Ni Pia Montalban

 

 

Walang gera sa Bitnong.

Payapa sa amin

sa Sitio Keon, Bitnong

Dupax Del Norte.

 

Payapa ang mga burol

at talampas,

ang mga talon, sapa,

at ilog.

 

Laging buntis

ang lupa.

Hitik ang supling

na rambutan.

 

May mga guyabano din,

lanzones,

at iba pang pagkain

na pinagkakakitaan din.

 

Ngunit umakyat

ang mga nakaasul at kamoplahe,

may bullet-proof vest,

may mahahabang armas,

 

may helmet,

may bakal panangga,

at may “order”

na mang-aresto.

 

Walang gera sa Bitnong.

Payapang mga magsasaka’t

katutubo ang mga tao

sa Sitio Keon.

 

Oo, laging bagong hasa

ang aming kampilan.

At ang aming mga itak

laging nakatali sa balakang.

 

Ngunit ito ay mga gamit

pang-bukid

at hindi armas pandigma

ng dayuhang bansa.

 

Payapa ang hangarin

ng mga magsasaka’t katutubo.

Bungkalin ang lupa.

Maghatid ng pagkain sa ating lamesa.

 

Ngunit, marahas pa sa gera

ang utos ng korte:

ipamina ang lupang ipinamana,

oo, ipamina ang lupang ipinamana.

 

Palayasin ang mga magsasaka.

Itaboy ang mga katutubo.

Wasakin ang kalikasan.

Wasakin ang kabuhayan.

 

Walang gera sa Bitnong.

Pero buwal ang mga puno

sa chainsaw na walang permiso.

Arestado ang pitong tao.

 

Habang protektado

ng halos tatlong daang pulis,

ang pagpasok ng makina

ng dayuhang korporasyon.