By George Tumaob Calaor

ikaw ngayon

ay batis

na hindi

mawawalan

ng tubig…

pumapahid sa panunuyot

ng mga nauuhaw…

dumidilig sa kahungkagan ng kamalayan–pinupunan

ng karunungan

nang sa kasinungalingan

diwa ay hindi mailihis sa tama at makatarungang kamulatan.

Ikaw din ay ilog

ng ragasang

hindi masasagkaan…

daluyong ng pakikibakang

himagsik ay

hindi mapipigilan

walang pader ng karahasan ng berdugo ang makahaharang

pagkat ang iyong agos

ay mithing kalayaan

at katimawaan

ay tagumpay

na tanging

sa iyo lamang

ay nakalaan!

Kaaway ngayon

sa iyong paglisan

ay naglalasing

sa kasiyahan…

ang hindi nila batid

ang nawala lamang

ay ang iyong katawan

at ang pagpapalaya

ay walang kamatayan!

Ikaw ay hanging

pumapawagayway

sa watawat

ng nagbuklod

na lakas

at kagitingan

ng mga manggagawa

at mga magsasaka!

Ikaw at iba pang

mga kasamang martir

ay liyab ng sulo

sa noo ng bawat

rebolusyunaryong

walang humpay

ang pagsulong

at rebolusyon

ay tiyak nang

mananambana

sa kalubsan ng tagumpay…

uri ay mawawala…

pagkapantay ay

mamamandila!