(Para kay Maria Malaya)

Ni Pia Montalban

Sa pusod at bituka ng kagubatan,

mga orkidyas sumisibol, namumukadkad.

Ang kanilang mga ugat, matitibay

nakakapit nang mahigpit sa lupang buhay.

Sa pinakamasungit na klima at panahon

nag-uunat ng talulot at nagsasaboy ng rilag:

Gandang hinubog sa piling ng kalikasan,

pinagbabantaang mabura sa kasaysayan.

Sa harap ng pinakamapanghamong pagsubok,

kasayaw nila ang hangin, humihinga, nakikibaka.

Sila’y sumisibol sa dilim, sa ilalim ng liwanag ng buwan,

at sa pinakamahaba nating mga gabi,

ang masilayan ang pag-uunat ng kanilang talulot,

ay parang pagtataas kamao, o pangangako.

Naririto kami. Laging naririto kami.

may banta man ng ubusan ng lahi.