Ni Ibarra Banaag

 

Di pa tinatanong, depensa agad

Nag-trio pa itong mga “kagalang-galang”

Kumanta agad wala pang musika

Naglubid nang naglubid ng litanya

 

Kesyo wala siya/silang kakilala

Di daw kakampihan ang pamilya

Personal daw ang binigay na pera

Nalimutan na nila ang delikadeza

 

Ni isa ay di sangkot sa anomalya

Walang kamalay-malay sa dilihensya

Mga ghost project noon at ngayon

Absent ba kayo sa naging desisyon

 

Puro tanggi, puro satsat at turuan

Kanya-kanyang takas sa damuhan

Imbistigasyon sa ibaba at itaas

May kinalaman din ang naggigisa

 

Bago umiyak sa umano’y fake news

Bago magalit sa mga pinupukol

Di ba sa bibig nahuhuli ang isda

At sa matabil na dila ng oportunista!

 

Sa dulo ng akting, komedya’t drama

Mauuwing nakanganga ang biktima

Tatakbo ulit ang mga kawatan

Iboboto naman muli ng naisahan

 

Kung siklong ito ay di matitigil

Mapapatid lang ang litid sa gigil

Ang mga matapang na naglantad

Mauuwi lang sa wala ang ginawa

 

Magbantay at ‘wag manghinawa

Huwag mapagod at magsawa

Kailangang magapi ang kabalbalan

Kailangan putulin ang kasakiman

 

–Setyembre 4, 2025