Ni George Tumaob Calaor

Walang lagating ng barya,
ni kaluskos ng papel—
nang ang trilyones
na pondo para
sa flood control
ay nilustay, ninakaw,
nilamon ng gahaman,
nang walang gatol,
walang hibla ng konsensya—
mga garapal na mambubudol…
ginawang ilog ang bulsa
at pader ang puso!

Sa una’y walang amoy,
sapagkat multo
ang proyekto—
inprastrakturang
walang laman,
sementong usok,
bakal na anino,
ngunit simot
hanggang
sa huling barya!

Ngunit nang umanib
ang kalikasan
sa umaalong poot
ng mamamayan—
umalingasaw!

Tumambad ang lupit
ng katotohanan..

rumagasa ang
sistemang bulok,
umungol ang bulkan,
gumuho ang kabundukan,
nalibing sa putik
ang pangarap,
marami ang nawalan
ng tahanan
at tinangay ng baha
ang dangal
at kabuhayan.

Nanginig ang katawan,
kumulo ang tiyan
sa gutom—
hindi dahil
sa bagyong nagdaan,
kundi sa delubyong inihampas
ng pamahalaan…
mga burukratang kapitalista,
mga kawatang nakabarong,
ginawang kontrata
ang dangal ng bayan!

Kaya magalit ka pa,
O bayang dinudusta, dinadahas, dinudugas!

Lagablab ng pakikibaka
sigwa mong ibigwas!

Panagutin!

Huwag hayaang makaalpas!

Pagkat lansangan
ay bulwagan
ng paghukom
ng mamamayan—
walang korap,
walang pasistang kriminal ang makakatakas…

ito’y takda
ng kasaysayan!