Ni George T. Calaor

 

Sa umaga ng lungsod

na dati ay umaatungal

ang makina ng dyip

at sipol ng konduktor…

 

may kakaibang

katahimikan.

 

Hindi trapik

ang bumara

sa kalsada

kundi gutom.

 

Sa bawat terminal

may drayber

na nakaupo

sa gilid

ng manibela

na parang

kabaong ng

kabuhayan.

 

Noventa na

ang presyo

bawat litro

ng diesel—

sabi ng balita.

 

Parang bala

na diretso

sa sikmura

ng mahihirap.

 

Kaya ang ilan

naglatag ng martilyo

sa konstruksiyon…

 

ang iba nagbitbit

ng kendi

at sigarilyo

sa bangketa.

 

Hindi dahil ayaw

na nilang bumiyahe

kundi dahil

ang makina

ng dyip

ay hindi tumatakbo

sa pangako.

 

Sa kabilang dako

may opisyal

na nagsasabing

“apat na araw

na lang ang pasok.”

 

Parang sinasabing

kung kulang

ang pagkain—

magbawas

ng araw

ng gutom.

 

Ngunit hindi

nababawasan

ang presyo

ng langis

sa paikot na

press conference.

 

Hindi rin

napupuno

ang tangke ng dyip

sa palusot.

 

Sapagkat sa

malayong disyerto

may digmang

pinaputok

ng mga imperyo…

at sa bawat

pagsabog

ng bomba…

tumataas

ang litro

ng diesel

sa bansa.

 

Ganyan kalayo

ang kamay

na sumasakal

sa drayber…

 

ngunit tandaan…

 

kapag ang manibela

ay hinawakan ng

nagkakaisang kamay…

 

kapag ang kalsada

ay hindi na

daan ng tubo

kundi daan

ng laban…

 

magrerebolusyon

ang mga dyip

na parang

bagyong bakal

sa lungsod…

at ang katahimikan

ay magiging

ugong

ng protesta.

 

Sapagkat kapag

huminto ang byahe

ng mahihirap…

 

ang susunod

na aandar

ay pakikibaka.