Ni Diego Morra
Inaaasahang dadagsa ang maraming botante sa halalan nitong Mayo 12, 2025 at ang magiging resulta nito ay maaaring hudyat sa pagiging madugo ng halalang pampanguluhan sa 2028 sapagkat nagpahiwatig na si Sara Zimmerman Duterte Carpio na siya ay magwawagi sa labanang iyon. Subalit hindi magdidilang-anghel itong si Sara dahil nakaamba ang kanyang “impeachment trial” sa Hulyo 2025 at may pangamba rin ang kanyang mga kakampi na maaari siyang makasama sa kaso ng kanyang ama na ngayoy’y nakakulong sa The Hague.
Iyan ang mga bagay na nararapat na humugis sa boto sa Lunes. Kung tutuusin, ang mga botante ay hindi dapat maniwala sa mga survey ng Social Weather Stationsd (SWS), Pulse Asia at OCTA, bukod pa sa ilang nagsulputang mga kompanya na nakinabang sa pangangailangan ng mga survey ng mga tumatakbo sa lokal na posisyon at yaong lumalaban para sa Senado. Ang halaga ng mga survey na ito ay ang “bandwagon effect,” na nababatay sa pagiging sikat ng mga kandidato at hindi sa kanilang mga nagawa. Malinaw na ang SWS ay suki ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas (ABP) ni Marcos Jr. at ang Pulse Asia naman ay tinatangkilik ng kampo ni Duterte, kaya’t sali-saliwa ang kanilang mga resulta.
Mahalaga ang pa-bandwagon para sa mga katulad ni Bong Go na ang tanging papel sa mundo ay maging alalay ni Rodrigo Duterte at malaon ay napunta sa Senado. Ang kanyang record? Dagdagan ng burukrasya ang servisyo sa pamamagitan ng “Malasakit Centers.” Walang-mintis si Go sa paglalagay ng kanyang mukha sa mga pahayagan kahit na bansot ang kanyang nagawa galing sa debate at minsan pa ay tinuligsa ang kanyang mismong panukala. Subalit araw-araw ang kanyang “praise release” na pinapatulan naman ng Daily Tribune at Philippine Star. Nagkulang ang Comelec sa kanyang kontrol sa sobrang propaganda ni Go dahil ang lahat ng kanyang balita ay pawang advertisements na sinisipat ng Comelec. Ang tinatawag na advertorials sa mga pahayagan ay advertising na dapat ay nililimitahan ni Comelec Chairman George Erwin Garcia.
Dahil sa mga pagkukulang na ito ng Comelec, labis-labis na hirap ang aabutin ng mga matitinong kandidato na di gaya nila Camille Villar at Imee Marcos na pinapala raw ang salapi para manalo. Di pa rin natatapos ang mga kaso laban sa kanila Erwin Tulfo at iba pa na lumalangoy sa mga asunto ng “fraud, citizenship at di pagsasauli ng P60-milyon na ibinayad sa kanya ni Ate Wanda Tulfo Teo at pati na rin kay Ben Tulfo noong siya ay tourism secretary ni Duterte.” Sa teknikal, wala nang panahon ang Comelec at mga komisyonado nito na itinalaga ni Duterte upang sipain ang mga abusadong kandidato. At lalong walang garantiya na sa maaaring magkaroon din “digital dump” ng 20-milyong boto 12-minuto matapos isara ang mga presinto, gaya nangyari noong halalang pampanguluhan noong Mayo 9, 2022. Ito raw ang isang dahilan kaya sinipa ang Smartmatic at pinalitan ng Miru Systems ng Timog Korea, na matagumpay na kukubra ng P18-bilyon mula sa Comelec matapos ang halalan. Bukod sa mahal ang kontrata, “leased” lang pala ang mga automated counting machines (ACMs) kaya isasauli ang mga ito.
