Ni Arnold Padilla
Angkinin natin ang galit ng masang nilulunod
Sa rumaragasang baha ng kahirapa’t gutom
Tipunin natin ang kanilang nagliliyab na poot
Sa kamao ng bayan na matiim nang nakatikom.
Huwag tayong magpapatumpik-tumpik
Huwag magdududa o magdadalawang-isip
Kung ang masang malaon nang dinarahas, ginigipit
Ngayo’y pinaaapoy ang lungsod ng kanilang mga hibik.
Bagkus ariin nating atin ang kanilang pagkasuklam
Sa yamang hinukay sa sikmura nilang kumakalam
Hamon sa organisadong dahas ng estadong pasista
Silyab ng makatwirang dahas ng organisadong protesta.
Pag-aralan natin ang daigdig kasama ang masa
Kung bakit di sapat ang molotov sa lipunang bulok
Pag-aralang sabay kung kanino’t paano dapat itutok
Ang bawat pagsiklab, ang bawat pagsabog.
Angkinin natin ang galit ng masa.
Tipunin natin ang kanilang nagliliyab na poot.







