Ni Ibarra Banaag
18 bandido ang nagkasundo,
Na nagkusa at nagboluntaryo,
Mag-abogado sa nasasakdal,
Lantaran ang pangbabarubal.
Nuknukan kung lumapastangan,
Kunwari’y nanumpa sa watawat,
Mas matimbang ang katulad,
Nilang nangbubudol sa bayan.
Nag-uumapaw ang kababuyan,
‘Di maikubli ang kabulastugan,
At kanila lamang pinatunayan,
Una interes nilang mga kawatan.
Ang nakalulungkot sa ngayon,
Sindikato ngayon ang timon,
Bakit pa nga ba madidismaya,
Sa simula pa lang ay halata na.
Ngunit ‘di dapat ito inaatrasan,
Dapat tumindig ang mamamayan,
Na kung todo pangbabaluktot,
Dapat ding tapatan at magmaktol.
Itong mga nagbibingi-bingihan,
Tainga ay pompyangin at pingutin.
Ang matalinong nagpapakatanga,
Tungkabin at ibasura na sa balota.
Sabi nga nga ng isang propesor,
Mga tambay na nagmamarunong,
Madaling unawain ang inuusal,
Kumpara sa oportunistang iskirol.
Ang tunay na impeachment court,
At ang hukom na dapat humatol,
Ay ang taong bayan na dinidribol,
Sawang-sawa na, na binubudol!
Simulan nang basahin ang sakdal,
At ang mahabang paghihintay,
Matuldukan at magtagumpay,
Ng mangibabaw ang liwanag.
Huwag palampasin at pagbigyan,
Silang mga taksil sa bulwagan,
Na kung ano-anong kabalbalan,
Walang puwang ang paggalang.
–Hunyo 11, 2025








