit pumatak,

humipo, umantig sa dusa at galak.

Singtalas ng lawin ang iyong panuri,

singtigas ng butil ang dalang hangarin,

na kapag sinaboy sa hawan at parang,

yayabong sa isip at puso ng bayan.

Naumit man nila ang iyong hininga,

napilas man ng bala ang parte ng laman,

may isang bahagi na hindi namatay,

ang mayamang laman ng dalang sisidlan.