Paurong na Gulong ng Hustisya

Ni Nuel M. Bacarra

Hindi biro ang mabilanggo, laluna’t ang mga ebidensyang itinambak sa iyo ay itinanim lamang. Malalaman mo na lamang na may mga kaso ka sa mga lugar na hindi mo pa nararating. Magugulat ka at bubulagain ka na lamang ng santambak na kaso ng pagpatay, tangkang pagpatay, iligal na pagkakaroon ng mga eksplosibo tulad ng granada at iba’t ibang uri ng baril at iba pa na puro nilambang na kaso.

Ang inaasahan mong pagdinig sa kaso mo ay hindi minsan matutuloy dahil wala ang piskal, nasa kumperensya ang huwes, hindi nakatugon ang prosekusyon sa mga dokumentong kailangang isumite sa korte at marami pang ibang kadahilanan. Karaniwang eksena ito korte at pag-antala sa proseso. Kung madalas ang ganito, mapapaisip ka na lamang na sinsadya ito para patagalin ang kaso at, siyempre, bimbin ka sa kulungan na siyang tunay na layunin ng mga gawa-gawang kaso.

Marami ang ganitong kalagayan ng mga bilanggong pulitikal. Karaniwan kumbaga. Isang larawan kung anong uri ang sistema ng hustisya sa bansa.

Mula sa bilangguan

May sulat na nakarating sa akin kamakailan na idinaan sa social media para sa mga kapamilya at kaibigan na ang petsa ay Aril 11. Malamang nagpasalin-salin kaya tumagal at digitized form na ito. Mula ito kay Fe Serrano, 67, bilanggong pulitikal na kasalukuyang nakapiit sa San Jose District Jail (SJDJ) sa Occidental Mindoro dahil sa maraming gawa-gawang kaso. Sulat itong ginawa sa eksaktong dalawang taon niya sa kulungan.

Ayon sa kanya, pinalalakas at pinatatatag siya ng suporta mula sa kanyang pamilya, mga abogado niya, ng mga tagapagtanggol at tagapagtaguyod ng karapatang-tao, ng mga hermanos at hermanas niya sa Sarongbanggi (isang sosyo-kultural na asosasyon ng mga Bikolano sa UPLB), mga kaibigan at ng mga kasama. Higit sa lahat, ng mga alaala na kanyang pumanaw na asawa at kasama na si Eduardo “Eddik” Serrano na dati ring bilanggong pulitikal.

Mula Camp Vicente Lim sa Laguna, Taguig City Jail female dorm sa Camp Bagong Diwa hanggang SJDJ, kinaya at kinakaya niya ang mga hamon ng pisikal at mental na kahirapan ng panghaharas, siksikan at umaapaw na mga bilangguan at pagkawalay nang matagal sa pamilya.

Mismong si Associate Justice Marvic Leonen ng Korte Suprema na ang nagsabi na kailangang harapin ang malaki at inugatan nang problema ng mga siksikang kulungan sa bansa.

Nakisalamuha siya sa mga bilanggo, pulitikal man o hindi, na karamihan ay biktima ng iligal na pag-aresto. Nakinig siya sa mga kwento ng pakikibaka sa buhay, ng ngitngit, ng pagmamahal, ng mga daing at ng pag-asa sa buhay at ng paglaya. Lahat sila ay naghahangad ng katarungan.

Pinangingibabawan niya ang pagkainip sampu ng mga kasama niya sa bilangguan habang pinatatag ang sarili sa mga pagsubok dulot ng pagkakakulong. Hindi niya kinaligtaan ang magbahagi ng karanasan at tumulong kahit sa pamamagitan ng pagmumulat at pagbabahagi ng kaalaman sa kapwa niya bilanggo.

Kaisa rin siya sa humigit-kumulang na 800 bilanggong pulitikal sa bansa na nananawagan ng pagpapawalambisa sa Anti-Terror Act of 2020. Aniya, gaano man katagal ang pakikibakang ito, alam niyang hindi siya nag-iisa sa labang ito.

Larawan ni N. Bacarra/Kodao

Tunguhin

Isa si Fe Serrano sa mga bilanggong pulitikal na nahaharap sa santambak na kaso. May nakasampang 34 na kaso laban sa kanya sa pitong (7) Regional Trial Courts sa Mindoro. Sa dalawang taon niya sa kulungan, napawalang-sala siya sa lima (5) pa lamang na kaso.

Ayon sa grupong Karapatan noong Mayo 7, mayroong 73 kinasuhan ng paglabag sa Anti-Terror Act o R.A. 11479 at ng kakambal nitong batas na Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 o R.A. 10168. Isa si Serrano na may kaso ng diumanong paglabag sa R.A. 11479.

