Ni Ibarra Banaag
Kakaiba ang iniwan niyang yapak,
Naiiba ang ipinamalas niyang gawa,
Nakakabilib ang itinuro niyang buhay,
Na nilakaran niya ng buong tiwala.
Niyakap niyang lahat ng walang ‘tinatangi,
Sinikap na manaig ang mabuti sa atin
Sa kanya ang kapayapaan ay pangunahin,
Ang giyera ay isang landas na mapanganib.
Ang mga bata ay bintana ng kamusmusan,
Na kung mga lider ay siyang pamamarisan,
Mundo sana ay isang Paraiso sa lahat,
At ang kulay ay isa lang bigay na pangalan.
Sa pagyao ng “ordinaryong” Papa sa lupa,
Tila pansamantalang tumigil ang pag-asa,
Ang galangan sa hanay ng mananampalataya,
Ay nanumbalik sa lona ng pagpipinta.
Subalit hindi palagian na may tulad niya,
Bibihira ang naglalakad sa hanay ng masa,
Anuman aral ang nagmulat sa tadhana,
Sana’y hindi mauwi na lamang sa ala-ala.
Ang pagbabago ay ‘di bagay na inireregalo,
At lalong hindi nakukuha sa pagluhod,
Siya mismo ang nagpakita ng halimbawa,
Kailangan kumibo, kumilos nang lumaya.
–Abril 26, 2025








