Kwento ng panghaharang, kwento ng tagumpay

Ni Obet de Castro / Bagong Alyansang Makabayan

Marahil ay hindi nabalitaan ng karamihan ang ilang tangka na pigilan ang rally sa Luneta, kung hindi man ay lumikha ng takot sa mga dadalo, mula sa mga araw ng paghahanda hanggang sa araw mismo ng September 21.

Larawan ni Nuel M. Bacarra/Kodao
  1. Maaga pa lamang ay pumwesto na ang PNP (Philippine National Police) sa gitna ng kalsada ng Roxas Boulevard kung saan magtitipon ang mga tao at magtatayo ng entablado. Naiulat na ilang riders at bikers mula sa iba’t – ibang lugar na maaagang dumating ang pinigilan makapasok sa KM 0.
  2. Malaon ay lumipat ang pulisya sa bangketa sa panig ng monument ni Rizal. Ito ay marahil upang i-buslo ang mga tao sa kalsada lamang at hindi na umabot sa liwasan mismo. Nakasara rin ang tarangkahang bakal sa Burnham Green, ang damuhang itaas na bahagi ng Kalabaw at Tamaraw. Sa totoo lang, kahit sa BP 880 o Public Assembly Act ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. (na pinaiiral pa hanggang ngayong rehimen ni Ferdinand MarcosJr.), dapat ay malayo ang mga pulis sa mga rally.
  3. Nilagyan ng orange barrier at isinara ang Finance Roadd mula Taft Ave., gayundin ang kalsada sa Children’s Museum at Manila Hotel papuntang Independence Road sa harap ng Quirino Grandstand kung saan unang sinabi na paradahan ng mga sasakyan ng mga dadalo.
  4. Bandang 8:45 ng umaga, dumating sa panulukan ng Burgos St. at Roxas Blvd. ang unahan ng martsa mula sa BAYAN – Bagong Alyansang Makabayan at grupong Tama Na na galing sa T.M Kalaw. Nakaharang ang mga tauhan Philippine Coast Guard sa gitna ng kalsada papasok sa Kalabaw side ng Roxas Blvd. habang nakabukas naman ang kaliwang bahagi ng kalsada sa Rizal Park side. Wari’y nais ipahiwatig na isang side lang ng Roxas Blvd. ang pwedeng gamitin. Sila ang nais magtakda at dapat sundin ng mga dadalong mamamayang nagpupuyos na sa kabulukan ng pamahalaan.
  5. May designasyon ang pwesto sa kalsada at bangketa para sa lahat ng dadalo upang maging maayos na makapanood at makapakinig. Kahit riders, bikers, vendors, first aid at medic, o sinuman. Pinakipot ang espasyo. Ipinilit ang kanilang nais mangyari. Nilimitahan ang pagkilos. Hindi lamang daliri ang gusto, kundi pati ang kamay, braso, at kabuuan na.
  6. Organisadong umabante ang martsa ng BAYAN patungo sa kanang bahagi (Kalabaw side) ng Roxas Blvd. Subalit ayaw umalis ng Coast Guard sa kanilang panghaharang kahit pinakiusapan. Subalit hindi nila kaya ang solido at makapal na martsa. Napilitang silang umatras. May ilang nagtangkang magmatigas na pumigil, subalit hindi sila nanaig sa taumbayan. Masayang sinalubong ng palakpakan ng mga tao sa kalsada at bangketa ang pagpasok ng halos 25,000 katao na pinangungunahan ng mga kabataan mula sa iba’t – ibang unibersidad. Umaalingawngaw ang sabayang sigaw, “Ikulong na yan, mga kurakot!”
  7. Nakarating ang unahan ng bulto ng BAYAN malapit sa harap ng entablado. Mula sa likod ng entablado ay dumaan sa Rizal Park side na kalsada. Maraming pang tao sa likod at tagiliran ng entablado. Patungo sa Burgos St. ay matatanaw ang mga nakatayong kabataan mula sa PUP. Agad na napansin ang nakataas na streamer na may nakasulat na Kabataang Makabayan. Wow! Nilapitan at pai-naabante kung saan mayroon pang espasyo.
  8. Pagdating sa panulukan ng Roxas Blvd. at Burgos Ave. ay nagulat kami. Marami pa ang nasa dulo. Matatanaw na nasa ikalawang stop light pa sa bahagi ng Maria Orosa St. ang dulo. Marami pa ang hindi makakapasok sa Roxas Blvd.
  9. Saka dumugtong ang martsa mula sa T.M Kalaw. Mga istudyante, guro, kawani at manininda mula UP Diliman. Pumwesto sila sa kabilang kalsada sa likod ng entablado.
  10. Bandang alas onse, hindi na makakilos ang mga pulis na humarang sa bangketa sa harap ng Rizal Park. Puno ng tao ang harap at kanilang likuran maging ang dalawang daan sa gilid ng Monumento ni Rizal. Ang lahat ay namangha. Ito ang oras na umabot na sa 100,000 mamamayan, kalakhan ay kabataan, ang dumalo sa #BahaSaLuneta.
Mga mag-aaral ng St. Scholastica’s College-Manila na nag-martsa sa Kalaw Avenue upang dumugtong sa bulto. (Larawan ni Nuel M. Bacarra/Kodao)

Sa totoo lang, hindi binigyan at ayaw bigyan ng permit ang rally sa Luneta. Nagsikap ang mga organisador na tupdin ang mga rekisito at makipag-ugnayan sa mga otoridad mula simula hanggang bisperas. Subalit habang sinasabi sa napapadalas presscon ng PNP, Department of Interior at Local Government at Malacanang na hindi pipigilan ang mga protesta, sasabayan naman nila ng bantang “No permit, no rally.” Ang kanilang nais, sa tinutuligsang bulok na pamahalaan manggagaling ang permiso upang makapag-protesta.

Pero wala silang nagawa. Nagkaisa ang maraming mamamayan na lalahok sa rally sa Luneta hanggang Mendiola, with or without permit.

Tagumpay ang #BahaSaLuneta, ang sama-samang aksyon ng mamamayan laban sa mga korap at bulok na sistema. Mula rito, tulad ng tubig at agos, hindi mapipigil ang galit na mamamayan. Hahanap ito ng daan, lilikha ng mga bagong daluyan. Magtitipon, magpapanagpo hanggang maging sapa, ilog at malawak na dagat ng nagtitipong mga along lilikha ng malalaking daluyong ng nagngangalit na taumbayan. #

Mga manggagawang kasapi ng Kilusang Mayo Uno na nagmartsa patungong Luneta. (Larawan ni Nuel M. Bacarra/Kodao)