Kung susundan ang tantos ng pagbasura sa kaso ni Serrano, lalabas na aabot pa ng sampung taon ang itatagal niya sa kulungan para matapos ang 29 pang kaso. Ibig sabihin, sa edad na 77 pa niya makakamtan ang kanyang kalayaan. Pero kwentada ito sa positibong sapantaha na madulas ang gulong ng mga kaso. Subalit hindi ganito ang kalakaran ng hustisya sa usapin ng mga bilanggong pulitikal maging ng mga karaniwang detenido. Kabaligtaran nito ng gulong ng hustisya sa bansa.

Kahit sabihin pang nagpapakatatag ang mga bilanggong pulitikal para lumaban, ramdam nila ang lupit ng estado sa usapin ng pagpapatagal ng mga kaso laluna yaong may mga gawa-gawang kaso ng diumanong paglabag sa Anti-Terror Act.

Naka-monitor ang Anti-Terror Council sa mga iskedyul ng pagdinig ng korte ng isang detenido na may kasong terorismo. Matamang sinusubaybayan ito at halatang-halata na interesado ito sa dalawang bagay: siguruhin ang hatol na guilty ang nasasakdal o gawin ang lahat ng pamamaraan para patagalin ang pagdinig o hearing.

May kaso noong isang taon na ipinilit ang plea bargaining agreement sa cashier ng Rural Missionaries of the Philippines na si Angelie Magdua na akusado ng terrorism financing na paglabag sa R.A 10168. Sa ganitong maniobra, hindi na kakailanganin ang pagdinig sa kaso. Nahaharap si Magdua sa 55 kaso. Kung ganito karami ang kaso, isang katiyakan na sa bilangguan ka na maghihintay ng kamatayan. Anumang sirkunstansya ang kinalagyan ni Magdua, matingkad ang pagpilipit na maniobra sa kasong ito.

Magkakalkal o mag-iimbento ng kaso ang mga “nagpapatupad ng batas” gamit ang mga testigong “surrenderee” para makasuhan ang mga target na organisasyon, indibidwal, aktibista man, karaniwang mamamayan laluna sa mga rebolusyonaryo. Mukha ito ng sistemang paurong ng batas sa bansa.

Pagkasangkapan ito sa batas para “nyutralisahin” ang mga kinakategoryang kaaway ng estado. At sa lenggwahe ng mga armadong pwersa ng gubyerno sa terminong ito, maaaring ipakahulugan ito sa simpleng pagbilanggo o pagpatay.

Sa loob at labas ng piitan

Sa mga tulad ni Fe Serrano, ang malalang kundisyon sa kulungan na nagdudulot ng di makataong pagkakait ng mga saligang pangangailangan at karapatan ay mga bagay na dapat labanan at iparating sa madla. Subalit mas mahalaga pa rito ay ang pagpapakatatag ng sarili para isulong ang kagalingan ng mga bilanggo.

Sa isang banda, malaking bagay ang suporta ng mga kamag-anak, kaibigan at kasama para sa kanila. Ito ang magpapaypay sa apoy ng paglaban nila sa panloob na kontradiksyon sa sarili at sa obhetibong kalagayan ng mga bilangguan.

May isang antas na ng pagkalantad ang kabuktutan ng anti-terror at terrorism financing na kampanya ng estado sa loob at labas ng bansa. Sa katatapos na pagdinig ng International People’s Tribunal sa Brussels noong nakaraang buwan, idineklarang guilty sina Duterte, Marcos Jr. at si Biden na presidente ng US sa usapin ng lansakang paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makatong batas. Dagdag pa rito ang desisyon ng Korte Suprema na banta sa buhay, kalayaan at seguridad ang red-tagging.

Ang usapin ng pagkakaroon ng mga bilanggong pulitikal ay salamin ng di istableng kundisyong pulitikal ng bansa. Kahit anong tanggi ng gubyerno, paparami ang bilang na ito. Kaya ang programa para kontrahin ang kalagayang ito ay ang paglulunsad ng mga “kontra-insurhensya” kampanyang militar. Itinuturing ang mga naglulunsad ng rebolusyonaryong pagbabago, bilang simpleng isporadikong rebeldeng lagalag o mga insurekto na ang naghahasik lamang ng panggugulo sa bansa. Itinatanggi ang pagiging organisado nito, may programang isinusulong, may perspektiba, at sumusunod sa mga alituntunin ng digma na itinatakda ng United Nations mismo at iba pang mga internasyunal na kasunduan hinggil sa digma.

Marami pa ang tulad ni Fe Serrano na dumaranas ng pagdurusa dahil sa paghahangad ng pagbabago ng lipunan. Sa ganito ring konstekto kung bakit mga simpleng kasong kriminal ang ipinupukol sa mga bilanggong pulitikal. Kapag nalitis ang isang kasong pulitikal at pabor ang desisyon ng korte sa mga bilanggong pulitikal, magiging bahagi ito ng siyensya at pilosopiya ng batas na higit na magpapaalab sa paglaban ng mamamayan. #