Ni Andre Ramirez Gutierrez
Pagkatapos ng tahimik na pagdiriwang,
ng simpleng noche buena’t inuman sa dilim,
bumigkas ang langit ng isang pamilyar
na pangungusap na kilala’t kinatatakutan
ng lahat: walang habas na pagpatak, koro ng kulog
na sumasabay sa kumpas ng kampana’t
marahang bulong ng hangin mula sa kanan—tila
sanlibo’t sandaang tipak ng bato ang nagahagbong
sa mga yerong bubungan. Mula sa aking kinauupuan,
dinig ang ispiker ng simbahan, at ang panalangin
ng pari sa agarang pagtila nitong muling pagbuhos ng ulan.
Sa kaliwang parang, mayroong nilalamig na kambing
na napabayaang ngumunguya ng bermuda, at marahil
sumasabay din siya sa idinaraos na misa, pagkat bakas
sa kaniyang ginaw na halinghing ang tráwma ng pagsalanta.
Poblacion, Dauis
26 Disyembre 2021