UMAGA MATAPOS ANG HALALAN

Ni Raymund B. Villanueva

Umaga matapos ang halalan

Ay bumangon upang maghatid

Sa manggagawang may pasok.

Kape ang tuluyang gumising mula sa tila bangungot

Na balita sa resulta ng botohan.

Dumaan sa UP upang makapaglakad-lakad

Ang sintang asong naiwan noong kami ay bumoto.

Pag-uwi ay inaalo-alo ang kabiyak na umiiyak:

“Anim na taon na namang ganito.”

Sa radyo, kasunod ng pangalan ng mga nanalo

Ay anunsiyo ng pagtataas na naman ng presyo

Ng gasolina’t krudo, apat na piso kada litro

At bayad sa mga ekspreswey.

Sa daan ay nakita ang laksa-laksang tao

Nakapila ng pagkahaba-haba, buong tiyaga

Naghihintay ng masasakyan—walang ibang mapaghahambingan—

Patungo sa katayan.

“Ayoko na!” bulalas ng isang kabataan sa social media.

“Nais pa ng pamilyang magpatuloy ako ng pag-aaral.

Para saan pa, lahat naman sila

Sa magnanakaw ang balota?”

Sa anibersaryo ng pagpaslang kay Bonifacio

Ang reyalidad, parang sumikat na araw

Mainit, nakakapaso’t walang pakundangan

Umaga matapos ang halalan.

–11:30 ng umaga

10 Mayo 2022

Lungsod Quezon