Hindi Malayo ang Negros
By Luchie Maranan
Akala mo lang
Wala kang kinalaman,
Wala kang pakialam
Sa islang naglalamay
Sa mga pinaslang.
Ang mapulang tilamsik at daloy
Ay umaabot sa iyong kinaroroonan
Dahil maniwala ka’t hindi,
“Ang sakit ng kalingkingan
Ay dama ng buong katawan.”
Ang dilim ay malawak na inilalatag
Hanggang ang iyong
Sariling liwanag ay di na mabanaag.
Nasa hangin ang pulbura ng salarin
Pagtutol ay pupulbusin.
Akala mo lang
Naumid na ang iyong paligid,
Ngunit dinig hanggang sa iyong isip
Ang hiyaw ng dumaraming
Tinutugis at inuusig.
Akala mo lang
Wala kang kinalaman,
Wala kang pakialam
Ngunit ang Negros ay larawan
Ng iyong sariling bayan.
Hulyo 31, 2019