Ano ang batayan ng impeachment kay VP Sara Duterte?

Ni Renato Reyes Jr., Tagapangulo, Bagong Alyansang Makabayan

Betrayal of public trustPublic office is a public trust, ika nga. Ang kanyang opisina at katungkulan ay ipinagkatiwala sa kanya ng taumabayan, alinsunod sa kanyang sumpa nang sya ay naging VP. Sumumpa sya na matapat na ipapatupad ang kanyang tungkulin, magiging tapat sa konstitusyon at ipatupad ang batas.

Sa usapin ng confidential funds ay mas mataas ang tiwalang ipinagkakaloob sa isang opisyal. Sa confidential funds kasi ay hindi na natin nalalaman ang aktwal na paggastos, kung kaya’t nagtitiwala ang taumbayan na maayos itong gagastusin alinsunod sa umiiral na batas at mga panuntunan.

Paano pinagkanulo ni Duterte ang tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng taumbayan?

1. Winaldas nya ang P612.5 million na confidential funds ng OVP at DepEd, ginastos nang hindi naayon sa batas at alituntunin ng CF. Commission on Audit (COA) na ang nagsasabi na maraming kwestyunableng ginastos si Duterte. Inubos nya ang P125 M sa loob lamang ng 11 araw noong katapusan ng 2022.  Ayon sa COA, hindi bababa sa P73 milyong gastos sa kabuuang P125 M noong December 2022 ay lumalabag sa mga panuntunan. Pareho din ang naging pattern ng paggamit ng confidential funds noong 2023.

2. Matapos nyang lustayin ang pera, ipinag-utos nya ang paggawa ng mga pekeng accomplishment report, pekeng mga resibo, pekeng mga pangalan at pirma, at iba pang pekeng dokumento na sinumite ng kanyang opisina sa COA. Ang lahat ng ito ay may kaalaman sya at mismong sya ang pumipirma sa mga sinusumite sa COA. Ang pagwawaldas ng pondo at pagtatakip nito ay nakasama sa gobyerno lalo na sa mga taxpayer na hirap na hirap sa pagbabayad ng buwis pero tila pinagnanakawan pa. Kulang ang pondo para sa serbisyo pero may nagwawaldas ng mahigit kalahating bilyong pisong pondo.

3. Nang madiskubre ang kanyang anomalya, ginawa ni Duterte ang lahat upang pagtakpan ang kanyang kasalanan sa pamamagitan ng hindi pagharap sa mga budget hearing at hindi pagdalo sa imbestigasyon ng Kamara. Humantong pa ito sa kaguluhan sa mismong Kamara noong ma-detain ang kanyang Chief of Staff.

Ang tatlong mayor na mga akysong ito ang nagpapakita ng garapal na pagtalikod ni VP Duterte sa kanyang sinumpaang tungkulin bilang VP.

Ano ang dapat gawin ng mamamayan?

Taumbayan ang biktima ng paglulustay ng pondo na ginawa ni VP Duterte. Mga ordinaryong mamamayan ang nagpapagod para makabayad ng buwis pero winawaldas lang ito ng ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa. Marapat na panagutin ng mamamayan si VP Duterte, kondenahin ang sistema ng kurapsyon at burukrata kapitalismo sa gobyerno, at ipaglaban ang pagbabago sa pamamahala kasama ang pagbubuwag sa lahat ng confidential funds. Bantayan natin ang Kamara at ipanawagan na aksyunan ang ating reklamo at iakyat ito sa Senado. Ipanawagan natin sa Senado na litisin ang kaso at bigyan ng hustisya ang mamamayan! #