Ni Adora Faye de Vera
Gabi’y pinadidilim kahit laksa-laksa ang tala
Malamig na hanging-umaga ay halos di na makapanariwa
Awit ng ibon wari’y dinadaig ng daing at dalamhati
At sa dinaraanang bulaklaka’y masamang damo ang nakapangyayari
Nakalambong ang tiraniya ng uring naghahari.
Kaya’t SILA’y nagpunyagi.
SILA’y nagsikap abutin ang talang maliwanag
Nakiawit sa mga ibon, humalik sa mga bulaklak
SILA’y nakapanariwa sa hangin ng pakikibaka
Sa piling ng manggagawa, sa piling ng magsasaka
SILA na ating isinilang, inaruga, minahal
SILA ang dinurog ang bungo, sa pamilya iwinalay
Katawang lupa’y ginutay-gutay, pinaslang, hinalay
SILA na sumuong sa dilim nang demokrasya’y mabuhay
Hindi natin sila bibiguin.
Kapag ang daloy ng ating luha ay sumanib,
naging rumaragasang baha na aanod
sa lahi ng uring mapagsamantala,
SILA ay hindi nawala.
Kapag bawat butil ng ating pawis
ay itinanim sa lupang iniibig
upang sumibol ang malayang daigdig
SILA ay hindi nalupig.
Kapag bawat patak ng kanilang dugo
ay pahintulutan nating maging libong punglo
na tutugis, sisingil sa mga berdugo
SILA ay hindi nabigo.
Bawat butil ng kanilang alala, pawis, luha at dugo
ay magiging bukal ng makatarungang pagbabago
at TAYO ay di mabibigo.
Hindi Tayo Mabibigo.
—————-
Tulang binigkas sa ikatlong pangkalahatang assembleya ng HUSTISYA (Pagkakaisa ng mga Biktima para sa Hustisya) noong Oktubre 05, 2024