Sa Mayo 12, kailangang matyagan ng mga botante ang halalan, kunin ang kanilang resibo o kunan ang mga ito, at sipatin kung ang kanilang boto ay napadala sa Comelec. Noong nakaraang eleksyon, kaduda-duda ang pagbugso ng mga milyun-milyong boto para sa kanila Marcos Jr. at Sara Zimmerman Duterte Carpio kahit na hindi pa pala nakasara ang napakaraming presinto. Inireklamo rin ni Imee ang kanyang sinabing planong dayaan. Subalit tumiklop siya nang lumitaw na hindi naman sila Leni Robredo ang makikinabang. Naupos na kandila si Imee, Pangulo si Bongbong! Ngayon naman, parang ipo-ipo ang kampanya ni Bong Go at ginagamit ang lahat ng oras para dumamay sa mga nasunugan, namatayan, naaksidente at kung anu-ano sapagkat ito ang eleksyon na magpapahiwatig sa kanya na tumakbong pangulo sa 2028. Kung totoo na siya ang mga “topnotcher” sa Senado, tiyak na mapapataob niya si Sara Duterte Zimmerman Carpio. Ang problema ni Go ay watak-watak ang kampanya ng kampo niya at mukhang hindi rin niya makukuha ang 25% na solidong botante para kay Rodrigo Duterte.
Mga batikang kritiko ang nagsasabi na hindi maaaring social media lamang ang dahilan kung bakit sumirit ang boto para kay Bongbong yamang tinalo siya ni Leni noong 2016. Lalong hindi rin lumaki ang agwat dahil lamang kay Sara na hindi naman kilala sa buong bansa upang humagod ng milyun-milyong boto. Hanggang ngayon ay pinag-aaralan pa ring ng mga eksperto kung paano ginawa ang “digital electoral fraud” noong 2022. Higit na madali ang dayaan sa digital format sapagkat mga computer terminal lamang ang mamaniobrahin upang baguhin ang resulta. Parang artificial intelligence (AI) din yan na isang pindot lamang ay mababago ang algorithm gaya ng nangyari sa Grok ni Elon Musk. Nang tanungin kung sino si Musk ay sumagot na siya ay “salot” ng katotohanan at tagapamandila ng “fake news” at ang kanyang “followers” ay puro bots. Nang baguhin ang algorithm, umabot sa 225 milyon ang dumidiyos kay Musk.
Nandiyan din ang fake cell sites na maaari ring maging tulay sa “fake canvassing results” ng Comelec at daluyan ng palsipikadong boto. Ilang Tsino na ang nahuli sa paggamit ng International Mobile Subscriber Identity (IMSI) na ginagamit ngayon sa mga scams at maaari ring mag-hack sa mga ACMs at terminals ng Comelec. Ilang IMSI catchers din ang natuklasan sa loob ng isang nasunog na bahay sa Batasan Hills sa Quezon City na pagmamay-ari rin ng isang Tsino. Malapad at malawak ang maaaring galawan upang makapandaya sa Mayo 12 kaya’t lubos na pagmamatyag ang dapat gawin ng mga kalahok sa halalan upang mapawi ang dayaan. Tanging mga mandaraya lamang ang gagamit ng ganitong mga sistema upang yurakan ang halalan, bakliin ang tunay na resulta at ipagwagi ang mga di-nararapat na umupo sa puwesto.
Sa huli, ang mga manghahalal ay dapat pag-aralang mabuti ang mga sinasabi ng mga kandidato at tiyakin na sila ay ipagtatanggol ang karapatan ng mga manggagawa sa P1,200 na taas sa minimum wage, ang pagsugpo sa walang-habas na pag-angkat ng bigas, ang patuloy na pagyurak sa karapatang pantao, at ang malawakang nakawan sa salapi ng bayan na siyang dahilan kung bakit taun-taon ay P1.2-trilyon ang nawawala sa pambansang badyet ng pamahalaan, ang pagkakaroon ng mga “doleout” ng mga kilabot na partylists na tangan-tangan ng “political dynasties” at ang paglustay sa mga walang-kapararakang programa at proyekto habang lumolobo ang utang na panloob at panlabas ng republika. #








