Ni George T. Calaor
Sa ilalim
ng tubuhan
may alaalang
hindi kayang
ilibing ng estado
sa malamig
nitong mga ulat…
ENGKUWENTRO.
NAPATAY.
NAKUMPISKANG BARIL.
Iba ang sinasabi ng lupa.
Naaalala nito
ang mga yabag
ng nakapaang
mga magsasaka
sa pagbubungkal
ng tuyong lupa…
ang mga palad
na sugatan habang
naghahasik
ng munggo
sa ilalim
ng gutom
na umaga…
ang mga inang
nagkakasya
sa lugaw
habang umiikot
ang mga helikopter
na tila mga
buwitreng bakal
sa himpapawid
ng Negros.
Binibilang ng pasista
ang mga bangkay
gaya ng
pagbibilang
ng asendero
sa sako-sakong asukal
na iniimbentaryo
para sa tubo…
medalya para sa
mamamatay-tao…
at ang mga patay
na mga maralitang
ginagawang hagdan
ng promosyon at kapangyarihan.
Ngunit bawat magsasakang
pinaslang
ay nagbabalik
bilang kulog.
Maririnig sila
sa Toboso
kung saan
ang dagundong
ng mga motorsiklo
sa likod ng kabaong
ng mga minasaker
–mga martir
ay naging
unos ng bayan
at ang alikabok
sa lansangan ay
nagpapahiwatig
ng walang
kamatayang
paghihimagsik.
Maririnig sila
sa mga batang
hindi na nanginginig
sa dulo ng baril
sapagkat ang takot
ay naging wika na
ng kanilang pagkabata.
Maririnig sila
sa mga biyudang
ang luha ay
naging bakal.
Berdugong umuusal
ng kapayapaan
ang mga heneral
habang pinatatalas
ang kanilang
mga bayoneta.
Demokrasya ang sigaw
ng estado habang
nilulunod sa bota
at bina-blacklist
ang pamayanankabaryuhan.
Mapanganib daw
ang mangarap kaya…
nire-redtag nila
ang gutom.
Nire-redtag nila
ang lupa.
Nire-redtag
nila maging
ang alaala.
Ngunit ano ba
ang higit
na mapanganib
kaysa sa magsasakang
wala nang pag-aari
kundi kasaysayan
at poot?
Kumikinang
ang asyenda
sa yaman
ng iniluluwas
na asukal
habang hungkag
ang sikmura
ng mga manggagawa…
matatayog ang tubo ngunit
ang mga musmos
ay gutom sa lilim nito.
Hindi ito kapayapaan.
Ito ay organisadong
taggutom na
binabantayan
ng mga batalyon
at gayon pa man…
nagpapatuloy
ang masa.
Patuloy silang
nagtitipon
sa ilalim
ng pawid
upang ibulong
ang reporma
sa lupa
na tila lihim
na pangalan
ng kalayaan.
Patuloy nilang
ikinukubli
ang mga kasama
sa pagitan
ng kabundukan
at tubuhan.
Patuloy silang umaawit.
Ah…
iyan ang tunay
na kinatatakutan
ng naghaharing-uri…
hindi lamang
ang riple kundi
ang awit
na hindi kayang
patahimikin
ng riple.
Sapagkat hindi
nananahimik
ang mga patay
sa Pilipinas.
Kasama silang nagmamartsa
sa mga lansangang
militarisado at
sa mga prusisyon
ng pagluluksa.
Bumabangon sila
sa bawat nakakuyom
na kamao laban
sa paghahari
ng asendero
at pasista.
Nariyan si Kerima.
Nariyan si Ericson.
Nariyan ang
mga martir
ng Negros!
Na sa bawat
pangmamasaker
nitong estado
ay may inihahasik
na bagong
binhi sa pusod
ng kanayunan.
Maaaring sunugin
ng estado
ang mga baryo
gumawa ng huwad
na engkuwentro
magparami
ng kulungan
at libingan
ngunit hindi luluhod
habang-buhay
ang kasaysayan.
Darating ang araw
na ang tubuhan
ay hindi na
para sa eksport
kundi para
sa mga kamay
na nagdilig dito
ng dugo.
Darating ang araw
na hindi na bangkay
ang ikukubli ng tubuhan
kundi mga watawat.
At pagdating ng
bukang-liwayway
na iyon hindi ito
magiging banayad.
Darating itong
rumaragasang ilog
ng sambayanang
kay laon nang inalipin…
unos ng sama-samang
yabag ng mga api
–ang buhay at patay
na magkasamang
magmamartsa
patungo sa bayang
hindi na magiging
pag-aari ng asendero…
ng heneral…
o multo
ng pasismong
pusakal na
pumapanginoon
sa imperyalismo!








